Paghahanda sa Ating mga Puso para sa Pasko ng Pagkabuhay: Isang Debosyonal para sa KuwaresmaHalimbawa

"Ika-Limang Araw: Ang Leon"
Nang si Jacob ay nakaratay na, hinulaan niya ang hinaharap ng bawat isa sa kanyang labindalawang anak, ang pag-angat o ang kamatayan, pagsagana o paghihirap. Para sa ilan, ang kanilang kinabukasan ay puno ng karahasan at kapighatian. Subalit para sa iba, ang kanilang hinaharap ay puno ng katanyagan at katagumpayan.
Para kay Judah, ang ika-apat sa mga anak ni Jacob, ang kanyang hinaharap ay may karangalang dulot. Siya ay igagalang ng kanyang mga kapatid (v. 8, "ikaw ay pupurihin ng iyong mga kapatid") at makakatanggap ng parangal mula sa lahat ng mga bansa (v. 10, "sa kanya ang lahat ng pagsunod ng mga bayan ng Diyos"). Ang kanyang pamamahala ay magiging matatag at walang pagtutol (v. 10, "ang setro ay di mawawala kay Judah") at ito'y magiging panahon ng nag-uumapaw na kasaganaan. Sapagkat ang ubasan ay nangangailangan ng matamang pag-aasikaso at pag-aalaga, ang alak ay isang luho para sa mga taong lagalag noong mga unang panahon. Subalit sa ilalim ng pamamahala ni Judah, magkakaroon ng labis na kasaganaan ng ubasan na maaaring itali ang kanyang asno sa mga ito na walang pangambang ito'y mapinsala, mahugasan ang kanyang mga damit sa alak at hindi maubos ang mga ito, at uminom ng uminom hanggang maging kakulay na ng mata niya ang alak (vv. 11-12). Ang panahon ng pamamahala ni Judah ay magiging dakila at walang pagtatakang si Judah mismo ay tatawaging isang leon (v. 9).
Sa Pahayag 5, nakakita si Juan ng isang pangitain ng nasa tronong Leon ng Judah, na katabi din ng isang Kordero na pinaslang. Bakit? Ipinakikita sa atin ng Ebanghelyo na ipinamamalas ni Jesus ang pinakamalakas niyang kapangyarihan sa pamamagitan ng kahinaan, ang kanyang pagkapanginoon sa pamamagitan ng pagsisilbi, at ang kanyang pinakamakapangyarihang pamamahala sa pamamagitan ng pagpapakasakit ng sarili. Sa madaling salita, si Jesus ay pinatay sapagkat siya ang Leon at siya'y iniluklok sa trono sapagkat siya ang Kordero. Sa iyong panahon ng pagkalugmok, kapighatian at paghihirap, nakikita mo ba na naranasan ni Jesus na malugmok para sa iyo upang iyong maranasan ang kasaganaan ng kanyang paghahari sa iyong buhay?
Panalangin
Panginoong Jesus, kami ay namamangha na ikaw ay naghari hindi sa pamamagitan ng pagpapakita ng lakas, kundi ng pagsisilbi, hindi sa pagtataas ng iyong sarili, kundi sa pagiging mababang-loob, hindi sa kapangyarihan kundi sa sakrispisyo. Tulungan mo akong makita na ikaw ang Leon na pinatay tulad ng isang kordero, upang sa aking kababaan ay maranasan ko ang iyong kadakilaan. Sa pangalan ni Cristo, Amen.
Karapatang maglathala (c) 2012 ng Redeemer Presbyterian Church.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Ano ba ang Mahal na Araw o Kuwaresma? Ito ang panahon kung saan ating inaabangan ang pagtatagumpay ng liwanag at buhay ni Cristo laban sa kasalanan at kamatayan. Sa ating paglalakbay mula Miyerkules ng Abo hanggang sa Pasko ng Pagkabuhay, ipinaaalala sa atin ang katotohanan ng ating kahinaan at ang biyaya ng kaligtasan na nagmumula sa Diyos.
More
Ang debosyonal na ito ay nilikha ng mga kawani ng Redeemer Presbyterian Church at unang inilathala sa www.redeemer.com noong 2012. Ginamit nang may pahintulot.
Mga Kaugnay na Gabay

Adbiyento: Ang Paglalakbay Tungo sa Pasko

Pagtitiwalang ang Diyos ay Mabuti Kahit Anupaman

Ang Lahat ay Mapayapa: Pagtanggap sa Kapahingahan ni Jesus Ngayong Kapaskuhan

Bagong Taon, Mga Bagong Awa

Mas Mahusay Kapag Sama-sama

Paglalakbay Tungo sa Sabsaban

Krus at Korona

Pakikinig sa Diyos
