Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Paghahanda sa Ating mga Puso para sa Pasko ng Pagkabuhay: Isang Debosyonal para sa KuwaresmaHalimbawa

Preparing Our Hearts for Easter: A Lenten Devotional

ARAW 10 NG 40

"Ika-sampung Araw: Ang Hari" Iba't-iba ang kaisipan ng mga tao tungkol kay Jesus. Marahil ang dalawa sa pangkaraniwang pagkakilala sa kanya ay ang kanyang pagiging matalinong guro o isang magaling na halimbawa. Subalit ang taludtod na ito, na isa sa mga pinakamadalas na mabanggit mula sa Bagong Tipan, ay naglalahad ng tungkol sa dalawang papel ni Jesus - bilang isang saserdote at bilang isang hari. Ang hari sa Mga Awit 110 ay walang katulad sa kapangyarihan at sa kalakasan. Siya ay nakaupo sa kanang luklukan sa lugar ng pinakamataas na kapangyarihan. Ang tagumpay laban sa kanyang mga kaaway ay tiyak at pinamamahalaan niya ang bayan ng Diyos sa pamamaraang malaya silang sumusunod sa kanya. Dinudurog niya ang mga haring laban sa kanya at ipinatutupad niya ang kanyang paghuhusga sa mga bansa. Siya ay dinadakila at ang tagumpay laban sa kanyang mga kaaway ay tiyak na. Nang si Jesus ay muling nabuhay mula sa kamatayan at umakyat sa langit, muli siyang ibinalik ng Diyos sa kanyang orihinal na lugar sa kanyang kanang kamay. Ang kanyang muling pagkabuhay ay pagbibigay-matwid sa kanyang katayuan bilang Anak ng Diyos at ang kanyang pagkaluklok sa trono bilang karapat-dapat na hari sa sansinukob. Nagapi niya ang kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan at siya ang ngayon ay nakaluklok bilang hari. Ang ibig sabihin nito ay si Jesus ang may kapangyarihan at karapatan upang pangalagaan tayo laban sa lahat ng kasamaaan at kabuktutan at karapat-dapat lamang na ibigay natin sa kanya ang ating buong katapatan at debosyon. Ang salmong ito ay nagsasabi sa atin na si Jesus ay isang saserdoteng hari. Ang saserdote ay naghahandog ng mga alay at panalangin sa ngalan ng bayan ng Diyos. Ngunit si Jesus ang permanenteng saserdote sa hanay ni Melchizedek, na mas nakahihigit kaysa sa lahat ng ibang saserdote. Inialay ni Jesus ang kanyang sarili bilang handog na walang kapintasan para sa ating kasalanan at patuloy siyang namamagitan para sa atin. Dinadamitan niya tayo ng banal na pananamit, upang sa pamamagitan niya, maaari tayong makalapit sa Diyos. Panalangin Ama, salamat na iniangat mo si Jesus mula sa kamatayan at pinaupo sa iyong kanang kamay, sa kaibaibabawan ng lahat ng pamamahala at kapangyarihan at kalakasan at dominyon at sa ibabaw ng bawat pangalan na pinangalanan, hindi lamang sa panahong ito kundi sa darating pang panahon. Tulungan mo kaming magtiwala sa kanya araw-araw bilang aming saserdote at hari. Sa pangalan ni Cristo, Amen. Karapatang maglathala (c) 2012 ng Redeemer Presbyterian Church.

Banal na Kasulatan

Tungkol sa Gabay na ito

Preparing Our Hearts for Easter: A Lenten Devotional

Ano ba ang Mahal na Araw o Kuwaresma? Ito ang panahon kung saan ating inaabangan ang pagtatagumpay ng liwanag at buhay ni Cristo laban sa kasalanan at kamatayan. Sa ating paglalakbay mula Miyerkules ng Abo hanggang sa Pasko ng Pagkabuhay, ipinaaalala sa atin ang katotohanan ng ating kahinaan at ang biyaya ng kaligtasan na nagmumula sa Diyos.

More

Ang debosyonal na ito ay nilikha ng mga kawani ng Redeemer Presbyterian Church at unang inilathala sa www.redeemer.com noong 2012. Ginamit nang may pahintulot.