Paghahanda sa Ating mga Puso para sa Pasko ng Pagkabuhay: Isang Debosyonal para sa KuwaresmaHalimbawa

"Ika-apat na Araw: Ang Pagsubok"
Ito ang isa sa mga pinakakilala at pinakamahirap na taludtod sa Biblia. Sa Genesis 12 ay ipinakilala si Abraham na siyang magiging daan kung paanong "lahat ng bayan ng Diyos sa mundo" ay pagpapalain (Genesis 12:1-3). At dumating tayo sa tagpo kung saan makikita natin na ang pinasimulan ng Diyos na pagtawag kay Abraham upang lisanin ang kanyang tahanan ay nasa kasukdulan ng kaganapan. Sa pagtawag na iyon ng Diyos ay isinama Niya ang pinakamatinding sakripisyo at pagsubok sa pananampalataya ni Abraham — ang kanyang pagpayag na isakripisyo ang kanyang nag-iisang anak. Ang sakit at kirot ng sandaling ito ay naragdagan pa ng katotohanang sina Abraham at Sarah ay naghintay ng maraming taon na hindi nakikita ang katuparan ng pangako ng Diyos na isang anak. Ang pangako ng Diyos na isang bansa ang magmumula sa kanilang pamilya ay tila ba napaka-imposible para kina Abraham at Sarah, dahil nga sa kanilang kabiguang magkaroon ng anak.
Kaya't ngayon ngang sinagot ang kanilang mga panalangin at sila'y binigyan ng anak, hiningi ng Diyos kay Abraham ang isang bagay na tila baga napakalupit at walang katuwiran. Paanong magkakaroon ng isang bayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasakrispisyo sa kaisa-isang tagapagmana ni Abraham? Paanong ang kamatayang ito ang magiging daan para sa mga biyayang ipinangako sa Genesis 12? Ang kasagutan ay makikita natin sa ating paglipat mula sa mga kaganapan sa buhay ni Abraham tungo sa mga kaganapan sa buhay ni Jesus.
Habang ikaw ay nagninilay sa kasaysayang ito ng pananampalataya at sakripisyo ngayong nalalapit na Mahal na Araw, maglaan ka ng oras na pagnilayan kung paanong ito ay isang pahiwatig din ng pananampalataya at sakripsyo ni Jesus. Ang pagpapahayag ni Abraham na ang Diyos mismo ang siyang maglalaan ng tupa (Genesis 22:8) ay nagpapaalala sa atin ng Tupa na handog ng Diyos upang iligtas ang sanlibutan (Marcos 10:45; Juan 1:29,36). Ang pagbibigay ng Diyos ng lalaking tupa sa Bundok ng Moriah ay isang palatandaan ng Kanyang pagsasakripsyo ng Kanyang bugtong na anak, si Cristo Jesus — ang tunay na Kordero na walang batik na namatay para sa atin sa krus. Katulad ni Isaac, si Cristo ay ang kordero na inihatid sa kanyang kamatayan, ngunit di tulad ni Isaac, hindi ibinukas ni Jesus ang Kanyang bibig. Tulad ni Isaac na binuhat ang sarili niyang kahoy para sa altar, binuhat din ni Cristo ang sarili niyang krus (Juan 19:17). Bumalik ka at muling basahin ang taludtod habang nakatuon ang iyong mga mata kay Jesus, ang may-akda at kabuuan ng ating pananampalataya (Mga Hebreo 12:2).
Panalangin
Banal naming Ama, nagpapasalamat at nagpupuri ako sa Iyo sa pagpapadala mo ng iyong bugtong na Anak dito sa mundo. Bigyan mo ako ng mga matang makakakita ng kagandahan at kasakdalan ni Jesus, ang Korderong walang batik na kusang-loob na isinakripisyo ang Kanyang sarili upang aking matamo ang kapatawaran at ang bagong buhay. At sa liwanag ng Iyong biyaya, nawa'y makapamuhay ako ng buhay na may pananampalataya, nagtitiwala sa Iyong kabutihan at handang maglaan ng buhay para sa kapwa ko. Sa pangalan ni Cristo, Amen.
Karapatang Maglathala (c) 2012 ng Redeemer Presbyterian Church.
Tungkol sa Gabay na ito

Ano ba ang Mahal na Araw o Kuwaresma? Ito ang panahon kung saan ating inaabangan ang pagtatagumpay ng liwanag at buhay ni Cristo laban sa kasalanan at kamatayan. Sa ating paglalakbay mula Miyerkules ng Abo hanggang sa Pasko ng Pagkabuhay, ipinaaalala sa atin ang katotohanan ng ating kahinaan at ang biyaya ng kaligtasan na nagmumula sa Diyos.
More
Ang debosyonal na ito ay nilikha ng mga kawani ng Redeemer Presbyterian Church at unang inilathala sa www.redeemer.com noong 2012. Ginamit nang may pahintulot.
Mga Kaugnay na Gabay

Adbiyento: Ang Paglalakbay Tungo sa Pasko

Pagtitiwalang ang Diyos ay Mabuti Kahit Anupaman

Ang Lahat ay Mapayapa: Pagtanggap sa Kapahingahan ni Jesus Ngayong Kapaskuhan

Bagong Taon, Mga Bagong Awa

Mas Mahusay Kapag Sama-sama

Paglalakbay Tungo sa Sabsaban

Krus at Korona

Pakikinig sa Diyos
