Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Paghahanda sa Ating mga Puso para sa Pasko ng Pagkabuhay: Isang Debosyonal para sa KuwaresmaHalimbawa

Preparing Our Hearts for Easter: A Lenten Devotional

ARAW 13 NG 40

"Ika-13 Araw: Ang Paghamak" Nalulunod sa kanyang mga kapighatian si David (vv. 1-3). Umiiyak siya sa kanyang matinding paghihirap habang nag-iisa, habang iniwan siya ng kanyang mga kaibigan at pamilya (v. 4) at tinugis ng mga kalaban niya (v. 8). Ang kanyang karangalan ay hinahamak. Ang kampeon na dati'y ibinabantog ang pangalan sa lansangan ay hinahamak-hamak ngayon sa mga taberna (v. 12). Ang tagapagligtas ng Israel ay naghuhumiyaw para sa kaligtasan at wala siyang naririnig na kasagutan (v. 3). Ang sakit na ating nararamdaman kapag ang ating karangalan ay inaatake ay may dalang kakaibang sakit. Saan mang kultura tayo nanggaling, ang pangalan ng isang pamilya ay pinahahalagahan. Kung tayo man ay nag-iisang naghahanap na makilala para sa ating sarili, ang pangalan iyon ang ating kabuuan. Sirain mo ito at tayo'y nanganganib na magkaroon ng isang ganap na krisis sa ating pagkakakilanlan. Paano ba tayong natutuksong tumugon kapag ang ating karangalan ang niyuyurakan? Pinagtatakpan ba natin ang ating mga kapintasan? Tayo ba'y nawawalan ng pag-asa? Pinipilit ba natin ang ating mga sarili (at ibang tao) hanggang tayo'y halos mabaliw na sa ating pagnanais na makamtan ang pinakaganap na kagalingan? Iba ang landas ni David. Maging sa kanyang pagkabalisa, ang isipan ni David ay wala sa kanyang sarili. Hindi siya naligalig dahil sa kanyang sariling karangalan. Ang kanyang adhika ay nakatuon sa tahanan ng Panginoon. Ito ang siyang kumukuha sa kanyang panahon (v. 9). Habang buong katapatan niyang inaamin ang kanyang mga kasalanan, nananalangin siyang walang magiging kasamang pinsala na manggagaling sa kanyang sariling kahangalan na magbibigay ng kasiraan sa Diyos ng Israel o doon sa mga tumitingin sa kanya (vv. 5-6). Ginawa ni David ang kanyang panawagan, nang may kalakasan ng loob, itinataya ang kanyang karapatan sa pagmamahal na di nagmamaliw at sa katapatan ng kanyang Panginoon na makatarungan at nakababatid ng lahat ng bagay (v. 13). Sa madaling salita, inilagay niya ang sarili niya sa mabuting pangalan ng Diyos. Maraming taon ang magdaraan, siya na tinatawag na Anak ni David ay papasok sa templo ng Jerusalem sa panahon ng Paskuwa, at itataboy ang mga mangangalakal at mga tagapagpalit ng pera na naroroon. Naalala ng kanyang mga alagad ang nasusulat, "Ang malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban" (Juan 2:17). Ang paghaharap na ito ang nagpasiklab sa mga pangyayaring humantong sa pinakamalaking pagkawala ng karangalan na maaari mong maisip. Ang lumikha ng sandaigdigan, ipinahiyang tulad ng isang napakasamang kriminal habang nasa krus, ay nanalangin para sa kanyang mga kaaway, at inihahandog sa kanila ang lahat ng kabutihang dulot ng kanyang dakilang pangalan. Kay Jesus, ating minana ang walang hanggang karangalan na hindi kailanman mababahiran. Panalangin Panginoong JesuCristo, Anak ni David, Anak ng Diyos, aming inaaming naging matindi ang aming pagsisikap na magkaroon ng magandang pangalan para sa aming sarili, at napakaliit ng ibinigay naming pagkilala sa pangalang ibinigay mo sa amin. Ikaw na ang pangalan ay nasa itaas ng lahat ng mga pangalan, iyong ginawang walang karangalan ang iyong sarili. Ibinaba mo ang sarili mo, kinuha mo ang anyo ng isang alipin, at tiniis mo ang marahas na panlilibak ng mga taong hinandugan mo ng iyong pangalan. Sa pamamagitan ng tiyak na pakikipagpalitan, isinulat mo ang iyong pangalan sa aming mga noo, at isinulat mo ang aming pangalan, na hindi na mabubura, sa iyong Aklat ng Buhay. Bigyan mo kami ng karunungan at ng pananampalatayang kailangan upang matanggap namin ng may pagpapakumbaba ang iyong kadakilaan. Turuan mo kami sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ng salita na lumago kasama ang pangalang iyon, at sa ganun baga ay magsimulang malarawan sa amin ang mga katangiang kaugnay ng pangalang iyon. Para sa iyong kaharian, sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, para sa iyong kaluwalhatian, Amen. Karapatang maglathala (c) 2012 ng Redeemer Presbyterian Church.

Banal na Kasulatan

Tungkol sa Gabay na ito

Preparing Our Hearts for Easter: A Lenten Devotional

Ano ba ang Mahal na Araw o Kuwaresma? Ito ang panahon kung saan ating inaabangan ang pagtatagumpay ng liwanag at buhay ni Cristo laban sa kasalanan at kamatayan. Sa ating paglalakbay mula Miyerkules ng Abo hanggang sa Pasko ng Pagkabuhay, ipinaaalala sa atin ang katotohanan ng ating kahinaan at ang biyaya ng kaligtasan na nagmumula sa Diyos.

More

Ang debosyonal na ito ay nilikha ng mga kawani ng Redeemer Presbyterian Church at unang inilathala sa www.redeemer.com noong 2012. Ginamit nang may pahintulot.