Paghahanda sa Ating mga Puso para sa Pasko ng Pagkabuhay: Isang Debosyonal para sa KuwaresmaHalimbawa

"Ika-2 Araw: Ang Arko"
Ang panahon ng Kuwaresma ay iniuugnay sa mataimtim na pagninilay sa kalagayan ng sangkatauhan. Ipinaaalala sa atin ng Miyerkules ng Abo na ang buhay ng tao ay marupok—tayo ay mula sa alabok, at tayo ay magbabalik sa alabok. Ngunit mabilis din nating natutunan na ang kalagayan ng tao ay hindi lamang kakikitaan ng kahinaan, kundi ng kasamaan din. Sa katunayan, noong panahon pa lamang ni Noe, sukdulan na ang kasamaan ng tao kung kaya't nasabing labis-labis ang dalamhati at pagsisisi sa puso ng Diyos. Ang masabing ang makapangyarihang Diyos ay nagsisisi sa Kanyang paglikha sa tao ay malinaw na nagpapahiwatig ng tindi ng kasamaang dulot ng kasalanan.
Subalit ang nakaaantig ay ang walang paligoy-ligoy na pagtukoy ng Biblia sa puso ng tao. Malinaw na tinutukoy nito ang aking puso, ang bigat ng aking kasalanan, at ang banal na pagsisisi sa kung paano ako namuhay.
Subalit sa gitna ng kapighatian at kinahinatnan ng hatol ng Diyos, nakakakita tayo ng sinag ng pag-asa. Tumingin si Noe sa itaas at nakita niya sa kabila ng kulay abong mga ulap ang nakabibighaning bahaghari na lumalabas kung saan nagtatagpo ang araw at ang unos. At doon sa kalangitan ay nakita niya ang arko ng galit ng Diyos na isinantabi para sa pangako ng kapayapaan.
At ang dakilang pangakong iyon ay gaano man katindi ang ating kasalanan, hindi tayo muling tatalikuran ng Diyos. Bagkus, di nagtagal at itinuon ng Diyos ang arko ng Kanyang galit sa kalangitan, sa Kanyang sariling Anak, kaysa pakawalan Niya itong muli sa atin. At sa krus, kung saan ang araw ng pag-ibig ng Diyos at ang bagyo ng matinding galit ng Diyos ay magtatagpong muli, si Jesus ay namatay sa gitna ng dilim upang ang liwanag ng kaluwalhatian ng planong pagliligtas ng Diyos sa atin ay magningning sa ating mga puso. Lahat ng ito ay nangyari nang walang bahid ng banal na pagsisisi.
Panalangin
Panginoon, tulungan po Ninyo kaming makibahagi sa Inyong kapighatian sa aming mga kasalanan. Sa panahong ito, bigyan po Ninyo kami ng lakas ng loob na tingnan mabuti ang karimlan ng aming mga kasalanan upang makita naming muli ang ningning ng Inyong dakilang pangako at biyaya sa amin kay Cristo. Sa ngalan ni Cristo, Amen.
Copyright (c) 2012 ng Redeemer Presbyterian Church.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Ano ba ang Mahal na Araw o Kuwaresma? Ito ang panahon kung saan ating inaabangan ang pagtatagumpay ng liwanag at buhay ni Cristo laban sa kasalanan at kamatayan. Sa ating paglalakbay mula Miyerkules ng Abo hanggang sa Pasko ng Pagkabuhay, ipinaaalala sa atin ang katotohanan ng ating kahinaan at ang biyaya ng kaligtasan na nagmumula sa Diyos.
More
Ang debosyonal na ito ay nilikha ng mga kawani ng Redeemer Presbyterian Church at unang inilathala sa www.redeemer.com noong 2012. Ginamit nang may pahintulot.
Mga Kaugnay na Gabay

Adbiyento: Ang Paglalakbay Tungo sa Pasko

Pagtitiwalang ang Diyos ay Mabuti Kahit Anupaman

Ang Lahat ay Mapayapa: Pagtanggap sa Kapahingahan ni Jesus Ngayong Kapaskuhan

Bagong Taon, Mga Bagong Awa

Mas Mahusay Kapag Sama-sama

Paglalakbay Tungo sa Sabsaban

Krus at Korona

Pakikinig sa Diyos
