Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

121 AdbiyentoHalimbawa

121 Advent

ARAW 10 NG 24

Paano Natin Mararanasan ang Kapayapaan?

Alam niya na hindi siya nararapat na nandoon. Ito ay bahay ng isang Pariseo, isang pinuno ng relihiyon sa komunidad, at naroon siya, isang makasalanan, isang “babae ng lungsod.” Alam ng lahat ang kaguluhan ng kanyang buhay. Higit sa lahat, alam niya. Ang kanyang kaluluwa ay magulo dahil sa kasalanan sa kanyang buhay. Ang pagkapoot sa iba at sa Diyos ang kasunod niya sa lahat ng oras.

Ngunit may isang bagay na nagdala sa kanya sa bahay na ito. Mas tamang sabihin, mayroong Isa na nagdala sa kanya. Alam ng babaeng ito sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa na kung ang kapayapaan ay matatagpuan sa kanyang buhay, si Jesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang magbibigay sa kanya nito. Sa isang kahanga-hangang pagkilos ng pananampalataya, isinubsob ng babae ang kanyang sarili sa paanan ni Jesus, umiiyak mula sa kanyang kasalanan, durog mula sa kapayapaan na nawawala sa kanyang buhay. Alam niya na nilikha siya ng Diyos para sa higit pa, para sa mabuti at para sa kapayapaan, subalit ito ay matagal nang nawala. Ang kanyang buhay ay binubuo ng kasalanan, hindi ng kapayapaan. Marahil, siguro nga, patitikimin siya ni Jesus ng kapayapaan sa kanyang pinahirapang buhay.

Ngunit, sa walong kataga lamang, binago ni Jesus ang lahat. “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; humayo sa kapayapaan.” (Lucas 7:36-50)

Lahat tayo ay nananabik sa kapayapaan sa ating buhay. Gusto natin na ang lahat ng pagkawasak at kaguluhan ng kasalanan ay maalis upang ang shalom ay pumasok. Kaya paano natin matatagpuan ang tunay na kapayapaan? Paano tayo magpapatuloy at ipapamuhay ang ating buhay sa kapayapaan? JESUS! JESUS! JESUS! Kung ilalagay natin ang ating buhay sa Kanyang paanan, ipagkakatiwala sa Kanya ang ating buong sarili, ang Prinsipe ng Kapayapaan ang magtatakip sa atin ng kapayapaang para sa buong walang hanggan! Si Jesus ang tagapagbigay ng kapayapaan sa ating buhay!

Mga Pamilya na May Maliliit na Anak

Basahin ang Lucas 19:1-10. MGA BATA, Bakit kakaunti ang mga kaibigan ni Zaqueo? (dahil dinaya niya ang mga tao sa pera at hindi siya matapat) Sino ang gustong makita ni Zaqueo? (si Jesus) Ano ang ginawa niya para makita si Jesus? (umakyat sa isang puno) Nilagpasan ba siya at hindi pinansin ni Jesus? (hindi) Ano ang ginawa ni Jesus nang nakita siya? (sinabi ni Jesus sa kanya na Siya ay pupunta sa kanyang bahay) Kilala ni Jesus si Zaqueo ngunit mahal Niya pa rin ito. Gusto ni Jesus na magkaroon ng ganap na kapayapaan si Zaqueo. Nahiya si Zaqueo, gusto niya na itigil na ang paggawa ng mga maling bagay at magsimulang gumawa nang tama. Pinatawad siya ni Jesus at siya ay nagsimulang makaranas ng kapayapaan na tanging kay Jesus lamang magmumula.

Mungkahing gawain: Humanap ng isang maliit na kahon at tatakan ito ng "Kahon ng Diyos." Kumuha ng piraso ng papel at isulat, "Narito O Diyos, ibinibigay ko ang aking problema sa math, football, basketball, babasahin, mga kaibigan, atbp. Pagkatapos ay isulat, "Hindi na ako mag-aalala pa." Manalangin sa Diyos at ilagay ito sa kahon. Nais ng Diyos na ilagay mo ang lahat ng iyong mga problema sa Kanya at malaman mo na lulutasin niya ang mga ito. Ilagay ang kahon sa isang lugar na nakikita upang ipaalala sa iyo na ang Diyos ang bahala sa iyong mga problema.

Basahin ang Lucas 2:8-12. MGA BATA, Ano ang pastol? (isang tao na nangangalaga sa mga tupa at nag-iingat sa kanila mula sa panganib) Bakit natakot ang mga pastol? (madilim, maaaring nakatulog sila, akala nila na sila ay nag-iisa sa parang, hindi nila inaasahan na makita ang isang anghel) Anong balita ang sinabi ng anghel sa mga pastol? (na ipinanganak si Jesus) Paano nila natagpuan ang sanggol na si Jesus? (isang tala ang nasa itaas ng sabsaban)

Habang nananalangin ka ngayong gabi, pasalamatan ang Diyos sa pagpapadala sa mga pastol upang hanapin si Jesus. Pasalamatan Siya sa pagpapakita sa kanila ng daan! Pasalamatan ang Diyos para sa iyong mga kaibigan at hilingin sa Kanya na tulungan ka na maging pinakamabuting kaibigan kailanman. Pasalamatan si Jesus sa pagiging iyong matalik na kaibigan at sa pagsama sa iyo sa lahat ng oras.

Tungkol sa Gabay na ito

121 Advent

Ang kapanganakan ni Cristo, ang Kanyang adbiyento, ay tanda ng sukdulang plano ng Diyos para sa ating katubusan. Kay Cristo, makikita natin ang pinakabuong larawan ng pag-asa, kapayapaan, kagalakan at pag-ibig ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ay ang katotohanan kung saan alam natin at lumalakad tayong kasama Siya araw-araw. Inaasahan namin na ang gabay na ito ay maghihikayat at makakatulong sa personal na oras na paggugol sa Salita at magbigay ng isang kasangakapan para sa mga pamilya na may mga anak na gawin iyon nang sama-sama.

More

Nais naming pasalamatan ang 121 Community Church sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: http://121cc.com/