Si Cristo > CoronaHalimbawa

Pagpapala #5—Tinuturuan Tayong Makita ang mga Tao
Nang ang paghihiwalay sa sarili ay naging karaniwan sa aming kapitbahayan, nagsimula akong (sa wakas) mag-isip tungkol sa aking mga kapit-bahay. ang matandang mag-asawa sa dulo ng kalsada—kumusta na kaya sila? Ang balong namumuhay nang mag-isa—paano kaya niya natatagalan ang kalungkutan? Ang babae sa simbahan na may kabalisahan bago pa naging bagong normal ang virus—nananatili kaya siyang malakas?
Ang mga ito ay magagandang kaisipan. Pinaaalalahanan tayo ng kapatid ni Jesus na si Santiago, "Ang pagiging relihiyoso na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ang pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito ..." (Santiago 1:27)
Ang tunay na relihiyon ay hindi patungkol sa mga pagsamba sa simbahan, pagdedebosyon sa tahanan, at saganang pagkakaloob. Ito ay patungkol sa pag-aaruga sa mga nakahiwalay at mga walang pumapansin. Ito ay tungkol sa pagbibigay ng ating limitadong oras sa kanilang mga buhay, upang matiyak na nararamdaman nilang sila ay nakikita, kinikilala, at minamahal.
Tutal, ito ang isa sa napakagandang bagay tungkol kay Jesus. Sa ating pagkabagabag, pinakikinggan Niya ang ating panalangin. Sa ating pagkakasala, iniaabot Niya ang Kanyang mga kamay at ipinakikita ang Kanyang mga sugat. Sa ating takot, ang Kanyang Espiritu Santo ang nagdadala sa atin pabalik sa mga pangako ng Diyos na pagtutugmain Niya ang lahat ng bagay para sa iyong ikabubuti. Sa lahat ng ito, nakikita tayo ni Jesus. Lubos Niya tayong kilala at minamahal.
Kaya't tumingin ka sa paligid mo ngayon at tingnan ang mga tao. Sa iyong paghihiwalay ng sarili, isipin mo ang mga taong hindi mo nakita dahil sa iyong pagiging abala. Abutin mo sila at at ipakita ang isang sulyap ng pag-ibig ni Jesus.
Kung ang virus na ito ay makapaglalapit sa atin ng isang hakbang patungo sa isang "dalisay at walang dungis" na relihiyon, sulit na ang lahat. Isang katibayan, muli, na si Cristo > Corona.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Ang coronavirus at ang mga hindi natin alam, ang mga pagkaantala, pagkakansela, at ang social isolation ay matagal pa bago matapos, na nangangahulugang ang mga biyayang gustung-gusto natin ay maaaring hindi natin makikita sa loob ng ilang buwan. Ang babasahing gabay na ito ay nag-aalok ng pampalakas ng loob at pag-asa para sa iyong takot at pagkabalisa at nagpapakita ng mga biyayang maaaring ipakita ng Diyos sa mga ganitong pangyayari.
More