Si Cristo > CoronaHalimbawa

Pagpapala #9—Tinuturuan Tayo Kung Ano ang Panandalian at Kung Ano ang Pang Walang Hangganan
Isa sa mga panganib sa pamumuhay sa Amerika sa taong 2020 ay ang pakiramdam na walang makakagapi sa kanila. Sa ibang mga panahon at mga lugar, inaasahan ng mga tao na kukunin ang ilan sa kanilang mga anak na lalaki ng digmaan, kukunin ng panganganak ang ilan sa kanilang mga anak na babae, at ang karamdaman ay kukunin ang marami sa kanilang buhay. Batid nila, higit kaysa sa atin, na maging ang pinakamahalagang biyaya ng buhay ay pansamantala lamang.
Napakadali nating makalimutan iyan sa isang mundo na mayroong Wi-Fi, mamahaling kape, at mga bakunang ibinibigay sa mga bata. Ang totoo, bago dumating ang Coronavirus, natutukso tayong isipin na napapasobra ang sinasabi ni Isaias nang siya ay magbabala, “Ipahayag mong ang lahat ng tao ay tulad ng damo, ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang. Natutuyo ang damo, kumukupas ang mga bulaklak," (Isaias 40:6-7). Ang ilang bagay ay maaaring pansamantala, ngunit siguro ay hindi naman "lahat," Isaias!
Ngunit itong mga huling linggo ay binago ang ating mariing pagtutol sa mapagpakumbabang pag-amin. Sinong mag-aakalang may makapagpapahinto sa mga propesyonal na palaro? Na ang mga hangganang pambansa ay ipasasarado? Na ang pandaigdigang paglalakbay ay hindi papayagan? Na ang pagsisimba ay isususpinde? Na ang tarangkahan ng Disney ay mananatiling nakasarado?
Kahit ano at ang lahat ay maaaring mawala. Ang ating pinakamaaasahang sistema ay hindi laging maaasahan. Ang lahat ay pansamantala. Ang lahat, maliban sa . . . mga pangako ng Diyos.
Naghambing si Isaias, "Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak, ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.” (Isaias 40:8) Bagama't inaamin natin na ang lahat ng bagay sa mundo ay pansamantala, nangingiti tayo sa katotohanang ang Salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman. Walang pagsasara ang makapagsasara ng aklat ng Kanyang mga pangako para sa atin. Hindi ka makakatanggap ng email mula sa ang-nag-iisang-banal-@-Gmail-dot-com na humihingi ng paumanhin dahil sa pagbabago ng mga plano. Walang makapagpapabago sa mga plano ng Diyos, kahit na gaano man kalaki ang pagbabago sa mga plano natin.
Itinuro sa atin ng karamdamang ito kung gaanong kapanandalian ang lahat ng narito sa mundo. At lubhang kamangha-mangha na magkaroon ng Banal na Salitang mananatili magpakailanman. Kaya habang binabasa mo ang iyong Biblia ngayong araw na ito, alalahanin kung paanong walang anumang maaaring makapigil na mangyari sa mga pangako ni Jesus. Wala.
Kung iyan ang tanging pagpapala sa nakababaliw na mga panahong ito, ito ay isang patunay, sa isa pang paraan, na si Cristo > Corona.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Ang coronavirus at ang mga hindi natin alam, ang mga pagkaantala, pagkakansela, at ang social isolation ay matagal pa bago matapos, na nangangahulugang ang mga biyayang gustung-gusto natin ay maaaring hindi natin makikita sa loob ng ilang buwan. Ang babasahing gabay na ito ay nag-aalok ng pampalakas ng loob at pag-asa para sa iyong takot at pagkabalisa at nagpapakita ng mga biyayang maaaring ipakita ng Diyos sa mga ganitong pangyayari.
More