Paghahanda sa Ating mga Puso para sa Pasko ng Pagkabuhay: Isang Debosyonal para sa KuwaresmaHalimbawa

"Ika-21 Araw: Ang Nagdurusang Lingkod"
Hindi pangkaraniwan si Jesus sa maraming bagay. Ngunit kung iyong hahatulan ang Kanyang buhay sa pamamagitan ng pamantayan ng mundo, maituturing Siyang isang kabiguan dala ng maraming kadahilanan. Siya'y isang dukha, tinanggihan, at namatay sa pamamagitan ng isang napakahirap at nakakahiyang kamatayan. Sa paraang hinahanap ng ibang tao ang kaginhawaan, kapangyarihan, at pagkilala, hindi ito ang hinanap Niya.
Maging sa Kanyang panlabas na anyo, walang palatandaan na kahit ano na Siya ang manlilikha at tagapagpanatili ng sansinukob. Wala Siyang kagandahan ni karangalan na magiging dahilan upang Siya'y kainggitan ng iba, kahit na nga Siya ang pinagmulan ng lahat ng kagandahan. Higit pa rito, Siya'y lubos na tinanggihan at kinasuklaman, isang taong puno ng kalungkutan, hanggang sa puntong nilayuan Siya ng mga tao at itinago nila ang kanilang mga mukha sa Kanya. Siya'y sinugatan, sinaktan, binutasan, pinarusahan, dinurog at nagdusa nang higit pa sa lahat ng kaya mong unawain. Lahat ng ito at Siya ang pinaka-walang sala at taong matuwid. Pinagdaanang lahat ito ni Jesus upang hindi na natin kailanman pagdaanan ito. Naranasan Niya ang kalungkutan at pighati sa paraang tayo mismo ay hindi kayang kayanin. Pinarusahan Siya dahil sa kasalanan, kahit na Siya mismo ay hindi kailanman nagkasala. Ang huling taludtod ay nagsasabi sa atin na tulad tayo ng tupa—hangal, walang kalaban-laban at nagnanais na humayo sa sarili nating paraan, ngunit inilagay ng Diyos ang lahat ng ating kasalanan sa Kanya. Bagama't Siya'y mayaman, ngunit para sa ating kapakanan Siya'y naging mahirap, upang tayo sa pamamagitan ng Kanyang kahirapan ay maging mayaman.
Panalangin
Aming Ama, namamangha kami sa kababaang-loob at kahabagan ng Iyong Anak. Tanging sa pamamagitan lamang ng Kanyang mga sugat kami nagkakaroon ng kagalingan. Panumbalikin mo kami bawat araw sa kagalakan ng aming kaligtasan at tulungan mo kaming mabuhay sa liwanag ng mas dakila pang mga bagay na darating. Sa Pangalan ni Cristo, Amen.
Karapatang maglathala (c) 2012 ng Redeemer Presbyterian Church.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Ano ba ang Mahal na Araw o Kuwaresma? Ito ang panahon kung saan ating inaabangan ang pagtatagumpay ng liwanag at buhay ni Cristo laban sa kasalanan at kamatayan. Sa ating paglalakbay mula Miyerkules ng Abo hanggang sa Pasko ng Pagkabuhay, ipinaaalala sa atin ang katotohanan ng ating kahinaan at ang biyaya ng kaligtasan na nagmumula sa Diyos.
More
Ang debosyonal na ito ay nilikha ng mga kawani ng Redeemer Presbyterian Church at unang inilathala sa www.redeemer.com noong 2012. Ginamit nang may pahintulot.
Mga Kaugnay na Gabay

Adbiyento: Ang Paglalakbay Tungo sa Pasko

Pagtitiwalang ang Diyos ay Mabuti Kahit Anupaman

Ang Lahat ay Mapayapa: Pagtanggap sa Kapahingahan ni Jesus Ngayong Kapaskuhan

Bagong Taon, Mga Bagong Awa

Mas Mahusay Kapag Sama-sama

Paglalakbay Tungo sa Sabsaban

Krus at Korona

Pakikinig sa Diyos
