The Mission | Ang Unti-unting Paglalahad ng Layunin ng DiyosSample

Ang pinakapangunahing layunin ng Diyos ay mapuno ang buong mundo ng Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng pagtubos ni Cristo, na isinusulong ng Kanyang mga tinubos na anak.
“Ngunit sumusumpa ako, ang PANGINOONG nabubuhay, habang ang buong mundo ay napupuno ng aking dakilang presensya . . .”
Bilang 14:21
Mahaba ang gabing iyon para kay Moises. Bumalik ang sampung espiya dala ang masamang balita tungkol sa malalakas na lungsod at matataas na higante. Kumalat ang takot sa bawat tolda. Nag-iyakan ang mga ina para sa kanilang mga anak. Nagbulungan ang mga tao na bumalik na lang sila. Malakas ang ingay ng reklamo at paghihimagsik sa paligid.
Doon nagsalita ang Panginoon kay Moises. “Hanggang kailan ba Ako hahamakin ng bayang ito? Kailan pa ba sila maniniwala sa Akin, matapos ang lahat ng mga tanda at himalang ipinakita Ko? Itatakwil at wawasakin Ko sila.”
“Nawa’y patawarin Mo ang kasalanan ng bayang ito,” pakiusap ni Moises, “ayon sa dakilang katapatan ng Iyong pag-ibig.”
At sumagot ang Panginoon, “Pinatawad Ko sila, gaya ng hiniling mo.”
At kahit sa gitna ng kawalan ng katapatan ng Israel, ipinahayag ng Diyos ang pangakong nagpapakita ng Kanyang dakilang layunin ng pagtubos: “. . . ang buong mundo ay napupuno ng aking dakilang presensya.”
Ito ang puso ng kasaysayan sa Bibliya—ang layunin ng Diyos na tubusin ang Kanyang nilikha. Sa kabila ng kasamaan at paghihimagsik ng sangkatauhan, pupunuin ng Diyos ang mundong ito ng Kanyang kaluwalhatian. Mula sa wasak na daigdig at sa nawawalang bayan, ibabalik ng Diyos ang tao at ang buong nilikha sa ganda ng orihinal Niyang disenyo. “Sapagkat kung paanong ang karagatan ay puno ng tubig, ang lahat ng tao sa mundo ay mapupuno rin ng kaalaman tungkol sa kadakilaan ng PANGINOON” (Habakuk 2:14).
Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ang liwanag ng Kanyang pagka-Diyos—ang Kanyang kapangyarihan, kagandahan, at kabanalan na makikita sa relasyon ng bawat persona ng Trinidad. Makikita ang kaluwalhatian na ito sa mga bituin, sa lupa, at sa lahat ng Kanyang nilikha. Ang mabuhay para sa Kanyang kaluwalhatian ang ating pinakamahalagang layunin.
Mula sa Genesis hanggang sa Pahayag, makikita sa Kasulatan ang kaluwalhatiang ito. Makikita ito sa unang salitang binanggit nang likhain ng Diyos ang sanlibutan. Maririnig ito sa pagsamba sa langit, kung saan sumisigaw ang mga tinig: “Karapat-dapat po kayo Panginoon naming Dios na tumanggap ng parangal, papuri at kapangyarihan” (Pahayag 4:11). Paalala ni Pablo na “ang lahat ng bagay . . . ay para sa Kanyang kaluwalhatian” (Roma 11:36). Maging ang kalangitan ay nagpapatotoo nito (Awit 19:1), at lahat ng nilikha’y sumasama sa papuri.
Ngunit ang pinakamataas na pagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ay si Jesus na Kanyang Anak—ang nakikitang larawan ng Diyos at ang ningning ng Kanyang kaluwalhatian (Hebreo 1:3). Kapag inililigtas ni Jesus ang mga makasalanan, binibigyang-diin.
Niya ang kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kanyang biyaya, katotohanan, pag-ibig, at katarungan. Naranasan natin ang kaligtasang ito at tinanggap ang isang banal na tungkulin: makibahagi sa misyon ng Diyos na punuin ang mundo ng Kanyang kaluwalhatian.
Sa pag-anyaya ng Diyos na makisama tayo sa Dakilang Utos, makakaasa tayo na matutupad ang Kanyang pangako kay Moises. Layunin Niya na ibahagi ang Kanyang kaluwalhatian sa Kanyang mga mamamayan. Ang “basehan ng pag-asa” (Colosas 1:27) ang siyang tibok ng ating misyon—ang nagbibigay-sigla sa lahat ng ating ginagawa. Kapag tayo’y nakikibahagi sa misyon, pinararangalan natin ang Diyos at ipinapakita ang Kanyang kaluwalhatian.
Handa ka na bang luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng pakikilahok sa Kanyang misyon?
Karagdagang Babasahin
Salmo 46:10; Isaias 11:9; 40:5; Jeremias 4:1–2; Habakuk 2:12–14; Roma 14:11
Pag-isipan
Tayo ay itinawag upang makibahagi sa kaluwalhatian ng Diyos. Paano maiimpluwensiyahan ng kaalamang ito ang iyong pamumuhay, paglilingkod, at pakikilahok sa misyon?
Gawin
Pumili ng isang bahagi ng buhay mo (trabaho, pamilya, ministeryo, o mga relasyon) kung saan puwede kang mamuhay nang mas may layunin para sa kaluwalhatian ng Diyos, at magpasyang parangalan Siya ngayong linggo.
Awit para sa Araw na Ito
We Cry Holy
Panalangin
O Diyos ng kaluwalhatian, ang liwanag Mo ay pumupuno sa langit at sa lupa. Matibay ang Iyong pangako: pupunuin Mo ng Iyong kaluwalhatian ang buong mundo. Nagniningning Ka sa lahat ng nilikha, sa kaligtasan, at sa liwanag ng Iyong Anak.
Nawa’y makita ang kaluwalhatian Mo sa aming buhay at sa lahat ng aming ginagawa. Gawin Mo po kaming tagapagdala ng Iyong liwanag, na naghahayag ng Iyong katotohanan hanggang sa mapuno ang buong mundo ng Iyong kaalaman. Palakasin Mo po kami sa misyong ibinigay Mo para mabigyan Ka ng karangalan at makilala ang Iyong pangalan sa lahat ng bansa.
Sa Iyo ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman. Amen.
About this Plan

Taun-taon, tayo ay nagtitipon upang manalangin at mag-ayuno para marinig natin ang tinig ng Diyos at sundin ang Kanyang kalooban. Bilang mga tagasunod ni Kristo, nawa’y tapat nating dalhin ang ebanghelyo sa mga bansa bilang pagsunod sa Dakilang Utos.
More
Related Plans

WORSHIP: More Than a Song

Go Tell It on the Mountain

Refresh Your Soul - Whole Bible in 2 Years (4 of 8)

Refresh Your Soul - Whole Bible in 2 Years (1 of 8)

God vs Goliath: The Battle Before the Battle

Refresh Your Soul - Whole Bible in 2 Years (3 of 8)

And His Name Will Be the Hope of the World

Light Has Come

The Mission | the Unfolding Story of God's Redemptive Purpose (Family Devotional)
