The Mission | Ang Unti-unting Paglalahad ng Layunin ng DiyosSample

Mula sa lahat ng bansa at henerasyon, ipapahayag ng mga tao ang katuwiran ng Diyos at ang natapos na gawain ni Cristo.
Dios ko! Dios ko! Bakit n’yo ako pinabayaan? . . . PANGINOON, maaalala kayo ng tao sa buong mundo, at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo . . . Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo. At tuturuan nila ang kanilang mga anak ng tungkol sa inyo, PANGINOON. Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak ay malalaman ang mga ginawa n’yo . . .
Salmo 22:1, 27, 30–31
Sa gitna ng matinding pagsalakay ng kanyang mga kaaway, sinabi ni David: “Mas mababa pa ako sa tao—para lang akong uod sa lupa. Kinukutya nila ako, dinuduraan, at inaasar. Pinalilibutan nila ako, na para bang mababangis na hayop. Binutas nila ang aking mga kamay at paa. Kita ko ang aking mga buto. Parang mga toro, aso, at baka na sumisigaw ang mga kaaway ko. Wala na akong lakas, nadudurog ang puso ko, nanunuyo ang dila ko. Nakahandusay ako sa alikabok ng kamatayan” (hango sa Awit 22:6–18).
Walang ibang nakasulat na pangyayari sa buhay ni David na ganito kahirap. Ang pagdaing niya ay higit pa sa kanyang sariling karanasan—ito’y larawan ng pagdurusa ni Cristo. Ipinakita ni David ang tindi ng paghihirap na pagdadaanan ni Jesus sa krus kapag binayaran Niya ang kabayaran para sa kaligtasan ng mga bansa. Ang Salmo 22 ay isang propesiya na parang isang uri ng pagdadalamhati.
Sa binanggit na awit, mapapansin na habang lumulubog si David sa pagdurusa, umaahon naman ang pagsamba niya sa Diyos. Nagsimula siya sa hinagpis ngunit nagtapos sa pagtitiwala, at sinabi niya na, “malalaman ang mga ginawa” ni Jesus. Ito’y tulad ng sigaw ni Cristo sa krus—“Tapos na.” Sa huling bahagi ng awit, makikita na mula sa pagtingin sa sarili lang niya, nagkaroon ng pagbabago kay David at siya ay tumingin sa mga bansa. Ang kanyang pagdaing ay naging papuri. Nakita niya ang mas malawak na larawan: ang misyon ng Diyos para sa lahat ng mga bansa at mga susunod na henerasyon.
Matututunan natin dito ang dalawang katotohanan tungkol sa puso ng Diyos para sa misyon:
1. Ang lahat ng bansa ay babalik sa Panginoon. “PANGINOON, maaalala kayo ng tao sa buong mundo, at sila ay manunumbalik.” Ang kamatayan ni Cristo ay hindi lang para sa isang bansa kundi para sa lahat ng mga bansa. Sa huli, magbubunga ito ng pagtubos ng napakaraming tao.
2. Ang mga susunod na henerasyon ay makakarinig at tutugon. “Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo.” Hindi titigil ang misyon. Magpapatuloy ito. Ito ay para sa buong daigdig sa lahat ng henerasyon habang dinidisipulo ng isang henerasyon ang susunod na henerasyon. Responsibilidad natin na magdisipulo bilang tugon sa tawag ng Diyos na makibahagi sa Kanyang misyon.
Karagdagang Babasahin
Salmo 22; Salmo 78:5–7; Isaias 52:10; 53:3–5; Mateo 27:46
Pag-isipan
Nagsimula ang Awit 22 sa hirap ngunit nagtapos sa tagumpay—mula pagdaing papunta sa papuri. Sa gitna ng pagdurusa, isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang layunin. Paano mo magagamit ang mga panahon mo ng paghihirap bilang pagkakataon para magbigay ng pagsamba at patotoo sa Diyos?
Gawin
Pumili ng isang tao sa iyong pinagtatrabahuhan, paaralan, o komunidad na galing sa ibang lahi o kultura. Alamin ang kanyang kuwento, pakinggan ang kanyang pananaw, at humanap ng pagkakataon para maibahagi sa kanya ngayong linggo ang tungkol sa pag-ibig ni Cristo.
Awit para sa Araw na Ito
Many Waters
Panalangin
Jesus, Ikaw ay pinabayaan upang kami ay matubos. Tinupad ng Iyong paghihirap ang propesiya sa Awit 22, na nagdala ng kaligtasan sa lahat ng bansa. Dahil sa Iyong tinapos na gawain sa krus, nakarating ang kaligtasan sa buong mundo. Nawa’y maalala Ka ng lahat ng bansa at maibalik sila sa Iyo.
Buksan Mo po ang puso ng mga taong hindi pa nakakarinig ng Iyong pangalan, at ipaabot Mo po ang ebanghelyo sa bawat tribo, wika, at bayan. Nawa’y lahat ng pamilya, bawat henerasyon, at lahat ng bansa ay yumuko sa Iyong harapan bilang pagsamba.
Magpadala Ka po ng mga manggagawa sa anihan na maghahayag na tapos na ang pagtubos at bayad na ang utang. Ipadala Mo po kami saan mo man gusto, upang ang aming buhay ay magamit para sa Iyong kaluwalhatian. Nawa’y makita sa aming buhay ang tagumpay ni Cristo, at magalak ang mga bansa sa Iyong kaligtasan. Amen.
About this Plan

Taun-taon, tayo ay nagtitipon upang manalangin at mag-ayuno para marinig natin ang tinig ng Diyos at sundin ang Kanyang kalooban. Bilang mga tagasunod ni Kristo, nawa’y tapat nating dalhin ang ebanghelyo sa mga bansa bilang pagsunod sa Dakilang Utos.
More









