YouVersion Logo
Search Icon

The Mission | Ang Unti-unting Paglalahad ng Layunin ng DiyosSample

The Mission | Ang Unti-unting Paglalahad ng Layunin ng Diyos

DAY 5 OF 7

Ang pagkakaunawa natin sa biyaya at habag ng Diyos ang nagtutulak sa atin na ipahayag Siya sa lahat ng bansa.

Noong taon ng pagkamatay ni Haring Uzia, nakita ko ang PANGINOON na nakaupo sa napakataas na trono. Ang mahabang damit niya ay tumakip sa buong templo. May mga makalangit na nilalang sa gawing ulo niya. Ang bawat isa sa kanila ay may anim na pakpak: Ang dalawang pakpak ay nakatakip sa kanilang mukha, ang dalawa ay nakatakip sa kanilang paa, at ang dalawa ay ginagamit nila sa paglipad. Sinasabi nila sa isa’t isa: “Banal, Banal, Banal, ang PANGINOONG Makapangyarihan! Ang kapangyarihan niya’y sumasakop sa buong mundo.” . . . Sinabi ko, “Nakakaawa ako! Tiyak na mapapahamak ako . . .” Pagkatapos, lumipad ang isa sa mga makalangit na nilalang papunta sa akin, may dala siyang baga . . . Inilapat niya ang baga sa aking bibig at sinabi, “Hinipo nito ang iyong bibig, at wala ka nang kasalanan.” Pagkatapos, narinig ko ang tinig ng Panginoon na nagsasabi, “Sino ang susuguin ko? Sino ang lalakad para sa amin?” Sumagot ako, “Narito po ako! Ako ang isugo ninyo.”
Isaias 6:1–3, 5–8

Nang mamatay si Haring Uzia, pumasok si Isaias sa templo at nakita ang Diyos na nakaupo sa trono—mataas at marangal. Natakpan ang buong templo ng Kanyang kasuotan. Sa sinaunang panahon, ipinapakita ng mga hari ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng karangyaan ng kanilang kasuotan. Ngunit ang kasuotan ng Diyos ay sobrang dakila na natakpan nito ang buong templo.

Narinig ni Isaias ang mga makalangit na nilalang na nag-aawitan: “Banal, Banal, Banal, ang PANGINOONG Makapangyarihan!”

Ang salitang banal dito ay tungkol sa kagandahang napakatindi, nakabibighani, at kanais-nais. Karapat-dapat ito para sa anumang halaga.

Naghahanap tayo ng mga pagkakataong makakita ng ganitong kagandahan sa mundo. Isipin ang Tower of London kung saan makikita ang pinakamalaking koleksyon ng mga koronang puno ng diamante. Makikita dito ang mahigit sa 23,000 na mga mamahaling bato gaya ng diamante, esmeralda, rubi na nakalagay sa mga korona, setro, alahas, at iba pa. Kahit pa sobra itong nakamamangha, hindi pa rin ito maihahambing sa ganda ng kabanalan ng Diyos.

Ito ang unang naunawaan ni Isaias tungkol sa Diyos. Ang pangalawa ay tungkol sa kanyang sarili: “Nakakaawa ako! Tiyak na mapapahamak ako.” Kapag nakita natin ang Diyos ng Misyon, makikita nating tayo ay kabaligtaran Niya. At ito ay nakakapanghina ng loob.

Sa harap ng kabanalan ng Diyos, nakita ni Isaias ang lalim ng kanyang kasalanan. Hindi niya maipagtatanggol ang kanyang sarili at wala siyang planong paunlarin ang sarili. Puro hatol lang ang inaasahan niya. Ngunit nang idampi ng makalangit na nilalang ang nagbabagang baga sa kanyang labi, hindi hatol kundi habag ang natanggap niya: “Inalis na ang iyong sala. Pinatawad ka na.” Sa isang iglap, natuklasan ni Isaias na mas masama siya kaysa sa inakala niya, ngunit mas mahal siya ng Diyos kaysa sa inaasahan niya.

Ang pagkakaunawa sa ebanghelyong ito ang bumago sa kanya. Agad siyang nagboluntaryo kahit hindi pa niya alam kung ano ang gagawin. Sinasabi ng tradisyon na naging brutal ang kanyang kamatayan—hinati ang katawan niya sa dalawa. Ngunit kapag makakatagpo natin ang Diyos ng Misyon, walang bagay na masyadong mahalaga para hindi ibigay sa Kanya. Handa tayong pumunta kahit saan, gawin ang anumang bagay, at magbayad ng anumang halaga. Ano ang humahadlang sa pagbibigay mo ng lahat-lahat para sa Dakilang Utos?

Karagdagang Babasahin

Exodus 34:6–7; Ezekiel 1:26–28; Lucas 5:8–10; Gawa 9:3–6

Pag-isipan

Nakita ni Isaias ang kabanalan ng Diyos at nayanig siya sa bigat ng kanyang kasalanan. Ngunit nilinis at inatasan Siya ng Diyos. Ang tunay na pagkikita sa Diyos ay nagpapakumbaba sa atin, at kasabay nito, tayo ay ipinapadala sa iba’t ibang lugar. Paano ka inihanda ng biyaya ng Diyos para ibahagi ang Kanyang mensahe sa iba?

Gawin

Maglaan ng oras ngayong linggo para pag-isipan ang kabanalan ng Diyos. Hingin sa Banal na Espiritu na ipakita kung may kasalanan ka pang hindi naisusuko. Katulad ni Isaias, magsisi at tanggapin ang Kanyang awa. Isulat ang isang hakbang na gagawin mo upang mamuhay nang mas banal.

Awit para sa Araw na Ito

Anywhere

Panalangin

Panginoon, Ikaw ay mataas at marangal, nakaupo sa trono, nababalot ng karangalan. Ang buong mundo ay puno ng Iyong kaluwalhatian. Nakikita namin ang Iyong kabanalan at kami’y nanginginig. Tulad ni Isaias, nakikita namin ang aming sarili—makasalanan at walang karapatan. Hindi namin maipagtatanggol ng aming sarili. Tanging habag Mo lamang ang meron kami. Ngunit hinipo Mo ang aming labi, nilinis ang aming kasalanan, at tinawag Mo kami para pumunta sa iba’t ibang lugar.

Dahil binago Mo ang aming puso, naririnig namin ang iyong tinig: “Sino ang aking ipadadala?” At kahit hindi namin alam ang daan na tatahakin namin, sinasabi namin, “Narito kami. Isugo Mo po kami.”

Alisin Mo po ang lahat ng takot, pagdududa, at mga bagay na pumipigil sa amin. Bigyan Mo po kami ng tapang na magsalita at kumilos para sa Iyong pangalan. Amen.

About this Plan

The Mission | Ang Unti-unting Paglalahad ng Layunin ng Diyos

Taun-taon, tayo ay nagtitipon upang manalangin at mag-ayuno para marinig natin ang tinig ng Diyos at sundin ang Kanyang kalooban. Bilang mga tagasunod ni Kristo, nawa’y tapat nating dalhin ang ebanghelyo sa mga bansa bilang pagsunod sa Dakilang Utos.

More