YouVersion Logo
Search Icon

The Mission | Ang Unti-unting Paglalahad ng Layunin ng DiyosSample

The Mission | Ang Unti-unting Paglalahad ng Layunin ng Diyos

DAY 2 OF 7

Mula sa halamanan hanggang sa lahat ng bansa, plano ng Diyos na mapuno ang mundo ng mga tinubos na sumasamba sa Kanya.

Binasbasan niya sila at sinabi, “Magpakarami kayo para mangalat ang mga lahi ninyo at mamahala sa buong mundo. At pamahalaan ninyo ang lahat ng hayop.”
Genesis 1:28

Nagsimula ang ating bahagi sa misyon ng Diyos sa isang halamanan—isang lugar ng kasiyahan kung saan nakikipaglakad ang Diyos kasama ang Kanyang mga kaibigan. Binigyan sila ng tungkulin: alagaan ang halamanan, pagyamanin ito, at punuin ang lupa ng Kanyang kaluwalhatian. Dapat silang magparami, magkaroon ng mga anak na ayon sa Kanyang imahe, at ipalaganap ang Kanyang presensya sa lahat ng nilikha.

Ngunit may nangyaring mabigat na pagkakamali. Pinili nina Adan at Eva ang pagsuway. Dahil dito, pumasok ang kasalanan sa mundo at lumaganap ang sumpa. Hanggang ngayon, dama pa rin natin ang bigat at sakit nito. Sa halip na mapuno ng kaluwalhatian ng Diyos, napuno ang lupa ng karahasan at kasamaan (Genesis 6:5, 11). Nasira ang ating unang misyon, pero hindi ito iniwan ng Diyos. Sinimulan Niya ang planong pagtubos upang ibalik ang Kanyang imahe sa tao at ang Kanyang kaluwalhatian sa mundo.

Nagsalita Siya kay Noe matapos ang baha: “Magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat kayo sa buong mundo” (Genesis 9:1).

Pinili Niya si Abraham: “Sa pamamagitan mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo” (Genesis 12:3).

Tinawag Niya ang Israel na maging “isang kaharian ng mga paring maglilingkod sa akin” (Exodus 19:6).

At isinugo Niya ang Kanyang Anak.

Si Jesus, ang ganap na larawan ng Diyos, ay dumating para ayusin ang winasak ng kasalanan. Sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, ibinalik Niya ang orihinal na utos (bagama’t ang ganap na katuparan nito ay darating pa lamang sa Kanyang pagbabalik). Tinatawag tayo ng Dakilang Utos na unang sinabi sa Genesis 1 na magdisipulo sa lahat ng bansa at punuin ang lupa ng mga tinubos na nagdadala ng kaluwalhatian ng Diyos.

Nabigo ang unang Adan, pero nagawa naman ng ikalawang Adan ang Kanyang tungkulin. Habang binabago tayo ng Banal na Espiritu para maging katulad tayo ni Cristo (2 Corinto 3:18), tinatanggap natin ang Kanyang misyon—ibahagi ang Mabuting Balita at gawing tagasunod Niya ang mga bansa.

Nagsimula ang kuwento sa isang halamanan, at matatapos ito sa isang lungsod—ang Bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit at nakahanda na parang isang babaeng ikakasal. Ipinakita ito kay Juan: napakaraming tao mula sa bawat lahi at wika na nakatayo sa harap ng trono ng Diyos. Darating ang araw na ibabalik ng Diyos ang lahat, mamumuno ang Kanyang mga mamamayan kasama Niya, at mapupuno ang buong lupa ng Kanyang kaluwalhatian.

Habang hinihintay natin iyon, kailangan nating mamuhay sa Kanyang kapangyarihan para maibahagi ang ebanghelyo at maparami ang mga disipulo.

Karagdagang Babasahin

Genesis 22:18; Salmo 8:6–8; Daniel 7:13–14; Roma 8:20–22

Pag-isipan

Ipinapahayag ng Dakilang Utos ang orihinal na utos ng Diyos na punuin ang mundo. Anong mga hakbang ang dapat mong gawin para maging mas aktibo sa pagdidisipulo at sa pagpapalaganap ng kaluwalhatian ng Diyos sa iyong paaralan, komunidad, at higit pa?

Gawin

Maglakad-lakad habang nananalangin sa iyong paaralan o komunidad, at idalangin na dumating ang kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng kaligtasan at pagbabagong-buhay.

Awit para sa Araw na Ito

This Is Your Church

Panalangin

Ama ng lahat ng nilikha, mula pa sa simula’y layunin Mong mapuno ang mundo ng mga sumasamba na nagpapakita ng Iyong kaluwalhatian. Binigyan Mo ng misyon sina Adan at Eva, ngunit winasak ito ng kasalanan. Gayunman, sa Iyong habag, hindi Mo kami iniwan. Tinawag Mo si Noe, pinili si Abraham, at itinalaga ang Israel upang maging liwanag sa mga bansa. Pagkatapos ay isinugo Mo ang Iyong Anak—si Jesus, ang ganap na larawan ng Diyos—na tumubos at nagbalik ng mga nawala.

Ngayon, sa pamamagitan ni Cristo, tinatanggap namin ang misyong ito. Isinusugo Mo kami, pinalakas ng Iyong Espiritu, upang ipahayag ang ebanghelyo, magdisipulo, at makita ang mundo na mapuno ng mga tinubos na sumasamba. Nawa’y maglingkod kami nang may kagalakan hanggang sa ang bawat lahi at wika ay tumayo sa Iyong harapan para magbigay ng papuri. Amen.

Scripture

About this Plan

The Mission | Ang Unti-unting Paglalahad ng Layunin ng Diyos

Taun-taon, tayo ay nagtitipon upang manalangin at mag-ayuno para marinig natin ang tinig ng Diyos at sundin ang Kanyang kalooban. Bilang mga tagasunod ni Kristo, nawa’y tapat nating dalhin ang ebanghelyo sa mga bansa bilang pagsunod sa Dakilang Utos.

More