The Mission | Ang Unti-unting Paglalahad ng Layunin ng DiyosSample

Hindi mabibigo ang misyon ng Diyos, kaya tayo nagpupunta sa iba’t ibang lugar nang may sigasig at pagtitiwala.
Pagkatapos nito, nakita ko ang napakaraming tao na hindi mabilang sa dami. Nagmula sila sa lahat ng bansa, angkan, lahi at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Tupa. Silang lahat ay nakadamit ng puti at may mga hawak na palaspas. Sumisigaw sila nang malakas, “Purihin ang Dios na nakaupo sa trono, at purihin din ang Tupa dahil iniligtas nila kami sa kaparusahan!”
Pahayag 7:9–10
Sa pangitain ni Juan, nakita niya ang mga tinubos na hindi na mabilang sa dami, abot hanggang sa dulo ng paningin niya. Sila ay nakadamit ng puti, nilinis ng dugo ng Tupa. May hawak silang mga palaspas, tanda ng tagumpay at kagalakan. Sabay-sabay silang sumisigaw: “Sa ating Diyos at sa Tupa ang ating kaligtasan!” Alam nila na ang kanilang pagkaligtas ay nakasalalay sa Diyos at sa ginawang pagtubos ng Kanyang Anak.
Ang malaking pagtitipon na ito, kasing dami ng mga bituin sa langit at buhangin sa dagat, ay katuparan ng sinaunang pangako ng Diyos kay Abraham—na sa pamamagitan niya, pagpapalain ang lahat ng bansa (Genesis 12:3).
Tinutupad din nito ang Dakilang Utos ni Cristo. Inutusan tayo ni Jesus na puntahan ang lahat ng mga lahi at gawin silang mga tagasunod Niya (Mateo 28:19), at makikita natin sa eksenang ito ang bunga ng ating pagsunod. Ang plano ng Diyos na inilalarawan sa pangitain ni Daniel—“Pinarangalan siya at binigyan ng kapangyarihang maghari, at naglingkod sa kanya ang lahat ng tao sa iba’t ibang bansa, lahi, at wika” (Daniel 7:14)—ay dumating na sa maluwalhating katuparan.
Ang pangitain na ito ay hindi lamang sulyap sa hinaharap kundi paanyaya rin sa kasalukuyan. Hindi pa tapos ang ating gawain na abutin ang lahat ng bansa. Marami pang tao ang hindi naaabot. Dapat na makatawid ang ebanghelyo sa hangganan ng mga bansa at maitanim sa mga lugar na hindi pa kilala si Cristo. Ang katiyakan ng tagumpay ng Diyos ang nagtutulak sa atin. Dahil alam natin ang wakas, nagpupunta tayo nang buo ang loob.
Ipinapaalala ng Pahayag 7:9–10 na hindi mabibigo ang misyon. Tatapusin ng Diyos ang Kanyang sinimulan. Aabot ang ebanghelyo hanggang sa dulo ng mundo. Ang katiyakang ito ay hindi dahilan para maging tamad tayo—kundi nagbibigay saysay sa papel na ating ginagampanan. Ang Diyos na may ganap na kapangyarihan sa Kanyang plano ang Siya ring tumatawag sa atin upang makibahagi sa misyon. Ipinapadala Niya tayo para magsalita, magtrabaho, at magbigay, dala ang kaalaman na balang araw, ang mga tinubos mula sa lahat ng bansa ay tatayo sa harap ng Kanyang trono.
Hanggang sa dumating ang araw na iyon, magpupunta tayo sa iba’t ibang lugar.
Karagdagang Babasahin
Mateo 24:14; Gawa 1:6–8; Pahayag 5:9; 14:6–7
Pag-isipan
Ang Dakilang Utos ay nagpapatuloy—marami pang mga tao ang hindi naaabot. Ano ang mga takot, dahilan, o hadlang na pumipigil sa iyo na makibahagi sa misyon, sa loob ng bansa o sa ibang bansa, at paano mo ito malalampasan?
Gawin
Ipagdasal kung paano ka tinatawag ng Diyos na maging bukas-palad sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at isipin ang isang paraan kung paano ka makakapagbigay ng pinansyal na tulong sa gawain ng Diyos sa buong mundo.
Awit para sa Araw na Ito
Red & White
Panalangin
Panginoon, sa Iyo ang buong mundo at hindi mabibigo ang Iyong misyon. Nangako Ka na darating ang araw na ang napakaraming tao mula sa lahat ng bansa ay tatayo sa harap Mo at aawit, “Ang kaligtasan ay nasa ating Diyos at sa Tupa!”
Habang hinihintay ang araw na iyon, ipadala Mo po kami nang may tapang at sigasig. Nawa’y magdala ang aming mga paa ng mabuting balita sa mga hindi pa nakakakilala sa Iyo at ang aming mga labi’y magpahayag ng Iyong salita.
Palakasin Mo po ang Iyong Iglesya upang magtrabaho, magbigay, at magpunta sa iba’t ibang lugar dahil hindi pa tapos ang gawain. Maaaring mahirap ang daan at mabigat ang tungkulin, ngunit may katiyakan ang Iyong pangako. Gawin Mo pong matatag ang aming mga kamay at tapat ang aming puso upang makarating ang ebanghelyo sa mga lugar na hindi pa nito naaabot. Amen.
About this Plan

Taun-taon, tayo ay nagtitipon upang manalangin at mag-ayuno para marinig natin ang tinig ng Diyos at sundin ang Kanyang kalooban. Bilang mga tagasunod ni Kristo, nawa’y tapat nating dalhin ang ebanghelyo sa mga bansa bilang pagsunod sa Dakilang Utos.
More









