YouVersion Logo
Search Icon

The Mission | Ang Unti-unting Paglalahad ng Layunin ng DiyosSample

The Mission | Ang Unti-unting Paglalahad ng Layunin ng Diyos

DAY 6 OF 7

Ang Dakilang Utos ang pangunahing misyon ng Iglesya mula kay Cristo—kasing-halaga pa rin ito ngayon tulad noong una Niya itong ibinigay.

Lumapit sa kanila si Jesus at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya puntahan ninyo ang lahat ng mga lahi at gawin silang mga tagasunod ko. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. At tandaan ninyo: lagi ninyo akong kasama hanggang sa katapusan ng mundo.”
Mateo 28:18–20

Maalab ang apoy ng Iglesya noong umpisa, nagpapadala ng mga kalalakihan at kababaihan para dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo. Ngunit paglipas ng panahon, nanghina ang apoy na iyon. Maraming mananampalataya ang naging kampante, iniisip na hindi na kailangang mamuhay ayon sa misyon. Kung gusto ng Diyos na iligtas ang mga tao, gagawin Niya iyon sa paraang gusto Niya, nang walang tulong mula sa sinumang misyonaryo.

Nilabanan ni Justinian von Welz (1621–1688) ang maling paniniwalang iyon. Sa tingin niya ay nakalimutan ng mga Protestante ang utos ni Jesus na ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng bansa. Sumulat siya upang ipakita na ang Dakilang Utos ay para sa lahat ng Kristiyano, sa lahat ng panahon.

Pagkaraan ng mahigit isang siglo, pinagtibay ulit ni William Carey ang utos na ito. Sinabi niya sa mga ministro, “Ang utos na turuan ang lahat ng bansa na ibinigay sa mga apostol ay para rin sa lahat ng ministro hanggang sa katapusan ng mundo.” Mabilis ang naging sagot nila: “Umupo ka! Kung gusto ng Diyos na iligtas ang mga pagano, gagawin Niya iyon nang hindi tayo kinokonsulta.”

Ngunit hindi mag-isa ang Diyos sa pag-akay sa mga naliligaw ng landas. Sa halip, tinatawag Niya ang mga tao para ipangaral ang mabuting balita. Narinig ni Carey ang tawag, sumunod siya, at sinimulan ang kilusan ng makabagong misyon.

Hanggang ngayon, umiiral pa rin ang Dakilang Utos, at patuloy na tumatawag ang Diyos. Makikita natin ito sa lahat ng apat na Ebanghelyo at sa aklat ng mga Gawa. Ngunit ang bersyon ni Mateo ang umangat, at ang isa sa mga dahilan ay ang paggamit niya ng salitang “lahat.”

Lahat ng kapangyarihan: Si Jesus, ang muling nabuhay na Panginoon, may hawak ng lahat ng bagay, ang Siyang nag-utos na pumunta tayo sa iba’t ibang lugar. Siya ang may kapangyarihan upang magbigay ng utos, gumawa ng mga desisyon, at magpasunod ng mga tao. Dahil sa kung sino Siya, iniiwan natin ang lahat ng pinanghahawakan natin at sinusunod natin Siya. Hindi natin Siya matatawag na Panginoon kung hindi natin sinusunod ang Kanyang salita.

Lahat ng mga lahi: Itinakda ni Jesus ang lawak ng utos: “lahat ng mga lahi.” Walang hangganan ang pag-ibig ng Diyos. Lahat ng tao, wika, at tribo ay tinatanggap sa Kanyang kaharian. Hindi lamang tayo tinawag para magkaroon ng mga bagong mananampalataya kundi para magdisipulo. Kasama sa utos na ito ang pagbabautismo at pagtuturo, ngunit ang nasa puso ay pagdidisipulo.

Lahat ng iniutos Ko sa inyo: Ang Dakilang Utos ay hindi tungkol sa pagpili ng utos na susundin. Hindi natin puwedeng sundin lang ang mga utos na gusto natin. Ang layunin ng pagdidisipulo ay turuan ang mga tao na sundin ang lahat ng Kanyang utos (dahil mahal natin Siya).

Palagi: Ang Kanyang pangako ay kasing tibay ng Kanyang utos: “Lagi ninyo akong kasama.” Hindi minsan. Hindi kung madali lang ang mga pinagdadaanan natin. Palagi. Sa hirap, panganib, at pagdududa. Ang Kanyang presensiya ang ating lakas at tapang habang tinutupad natin ang bahagi natin sa Dakilang Utos.

Karagdagang Babasahin

Mateo 9:37–38; Juan 20:21–22; Roma 10:13–15; 2 Corinto 5:18–20; Filipos 2:10–11

Pag-isipan

Maraming tao sa kasaysayan ang naging kampante at tinanggihan ang tawag ng misyon. Paano mo mapapanatiling buhay sa puso mo ang agad-agad na pagsunod sa Dakilang Utos?

Gawin

Isaalang-alang ang mga “lahat” sa Mateo 28:18–20. Ganap ka bang nagpapailalim sa Kanyang kapangyarihan? May pagmamahal ka ba para sa lahat ng bansa? Sinusunod mo ba ang lahat ng Kanyang utos? Nagtitiwala ka ba na palagi mo Siyang kasama? Alin sa apat na ito ang kailangan pang lumago sa buhay mo?

Awit para sa Araw na Ito

Carry My Cross

Panalangin

Ikaw ang muling nabuhay na Hari, may hawak ng lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Tinawag Mo kami na pumunta sa iba’t ibang lugar—magdisipulo, magbautismo, at magturo. Malinaw ang Iyong utos; ito ang pangunahing misyon namin, kasing halaga ito ngayon tulad noong una Mo itong sinabi. Patawarin Mo po kami kung minsan ay nagiging kampante kami at iniisip namin na kikilos Ka nang hindi kami kasama.

Palakasin Mo po ulit ang apoy sa aming puso tulad ng mga unang disipulo na nagpunta hanggang sa dulo ng mundo. Hayaan Mo pong magbigay-sigla sa amin ang alab ng kanilang puso. Hindi namin tinatanggap ang kaisipang ang misyon ay para lang sa iba. Bigyan Mo po kami ng mga matang nakikita ang mga nawawala sa tamang landas, mga pusong magmamahal sa kanila, at tinig na handang magpahayag ng Iyong katotohanan.

Kinikilala namin na nauna Ka na sa amin, at ang Iyong presensiya ang nagpapanatili sa amin. Hindi kami mag-aatubili o mag-aalinlangan. Panatilihin Mo po kaming handa, kumikilos, at nagtitiwala. Amen.

About this Plan

The Mission | Ang Unti-unting Paglalahad ng Layunin ng Diyos

Taun-taon, tayo ay nagtitipon upang manalangin at mag-ayuno para marinig natin ang tinig ng Diyos at sundin ang Kanyang kalooban. Bilang mga tagasunod ni Kristo, nawa’y tapat nating dalhin ang ebanghelyo sa mga bansa bilang pagsunod sa Dakilang Utos.

More