Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Di-Mailarawan: 7-Araw na Paglalakbay Patungkol sa Diyos at sa AghamHalimbawa

Indescribable: A 7-Day Journey About God And Science

ARAW 7 NG 7

PAGLIWANAGIN ANG MUNDO   

Kung nakita mo na ang liwanag sa kahilagaan, batid mong kaya ng Diyos na gumawa ng palabas ng mga liwanag na walang makakapantay! Ang liwanag sa kahilagaan— o ang aurora borealis—ay ang maliwanag at makukulay na liwanag na kumikinang at sumasayaw sa kalangitan sa mga lugar sa Hilagang Polo. Bunga sila ng napakabilis gumalaw na mga butil mula sa Araw ( na tinatawag na solar wind) na tumatama sa electromagnetic field na pumapalibot at nag-iingat sa Mundo mula sa pinakamapaminsalang sinag ng araw. Kapag ang mga butil na iyon ay tumama sa atomo ng gas na nasa ating atmospera, ang mga gas na iyon ay nagliliwanag, at lumilikha ng kamangha-manghang palabas ng mga liwanag. Ang mga ilaw ay napakaliwanag na kahit sa kalawakan ay nakikita pa rin sila.

Ang ganitong kamangha-manghang palabas ay magagawa lamang ng isang kamangha-manghang Diyos. At ang pangunahing layunin ng palabas ng mga liwanag na ito ay ang sabihin kung gaano kadakila at kaluwalhati ang ating Diyos.

Ngunit hindi lang ang kalangitan ang ginagamit ng Diyos upang malaman natin ang Kanyang kadakilaan at kaluwalhatian. Pinagliliwanag ng Diyos ang ilaw ng Kanyang pag-ibig sa ating mga buhay at pinagliliwanag Niya tayo ng ating pag-ibig sa Kanya at sa ating kapwa. Pinupuno Niya tayo ng Kanyang liwanag para sa isang dakilang layunin—ang maging liwanag sa mundo at ipakita sa ibang tao ang daan upang sumunod sa Kanya.

Paano natin pinagliliwanag ang ilaw ng Diyos? Ganito ang sinasabi ng Diyos: "Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo" (Mga Taga-Efeso 4:31-32). Kapag namuhay kayo sa ganitong paraan, siguradong mapagliliwanag ninyo ang mundo!

Mamangha!

Ang mga kulay ng liwanag sa kahilagaan ay nalilikha kapag ang solar winds ay bumabangga sa ibang mga gas sa atmospera. Ang mga kulay na dilaw, pula, at berde ay nalilikha kapag ito ay bumabangga sa oxygen. Ang mga kulay na lila at bughaw ay nalilikha kapag bumangga ang solar winds sa nitrogen.

Panalangin

Diyos ko, pagliawanagin Mo ang buhay ko sa pamamagitan ng ilaw ng Iyong pag-ibig. Tulungan Mo akong madala ang Iyong liwanag sa buong mundo.

Banal na Kasulatan

Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Indescribable: A 7-Day Journey About God And Science

Batay sa pambatang debosyonal ni Louie Giglio na Indescribable: 100 Devotions About God & Science, ang babasahing gabay na ito ay tutulong sa mga batang matuklasan ang kamangha-manghang paglikha ng ating di-mailarawang Diyos at ito'y makakatulong sa mga bata at sa mga magulang na matuklasan ang mga kahanga-hangang bagay sa sansinukob kasama ang Manlilikha. Imposibleng mahigitan natin ang imahinasyon ng Diyos. Inaayos Niya ang panahon, lumilikha Siya ng liwanag, at nangungusap Siya ng mga bagay at ang mga ito ay nagkakaroon ng buhay—simula sa pinakamalaking bituin hanggang sa pinakamaliit na isdang-bituin. Ang Diyos ay makapangyarihan, may layunin, personal, walang katulad na Manlilikha. Sinasabi ng Mga Awit 19:1 na, "Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!" Ang pag-aaral na ito ay maaaring gawin ng mga anak kasama ang kanilang mga magulang at ito'y makahihikayat sa paghanga sa pagiging malikhain ng Diyos. 

More

Nais naming pasalamatan ang Passion Publishing sa pagpapaunlak ng babasahing gabay na ito. Para sa karagdagang detalye at mga materyales sa aklat, bisitahin ang: www.louiegiglio.com/indescribable/