Di-Mailarawan: 7-Araw na Paglalakbay Patungkol sa Diyos at sa AghamHalimbawa

PUNUNG-PUNO NG KAPANGYARIHAN
Ang mga langgam ay maliliit na mga nilalang, ngunit kaya nilang bumuhat ng hanggang 50 beses ng kanilang sariling bigat. Ang rhinoceros beetle ay nakakapagbuhat ng humigit-kumulang sa 100 beses ng kanilang bigat. Maihahalintulad iyan sa isang taong bumubuhat ng halos 9 na tonelada. O pag-isipan mo ito—ang isang polar bear ay may bigat na halos kalahating tonelada, kaya't lalabas na parang bumubuhat ka ng 18 polar bears. Ang mas kamangha-mangha pa rito ay ang dung beetle, na maaaring humila ng halos 1,141 beses ng kanilang sariling bigat—at huwag mo nang isipin pa kung anong hinihila ng dung beetle!
Kaya ng Diyos na punuin ng kapangyarihan at kalakasan ang maliliit na mga sisidlan. Sa katunayan, pinupuno ka Niya ng hindi kapani-paniwalang kapangyarihan at kalakasan sa kaloob-looban mo. Alam mo ba, kapag nagpasya kang sumunod sa Diyos at nagiging isa ka sa mga anak Niya, ibinubuhos Niya ang Kanyang Espiritu—ang Banal na Espiritu—sa kaloob-looban mo. Ang iyong katawan ay nagiging tahanan ng Espiritu ng Diyos! Ito'y isang hindi maipaliwanag na kaloob, ngunit isa rin itong malaking responsibilidad.
Alam mo, ang kaloob na ito ng Banal na Espiritu ay hindi libre. "Binili niya kayo sa isang halaga" (1 Mga Taga-Corinto 6:20), at ang Diyos ang nagbayad ng halagang iyan nang si Jesus ay nagdusa at namatay sa krus. Bunga nito, inaasahan ng Diyos na aalagaan mo ang iyong katawan. Nangangahulugan ito ng pagkain nang maayos, pag-eehersisyo, at pagpapahinga. Nangangahulugan din ito na hindi mo sasaktan ang sarili mo sa pamamagitan ng droga, alak, o paninigarilyo. Ngunit hindi sapat na bantayan mo lang kung anong ipinapasok mo sa iyong katawan. Ang paggalang sa Diyos ay nangangahulugang hindi mo ginagamit ang iyong katawan upang magkasala. Nangangahulugan ito ng pag-iwas sa mga bagay tulad ng paggamit mo sa iyong bibig upang magtsismis o hayaan mo ang iyong mga matang manood ng mga bagay na hindi nararapat panoorin.
Bilang anak ng Diyos, ang iyong katawan ay punung-puno ng kapangyarihan, kalakasan, at ng presensya ng Espiritu ng Diyos. Hilingin mo sa Kanyang tulungan kang gamitin ang iyong katawan upang Siya ay parangalan at gawin ang ninanais Niyang gawin mo!
Mamangha!
Ang mga bahay-gagamba ng mga Nephila orb-weaver na gagamba ay napakalakas na ginagamit ito bilang mga lambat sa pangingisda ng mga taga-Timog Pasipiko.
Panalangin
Diyos ko, alam kong tila napakaliit ko, ngunit batid kong maaari Mo akong gamitin sa makapangyarihang paraan. Paano ako maaaring mamuhay para sa Iyo ngayon?
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Batay sa pambatang debosyonal ni Louie Giglio na Indescribable: 100 Devotions About God & Science, ang babasahing gabay na ito ay tutulong sa mga batang matuklasan ang kamangha-manghang paglikha ng ating di-mailarawang Diyos at ito'y makakatulong sa mga bata at sa mga magulang na matuklasan ang mga kahanga-hangang bagay sa sansinukob kasama ang Manlilikha. Imposibleng mahigitan natin ang imahinasyon ng Diyos. Inaayos Niya ang panahon, lumilikha Siya ng liwanag, at nangungusap Siya ng mga bagay at ang mga ito ay nagkakaroon ng buhay—simula sa pinakamalaking bituin hanggang sa pinakamaliit na isdang-bituin. Ang Diyos ay makapangyarihan, may layunin, personal, walang katulad na Manlilikha. Sinasabi ng Mga Awit 19:1 na, "Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!" Ang pag-aaral na ito ay maaaring gawin ng mga anak kasama ang kanilang mga magulang at ito'y makahihikayat sa paghanga sa pagiging malikhain ng Diyos.
More