Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Di-Mailarawan: 7-Araw na Paglalakbay Patungkol sa Diyos at sa AghamHalimbawa

Indescribable: A 7-Day Journey About God And Science

ARAW 5 NG 7

WALANG BIRO   

Malamang ay alam mo na ang isang kuting ay lumalaki at nagiging pusa, ang isang tuta ay nagiging aso, at ang isang bibe ay nagiging itik. Ngunit alam mo bang ang isang kit ay lumalaki at nagiging sora? Ang isang puggleflapper ay nagiging sisne? O ang fry kapag lumaki ay nagiging isda?

Pero ang totoong katanungan ay magiging anong nilalang ka sa iyong pagtanda? Ikaw ba'y magiging isang nilalang ayon sa disenyo ng Diyos? Binigyan ka ng Diyos ng mga natatanging kaloob at talento—mga bagay na kaya mong gawin na wala ibang makagagawa nang kasing-husay mo. Gusto Niyang gamitin mo ang mga kaloob na ito upang mahalin Siya at ang iyong kapwa. Ang magmahal sa Diyos at sa iyong kapwa ang dalawa sa pinakadakilang kautusan, at matatagpuan mo ito sa Mateo 22:37-40.

Ang magandang balita ay hindi mo na kailangang hintayin na ikaw ay tumanda upang simulang gamitin ang iyong mga kaloob at sundin ang Salita ng Diyos. Maaari mo na itong simulan ngayon. Pero bata pa ako, maaaring sabihin mo. Okay lang iyan—tingnan mo kung anong ginawa ng isang bata sa Biblia. Si Josias ay walong taong gulang lang nang siya ay naging hari at inakay ang mga tao pabalik sa Diyos. (Basahin ang tungkol kay Josias sa 2 Mga Hari 22-23.)

Ngayon, hindi mo naman kailangang maging hari para gawin kung ano ang tama at akayin ang mga tao patungo sa Diyos. Maaari kang maging isang guro, isang bumbero, ang presidente—o isang bata. Ang kailangan lamang ay ang mahalin mo ang Diyos ng buong puso, kaluluwa, at isipan, at mahalin ang iyong kapwa—at lalaki kang gumagawa ng mga dakilang bagay!

Mamangha!

Ang mga bata ay maaaring makagawa ng malaking kaibahan sa mundo sa paggawa ng maliliit na bagay—tulad ng pag-aliw sa isang kaibigan, pagbabahagi ng kung anong mayroon ka, o pagsasabi sa ibang tao ng tungkol sa Diyos. Anong maaari mong gawin sa araw na ito upang lumago ka ayon sa plano ng Diyos para sa iyo?

Panalangin 

Mahal kong Diyos Ama, salamat na nilikha Mo akong natatangi at may tiyak na layunin. Tulungan Mo akong makita ang lahat ng mga paraan—malaki at maliit—kung paano kong maipapakita ang pagmamahal Mo sa aking kapwa sa araw na ito.

Banal na Kasulatan

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Indescribable: A 7-Day Journey About God And Science

Batay sa pambatang debosyonal ni Louie Giglio na Indescribable: 100 Devotions About God & Science, ang babasahing gabay na ito ay tutulong sa mga batang matuklasan ang kamangha-manghang paglikha ng ating di-mailarawang Diyos at ito'y makakatulong sa mga bata at sa mga magulang na matuklasan ang mga kahanga-hangang bagay sa sansinukob kasama ang Manlilikha. Imposibleng mahigitan natin ang imahinasyon ng Diyos. Inaayos Niya ang panahon, lumilikha Siya ng liwanag, at nangungusap Siya ng mga bagay at ang mga ito ay nagkakaroon ng buhay—simula sa pinakamalaking bituin hanggang sa pinakamaliit na isdang-bituin. Ang Diyos ay makapangyarihan, may layunin, personal, walang katulad na Manlilikha. Sinasabi ng Mga Awit 19:1 na, "Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!" Ang pag-aaral na ito ay maaaring gawin ng mga anak kasama ang kanilang mga magulang at ito'y makahihikayat sa paghanga sa pagiging malikhain ng Diyos. 

More

Nais naming pasalamatan ang Passion Publishing sa pagpapaunlak ng babasahing gabay na ito. Para sa karagdagang detalye at mga materyales sa aklat, bisitahin ang: www.louiegiglio.com/indescribable/