Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Di-Mailarawan: 7-Araw na Paglalakbay Patungkol sa Diyos at sa AghamHalimbawa

Indescribable: A 7-Day Journey About God And Science

ARAW 4 NG 7

WALANG BUTO   

Ang mga buto—iyan ang naghihiwalay sa atin sa mga dikya. Bueno, pati ang ating mga buto, katalinuhan, kaluluwa, at iba pang mga bagay. Pero ang punto ay ang buto ay malaki ang kahalagahan. Ang katawan ng isang may hustong-gulang na tao ay may 206 na buto—higit sa kalahati nito ay ang iyong mga kamay at paa. Ang femur (buto sa hita) ang pinakamahaba, samantalang ang stapes (na nasa loob ng iyong tainga) ang pinakamaliit.

Maraming nagagawa ang mga buto para sa iyong katawan. Halimbawa, pinananatili kang nakatayo ng iyong mga buto. Ito ang bumubuo sa iyong kalansay at nagbibigay ng hugis sa iyong katawan. Ang mga buto ang nagbibigay ng balangkas para sa iyong mga kalamnan upang ikaw ay makakilos, at iniingatan nito ang iyong malalambot na himaymay at mga organo ng iyong katawan. Nag-iimbak din ito ng mga mineral na kailangan ng iyong katawan—tulad ng kalsyum. At ang bone marrow—ang bagay na nasa loob ng iyong buto—ay pabrika ng selula ng iyong dugo. Kaya, oo, ang mga buto ng iyong kalansay ay mahalaga, ngunit hindi lang ang mga ito ang buto mo.

Kailangan mo ring magkaroon ng malusog na "buto ng pananampalataya." Pinananatili mo ang mga butong ito nang malusog sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos, pagpupuri sa Kanya, pag-aaral sa Kanyang Salita, at pagsama sa Kanyang mga anak. Ang mga buto ng pananampalataya ay ilan sa mga pinakamahahalagang buto na kailangan mo upang hubugin ang iyong buhay. Tinutulungan ka ng mga itong kumilos sa tamang direksyon habang sinusunod mo ang kalooban ng Diyos. Iniingatan nito ang malambot na kalooban ng iyong puso at kaluluwa. At nag-iimbak ito ng kapangyarihan ng Diyos sa iyong espiritu, upang ito ay naroroon kapag kailangan mo. Kapag pinanatili mo ang mga buto ng iyong pananampalatayang malusog, ang mga butong ito ang siyang magpapanatili sa iyong nakatayo kapag dumarating ang tukso at mahihirap na panahon. Maging malinaw tayo sa bagay na ito—ang mga buto ng pananampalatayang ito ay may napakalaking kahalagahan!

Mamangha!

Ipinanganak kang may 300 na mga buto sa iyong katawan, ngunit ngayon ay mayroon ka na lang na 206. Anong nangyari? May nawala ka bang ilan? Hindi, pero ang ilan sa kanila ay nagdikit habang lumalaki ka. Halimbawa, kapag ang mga sanggol ay ipinapanganak, ang mga buto sa kanilang bungo ay magkahiwalay pa. Pinag-uugnay lang ang mga ito ng matigas na lamad na tinatawag na bumbunan—ang mga ito ay lumilikha ng "malambot na bahagi" sa ulo ng isang sanggol. Habang nagdadaan ang panahon, ang mga buto ay nagdidikit-dikit at nagiging mas matigas.

Panalangin

Panginoon, ipakita Mo sa akin kung paano kong mapapanatili ang aking mga "buto ng pananampalatayang" malakas—upang makapanindigan ako para sa Iyo! 

Banal na Kasulatan

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

Indescribable: A 7-Day Journey About God And Science

Batay sa pambatang debosyonal ni Louie Giglio na Indescribable: 100 Devotions About God & Science, ang babasahing gabay na ito ay tutulong sa mga batang matuklasan ang kamangha-manghang paglikha ng ating di-mailarawang Diyos at ito'y makakatulong sa mga bata at sa mga magulang na matuklasan ang mga kahanga-hangang bagay sa sansinukob kasama ang Manlilikha. Imposibleng mahigitan natin ang imahinasyon ng Diyos. Inaayos Niya ang panahon, lumilikha Siya ng liwanag, at nangungusap Siya ng mga bagay at ang mga ito ay nagkakaroon ng buhay—simula sa pinakamalaking bituin hanggang sa pinakamaliit na isdang-bituin. Ang Diyos ay makapangyarihan, may layunin, personal, walang katulad na Manlilikha. Sinasabi ng Mga Awit 19:1 na, "Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!" Ang pag-aaral na ito ay maaaring gawin ng mga anak kasama ang kanilang mga magulang at ito'y makahihikayat sa paghanga sa pagiging malikhain ng Diyos. 

More

Nais naming pasalamatan ang Passion Publishing sa pagpapaunlak ng babasahing gabay na ito. Para sa karagdagang detalye at mga materyales sa aklat, bisitahin ang: www.louiegiglio.com/indescribable/