Di-Mailarawan: 7-Araw na Paglalakbay Patungkol sa Diyos at sa AghamHalimbawa

PANATILIHING MAGKAKASAMA
Nakakita ka na ba ng mga manggagawang nagtatayo ng gusaling gawa sa adobe? Hindi lang nila basta pinagpapatong-patong ang mga adobe. Kailangan nila ng isang pandikit upang mapanatiling magkakasama ang mga adobe. Ang pandikit na ginagamit para sa adobe ay ang argamasa.
Sa ganitong paraan din, ang iyong katawan ay binubuo ng 37.2 trilyon na maliliit na adobe na tinatawag na selula. At tulad ng isang gusali, ang mga selulang ito ay nangangailangan ng isang pandikit upang mapanatili silang magkakasama. Ang pandikit para sa mga selula ay tinatawag na laminin.
Ang laminin ang siyang humahawak sa iyong katawan upang ito ay maging isang buo. Ang nakakamangha pa sa laminin ay ang hitsura nito. Kapag sinilip mo ang laminin (kakailanganin mo ang isang electron microscope upang makita ito), ito ay mukhang . . . isang krus.
Bakit ito mahalaga? Dahil isa pa itong paalala sa atin na tayo ay sariling likha ng Diyos. Kung mapapansin mo, nag-iwan ang Diyos ng tatak ng Kanyang daliri sa lahat ng Kanyang nilikha. Sinasabi sa atin ng Biblia na kahit hindi natin nakikita ang mga katangian ng Diyos—katulad ng Kanyang kamangha-manghang kapangyarihan at ng Kanyang kabanalan—maaari nating makita ang Kanyang nilikha at malamang Siya ay totoo (Mga Taga-Roma 1:20). Si Jesus ay kasama ng Diyos nang likhain ang mundo, at "sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi . . . ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya" (Mga Taga-Colosas 1:16-17).
Ang laminin ay isang larawan ng sinasabi ni Jesus sa Kanyang Salita—Siya ang pandikit na humahawak sa ating mga katawan, kaluluwa, at sa lahat-lahat—nang sama-sama. Kaya't kapag nahihirapan ka na at nararanasan mo ang pinakamasamang araw ng buhay mo, isipin mo ang laminin—at alalahanin mong hinahawakan ka ni Jesus—at ang lahat ng mga bagay—nang magkakasama.
Mamangha!
Ang pinakaunang ginamit na pandikit ay ang alkitran mula sa balat ng punungkahoy na birch, at ginagamit ito sa paggawa ng sibat. Ang pinakaunang nakasulat na tala ng paggamit ng pandikit ay nagmula sa sinaunang Egipto. Ipinapakita ng mga hiroglipiko na ang kabaong ni Faraon Tutankhamun (maaaring kilala mo siya bilang Haring Tut) ay ipinagdikit ng isang pandikit na nagmula sa buto at balat ng mga hayop.
Panalangin
Panginoon, kapag nagsisimula akong mag-alala tungkol sa mga bagay na nangyayari sa buhay ko at sa aking kapaligiran, tulungan Mo akong huminto at alalahaning Ikaw ang Panginoon ng lahat—at inaayos Mo ang lahat, kasama na ako, nang buo.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Batay sa pambatang debosyonal ni Louie Giglio na Indescribable: 100 Devotions About God & Science, ang babasahing gabay na ito ay tutulong sa mga batang matuklasan ang kamangha-manghang paglikha ng ating di-mailarawang Diyos at ito'y makakatulong sa mga bata at sa mga magulang na matuklasan ang mga kahanga-hangang bagay sa sansinukob kasama ang Manlilikha. Imposibleng mahigitan natin ang imahinasyon ng Diyos. Inaayos Niya ang panahon, lumilikha Siya ng liwanag, at nangungusap Siya ng mga bagay at ang mga ito ay nagkakaroon ng buhay—simula sa pinakamalaking bituin hanggang sa pinakamaliit na isdang-bituin. Ang Diyos ay makapangyarihan, may layunin, personal, walang katulad na Manlilikha. Sinasabi ng Mga Awit 19:1 na, "Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!" Ang pag-aaral na ito ay maaaring gawin ng mga anak kasama ang kanilang mga magulang at ito'y makahihikayat sa paghanga sa pagiging malikhain ng Diyos.
More