Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang Sining ng PananaigHalimbawa

The Art of Overcoming

ARAW 3 NG 7

Araw 3: Ang Kalungkutan ay Banal na Lugar.

Sasabihin sa iyo ng sinumang magulang na nakadudurog ng pusong marinig ang mga iyak ng iyong anak. Malakas na inklinsyon sa mga magulang ang alagaan ang kanilang mga anak. Ang sila'y masaktan ay pumupukaw ng habag, kahit na ang kanilang "sakit" ay maaaring isa lamang sutil na pagtangging ipikit ang kanilang mga mata at matulog.

Sa tulad na paraan, napakahalaga ng ating mga pagdurusa sa puso ng Diyos. Palagi Siyang nagmamalasakit, at palagi Siyang malapit. Hindi Siya isang walang pakialam na tagapangasiwa sa alapaap na interesado lang sa kung gaano karami ang ating magagawa o kung nagkasala tayo ngayong araw.

Nagmamalasakit Siya sa atin. Naiintindihan Niya ang pinagdaraanan natin. Nararamdaman Niya ang ating mga nararamdaman.

Madalas na binabanggit ng Biblia kung paano “naririnig ng Diyos ang ating mga daing” o “nakikita ang ating pagdurusa." Ang maliliit na kamatayang pinagdaraanan natin ay umaantig sa puso ng Diyos. Napakahalaga natin sa Kanya, kaya't pinakikilahukan Niya ang ating sakit. Kahit maaaring maliit na kawalan sa mata ng ibang tao — maaaring nalaktawan ka para sa isang promosyon, o nanakawan ka sa iyong sasakyan, o nakatanggap ka ng sulat ng pagtanggi mula sa isang tagapaglathala, o isang alagang hayop ng pamilya ang namatay — ang mga karanasang itong mistulang kamatayan ay mahalaga sa Diyos.

Bago muling binuhay ni Jesus si Lazaro mula sa mga patay, nakipagkita muna Siya sa mga kapatid na babae ng yumaong lalaki, sina Marta at Maria. Tiyak na durog ang kanilang mga puso. Maaaring galit. Mababatid mo ito sa kanilang mga tinig sa Juan 11. Sa isang punto, nang makita ni Jesus ang pagdadalamhati nina Maria at ng iba pa, nanaig sa Kanya ang habag at nagsimulang tumangis.

Napagtatanto mo ba ang lalim ng sinasabi nito tungkol sa puso ng Diyos? Alam ni Jesus na bubuhayin Niya si Lazaro mula sa mga patay - at tumangis pa rin Siya. Mahalaga sa Kanya ang kanilang sakit. Hindi Niya binalewala ang pagkawala; kinatigan Niya ito. Sinamahan Niya sila sa kanilang pagdurusa, at lumuha Siyang tulad nila.

Bakit mahalaga sa Diyos ang ating mga luha?

Ito ay simple. Dahil mahalaga tayo sa Diyos. At hindi lamang ang ating pagiging produktibo, o ang ating kabanalan, o ang ating pagkabukas-palad. Sa Kanyang mga mata, ang iyong sakit ay napakahalaga. Ang iyong kalungkutan ay banal. Ang iyong pagkawala ay sagrado.

Kaya't, kapag dumating ang kamatayan, huwag magmadaling pigilan ang iyong kalungkutan. Huwag ikaila ang iyong nararamdaman at manahimik na lang. Huwag maliitin ang iyong pagkawala sa ngalan ng pananampalataya o lakas. Hayaan ang iyong sarili na "maramdaman ang lahat ng nararamdaman mo" hangga't kailangan mo, dahil ang iyong mga sandali ng kamatayan ay mahalaga sa paningin ng Panginoon.

Banal na Kasulatan

Tungkol sa Gabay na ito

The Art of Overcoming

Ang buhay ay puno ng mga problema, pinsala, pagkabigo at sakit. Tutulungan ka ng “Ang Sining ng Pananaig” na harapin ang pagkawala, kalungkutan, at sakit. Ito ay tungkol sa pagtangging pahintulutan ang mga bagay na mukhang mga wakas na pahinain ang iyong loob o hadlangan ka. Sa halip, hayaan ang Diyos na gawing mga simula ito. Kapag ang buhay ay magulo at mahirap, huwag sumuko. Tumingin sa itaas. Anuman ang mahirap na sandali o masakit na pagkawalang kinakaharap mo, kasama mo ang Diyos.

More

Nais naming pasalamatan ang Biblica sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang://www.biblica.com/timtimberlake