Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

PinagpalaHalimbawa

Blessed

ARAW 1 NG 7

"Purihin ang Panginoon"



Purihin ang Panginoon! Nakapaloob sa tatlong salitang iyan ang napakamakapangyarihang panimula at batayan ng isang pinagpalang buhay. Nagsisimula ito sa kaalaman kung sino ang Diyos at sa pagpupuri sa Kanya.



Ang pagpupuri ay laging isang panimulang dako.  Nangangahulugan ito ng pasasalamat — kaya nga nararapat na magpasalamat bago kumain at simulan ang iglesia ng mga awit ng papuri.  Nagsimulang magpasalamat si Jesus sa Diyos bago Niya binuhay si Lazarus mula sa mga patay, at pinuri ni Moises ang Diyos bago Niya hinati ang Dagat na Pula. Kalikasan ng tao na naising maghintay hanggang may kasagutan silang matanggap, ngunit ang pagpapala ay nagsisimula sa pagpupuri. 



Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na "'Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang, umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal; purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan! (Mga Awit 100:4). Ngunit ang pagpupuri sa Panginoon ay hindi limitado lamang sa ilang awit bawat linggo sa pananambahan sa iglesia. Ang pagsamba ay isang uri ng pamumuhay na yumayakap sa buong espektro ng buhay.



Maaari mong purihin ang Diyos kahit anong oras sa buong araw, pitong araw sa isang linggo—sa sasakyan, habang ikaw ay naliligo o kahit sa kalagitnaan ng gabi. Hindi ito tungkol sa pag-awit ng isang natatanging himno o ang pagbigkas ng isang panalangin — ito'y tungkol sa iyong kaugnayan sa iyong Ama sa Langit na nagmamahal at nagmamalasakit sa iyo. 



Ang mga tao ay may iba't-ibang kaisipan tungkol sa kung ano talaga ang Diyos, at sila'y nakikipag-ugnayan sa Diyos ayon sa kanilang pagkaunawa sa Kanya. Yaong nag-iisip na Siya ay mahigpit at mabagsik ay lumalayo sa Kanya. Ang iba, na nakikita Siyang pormal at matigas, ay lumalapit sa Kanya sa ganito ring pamamaraan. Ngunit yaong kilala Siya bilang Ama at Kaibigan ay tinatamasa ang pagpapala ng isang malapit at lapat na kaugnayan sa Kanya — kung saan maaari mo Siyang tawagin kahit anong oras. Anuman ang sitwasyon mo ngayon, hindi ka kailanman nag-iisa.



Ang mga pangyayari ay maaaring magkaroon ng pagbabago kapag nagsimula kang magpuri sa Diyos. Hindi lamang Siya nagiging tampulan sa pagpupuri, nakikita mo rin ang mga bagay-bagay sa bagong pananaw.



Ang pagpupuri sa Diyos ay higit pa sa isang seremonya o pangyayaring isang beses lamang nangyayari. Ito'y isang pagsambang nagiging gawi ng buhay — nagbibigay-daan ito upang maging tampulan mo ang Diyos, at binabago nito ang iyong pananaw sa mga pangyayari sa kapaligiran mo. Kaya't humayo ka ngayon sa pagkakatawag sa iyo ng Diyos na ang batayan ay ang ganitong kapahayagan:



"Purihin ang Diyos!"

Tungkol sa Gabay na ito

Blessed

Paano nga ba mamuhay ng isang pinagpalang buhay? Naniniwala ako na ang bawat tao ay may inaasam at sila'y naghahanap ng kasagutan. Kasama sa magkakaibang hanay ng makukulay na karakter sa Biblia, may isang hinangaan ako ...

More

Nais naming pasalamatan si Brian Houston at ang Hillsong sa pagkakaloob ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaaring bisitahin ang: http://BrianCHouston.com

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya