Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Pinili: Paalalahanan ang Iyong Sarili Tungkol sa Ebanghelyo Araw-arawHalimbawa

Chosen: Remind Yourself Of The Gospel Everyday

ARAW 6 NG 7

Sa isang nayon sa Nepal malapit sa Bundok ng Everest, halos 80 porsyento ng mga kababaihan ay nakatakdang maipagbili sa mga bahay-aliwan dahil sila ang nasa pinakamababang hanay ng pinakamababang uri sa bansa, ang mga taong tinatawag na Badi. Ang kanilang relihiyon ay nagtuturong sa kanilang nakaraang buhay ay maaaring nakagawa sila ng marami-raming kasalanan kaya pinarurusahan sila ng Karma sa pamamagitan ng pagpapabalik sa kanila sa mundo upang mabuhay na nasa mababang uri ng mga tao sa kanilang bansa. Ni hindi sila tinutulungan ng mga tao, sapagkat ayaw nilang hadlangan ang Karma sa pagpaparusa sa kanila. Dahil dito ang mga babaeng Badi ang pinakamarami sa ipinagbebentang tao sa planetang ito. Ang lahi kung saan sila kabilang ay nakatakdang tratuhin ng mas mababa pa sa pagtrato sa aso—ginagamit, ipinagbibili, at inaabuso. 



Dito nakilala ng kaibigan kong si Ryan si Landana, ang pinakamagandang sampung taong gulang na batang babae. Pumayag ang kanyang amang ibenta siya sa isang Indiyanong bahay-aliwan. Hindi makayanan ng kanyang inang isipin ang mangyayari sa kanya at sinubukan niyang pigilin ang kanyang asawa sa pagbebenta sa kanyang pinakamamahal na anak na babae. Ngunit hindi niya ito mapigilan. Sinimulang nitong bugbugin ang kanyang asawa dahil sa pagpigil nitong ipagbili nila ang kanilang anak. 



Nang ito ay malaman nina Ryan, nakipag-ugnayan sila sa mga lokal na social worker ng bayan at sa mga alagad ng batas. Dinala nila si Landana sa isang ligtas na mapagtataguan kung saan ang mga babaeng tulad niya ay pinangangalagaan, pinakakain, at minamahal. Narinig ni Landana ang Ebanghelyo. Narinig niya kung paanong sa pamamagitan ni Jesus ay inaampon tayo sa sambahayan ng Diyos. Ito ang pinakamakapangyarihang bahagi ng Ebanghelyo para sa nakakarami sa bahaging ito ng mundo.



Noong nagbahagi siya ng Ebanghelyo sa isa pang babaeng Badi, sinabi ng aking kaibigang si Ryan sa kanya, "Itinuturo ng Ebanghelyong hindi na Badi ang iyong apelyido. Hindi na Jarla Badi ang iyong pangalan; ito ay Jarla 'Cristo' na dahil kabilang ka na sa Kanyang pamilya, nasa Kanyang lahi ka na." Nagliwanag ang mga mata nito at tumingin sa kanya nang may nababanaag na posibilidad at pag-asa. "Totoo ba talaga ito?" ang tanong niya. "Oo, ito ang pinakatotoong katotohanan sa buong mundo!"

 



Masayang sumama sa sambahayan ng Diyos si Landana, iniwan na niya ang kahihiyan ng kanyang pamilya, ang kanyang lahi, ang kanyang pinanggalingan. Ang Diyos ang kanyang naging Ama, at ang Kanyang pagmamahal ay kabaligtaran sa isang amang pumapayag na maipagbili ang kanyang anak na babae. Siya ay isang Diyos na handang ipagbili ang Kanyang sarili para sa tatlumpung piraso ng pilak upang iligtas ang Kanyang anak na babae. 



Tinitingnan ng isang makabagong kaisipan ang Cristianismo at ito ay nagtataka, "Bakit dugo? Paano kayo umaawit ng tungkol sa dugo ni Jesus?" Ngunit yaong mga binili ng dugo ni Cristo ay batid na tayo ngayon ay pinagbuklod ng isang bagay na mas matindi pa sa ating mga kadugo dito sa daigdig. Inaanyayahan tayo ni Jesus sa isang bagong pamilya at sa isang bagong kapalaran. Iyan ang dahilan kung bakit gusto ng mga Cristianong pinag-iisipan ang tungkol sa dugo ni Cristo. 



Ang Ebanghelyong ito ay higit pa sa paglilinis sa ating nakaraan ng mga kasalanan nito; nililinis nito ang kabuuan ng ating lahi, angkan, at kamag-anakan sa anumang kahihiyan. Hindi ka na pangunahing bahagi ng iyong pamilya sa daigdig; kasali ka na sa makalangit na pamilya. Tinatatakan ka ng dugo ni Jesus bilang kasama sa pamilya magpakailanman. Mayroon tayong bagong pagkakakilanlan bilang pamilya, bagong eskudo ng pamilya, bagong kalagayan, bagong mga kapatid na babae at lalaki, at bagong apelyido. 


Banal na Kasulatan

Araw 5Araw 7

Tungkol sa Gabay na ito

Chosen: Remind Yourself Of The Gospel Everyday

Anong mangyayari kung sa paggising mo araw-araw ay paaalalahanan mo ang sarili mo tungkol sa Ebanghelyo? Ang 7-araw na debosyonal na ito ay naglalayong tulungan kang gawin ito! Ang Ebanghelyo ay hindi lamang nagliligtas ...

More

Nais naming pasalamatan ang Think Eternity sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang: https://www.thinke.org

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya