Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Pinili: Paalalahanan ang Iyong Sarili Tungkol sa Ebanghelyo Araw-arawHalimbawa

Chosen: Remind Yourself Of The Gospel Everyday

ARAW 2 NG 7

Ang aking kaibigang si Ryan ay nagbahagi ng kasaysayan tungkol sa isang lalaking nagngangalang Mr. Bi na isang propesor sa Beijing University, kilala bilang "the Harvard of China." Nagbiro siya sa isang grupo ng mga estudyante sa klase niya tungkol sa partidong Komunista. Isa sa mga estudyante ang nagsumbong sa pulis tungkol sa ginawa niyang biro. Nang sumunod na araw, biglang dumating ang mga opisyal sa tanggapan ni Mr. Bi at siya ay dinala sa isang malayo at malamig na piitan ng mga Komunista—nang walang babala, nang walang paglilitis. 


Gumising siya nang umagang iyon bilang isang propesor hawak ang isa sa pinakaprestihiyosong posisyon pang-akademika sa mundo. Sa pagsapit ng gabi, siya ay nasa loob ng isang bilangguan. Ang bilangguang Intsik noong mga panahong iyon ay isa sa pinakamasahol na lugar sa mundo—kahindik-hindik na pugad ng mga karamdaman, pagpapahirap, at kamatayan. Mabilis na nalugmok sa matinding kalungkutan at kawalang pag-asa si Mr. Bi. Ang matinding kalungkutan niya ang nagtulak sa kanya sa pag-iisip ng tungkol sa pagpapakamatay sa paglipas ng mga linggo. Isang hapon, habang siya ay nalulukuban ng kalungkutan, pumunta siya sa bintana ng seldang kinaroroonan niya na nasa ika-walong palapag. Hindi nilalagyan ng mga Intsik ng bintana ang mga seldang nasa mataas na palapag. Kung mapagpasyahan ng isang bilanggo na magpakamatay, hindi nila ito problema. 


Mabilis ang tibok ng puso ni Mr. Bi habang nakatanaw siya sa labas at iniisip ang tungkol sa pagtalon. At bigla na lamang may nangyari. Narinig niya ang isang mahinang tinig na nagsasabing, "Huwag kang tumalon. Huwag kang tumalon. Huwag kang tumalon." Napaupo siya sa gitna ng kanyang selda, lulong sa kawalang pag-asa. 


Sa matigas na sahig na iyon, dumagsa ang mga alaala sa kanya. Isa sa mga kaibigan niya, isang banyagang propesor na Cristiano, ang nagbahagi ng Ebanghelyo sa kanya. Nanalangin si Mr. Bi, "Jesus, kung ikaw ay totoo, dalhin mo sa akin ang sinasabi ng aking kaibigang kapatawaran at kapayapaang ipinangako Mo. Kapalit nito, ihahandog ko ang aking buhay at paglilingkod sa Iyo." 


Sa pagtingin niya sa labas ay nakita niya, "Wala pa akong nakitang ganoon ka-bughaw na langit, wala pang ganoon kaliwanag na sikat ng araw na tumatagos sa butas ng isang bintana, at may kagalakang umaapaw sa aking puso na hindi ko pa naranasan dati." 


Ipinagwalang-bahala ng kilalang propesor na ito ang lahat ng pasubali at isinigaw, "May magandang hinaharap ako kay Jesu-Cristo." Narinig siya ng mga bantay at may kalupitang sinabihan siyang tumahimik. Ngunit hindi mapigilan ang kanyang kagalakan. Patuloy niya itong ipinagsigawan hanggang puntahan siya ng mga ito sa kanyang selda at hatawin siya. 


Ang isang taong nasa bilangguang napalaya dahil sa paniniwala sa Ebanghelyo ni Jesus ay mas malaya pa kaysa sa isang taong nasa labas ng bilangguan ngunit walang Ebanghelyo. 


Sa wakas ay pinakawalan din si Mr. Bi at nagpasimula siya ng ilang bahay-ampunan sa loob ng Tsina, kung saan inalagaan niya ang mga maralita at inakay ang marami kay Cristo. Nagkaroon siya ng maliwanag na hinaharap kay Jesu-Cristo. Hanggang sa kasalukuyan, ang kanyang kagalakan ay nakakahawa kapag siya ay makakaharap mo. At sasabihin niya sa iyong ang kagalakan niya noong siya ay nasa bilangguan ay ganoon pa rin hanggang sa mga araw na ito. 


May mga panahong nararamdaman ng bawat tao na sila ay nasa bilangguan na sila mismo ang gumawa—nakakulong sa kanilang mga kaisipan, sa kanilang mga nakagawian, mga pagkilos, at sa nakaraang ayaw silang pakawalan. 


Tinuturuan tayo ng Ebanghelyong ang pinakamalalang bilangguan ay iyong tayo mismo ang gumagawa para sa sarili natin. Ang mga selda ng bilangguang ito ay nahaharangan ng ating mga pag-aagam-agam, habang sa kaloob-looban natin ay alam nating may hindi tama, na mayroong pagkawasak. Dala-dala natin itong tila kadena sa ating mga leeg. Ito ang kalagayan ng tao. 


Mababago lamang ito sa pamamagitan ng isang matinding pangyayari. 


Ang Ebanghelyo ang pinakamatindi sa mga hakbang na maaaring mangyari. Ito ang dugong tumagos mula sa krus. Ito ang kamatayan mismo ng Diyos para sa ating kapakanan. Ito ang matinding pagkatalo ng kamatayan laban sa maluwalhating muling pagkabuhay upang ipakita ang pagmamahal at kapangyarihan ng Diyos hanggang sa walang hanggan. 


Ipinaaalala sa atin ng Banal na Kasulatan na kailangan nating pagtuunan ng pansin ang ating narinig, lalo na kung ito ay nagmumula sa Ebanghelyo (Mga Hebreo 2:1). Ang pinakamahalagang pangaral na maaari mong ibigay ay yaong pangaral na ibibigay mo sa iyong puso, ang pagpapaalala mo rito araw-araw na, "May magandang hinaharap ako kay Jesu-Cristo." 


Banal na Kasulatan

Araw 1Araw 3

Tungkol sa Gabay na ito

Chosen: Remind Yourself Of The Gospel Everyday

Anong mangyayari kung sa paggising mo araw-araw ay paaalalahanan mo ang sarili mo tungkol sa Ebanghelyo? Ang 7-araw na debosyonal na ito ay naglalayong tulungan kang gawin ito! Ang Ebanghelyo ay hindi lamang nagliligtas ...

More

Nais naming pasalamatan ang Think Eternity sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang: https://www.thinke.org

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya