YouVersion Logo
Search Icon

Pandaigdigang Araw ng Panalangin para sa mga Mag-aaral sa Kolehiyo: 40-Araw na Gabay sa PanalanginSample

Pandaigdigang Araw ng Panalangin para sa mga Mag-aaral sa Kolehiyo: 40-Araw na Gabay sa Panalangin

DAY 12 OF 40

Day 12: Mga Punto ng Sanggunian para sa Paglalakbay sa Buhay

Ni Natalia del Castillo (Comunidad Cristiana de Fe, Bogotá, Colombia)

"Ang marurunong na pinuno ay magniningning na gaya ng liwanag sa langit at ang mga umaakay sa marami sa pagiging matuwid ay sisikat na parang bituin magpakailanman."

— Daniel 12:3

Bago nagkaroon ng mga app at compass, ang mga bituin ang ginagamit bilang gabay sa paglalakbay. Ngayon, isipin ang bawat isa sa mga tauhan sa Bibliya. Kung ihahalintulad sila sa mga bituin, sila ay inilalagay bilang mga reference points upang tulungan tayong makahanap ng tamang landas. Ano ang kahalagahan ng mga reference points? At nakapili ka na ba ng sa iyo?

Bilang isang estudyante sa kolehiyo, marami ka pang kailangang gawin na mahahalagang desisyon na makaaapekto sa buong buhay mo. Hindi kita gustong mabahala; nais ko lamang na magkaroon ka ng kamalayan sa pribilehiyo at responsibilidad ng iyong kalagayan. Ang kultura sa paligid mo ay laging humihila sa mga tao pababa sa antas ng kawalang-muwang nito. Hinahamon nito ang lahat na mabuhay lamang sa kasalukuyan sa halip na magtayo ng buhay nang may layunin. Kung hindi ka pipili ng landas, may ibang pipili para sa iyo—o mas masama, maaari kang gumugol ng buhay sa paikot-ikot na walang patutunguhan.

Sa Bibliya, makikita natin ang mga totoong tao na may mga kahinaan, pakikibaka, pangarap, at hangarin. Ang kanilang mga kuwento ay hinubog ng tulong ng Diyos. Kapag pinag-aralan natin ang kanilang buhay, maaari tayong matuto ng makapangyarihang mga aral na gagabay sa ating landas.

Isa sa mga paborito kong reference point ay si Daniel. Sa panahon ng digmaan, nagawa niyang mabuhay at magtagumpay sa kabila ng pananakop. Hayaan mong ibahagi ko ang ilan sa mga katangiang nagbukod sa kanya, na maaari rin nating gawing gabay sa ating sariling buhay:

- Siya ay isang anak, isang prinsipe. Tandaan kung sino ang ating Amang nasa Langit at panatilihin ang mentalidad ng kaharian ng langit.

- Siya ay walang dungis; siya ay may integridad. Hindi ito tungkol sa kung ano ang maaari mong lusutan kundi ang pagpiling gawin ang tama bilang salamin ng iyong pagkakakilanlan.

- Siya ay matalino at handang matuto. Ang karunungan ay ang kakayahang gumawa ng mabuting desisyon. Hindi sapat ang pagiging matalino; kailangan nating maging bukas sa pagkatuto.

- Siya ay may lifestyle ng pananalangin. Ang parehong Diyos na gumabay sa mga kamangha-manghang tao sa Bibliya ay kasama mo rin. Makipag-usap ka lang sa Kanya.

Maging isang reference point! Ayon sa astronomiya, araw-araw ay may mga bagong bituin na ipinapanganak. Naniniwala akong ikaw ay tinawag upang maging isang reference point para sa iyong henerasyon. Mahalaga ang paraan ng iyong pamumuhay! Ang iyong mga desisyon ay hindi lamang huhubog sa iyong kinabukasan kundi magiging pundasyon para sa mga susunod na henerasyon.

MGA PUNTONG PANALANGIN:

Manalangin para sa karunungan upang makapili ng mabubuting reference points para sa iyong sariling buhay.

Manalangin para sa iyo at sa iyong mga kaibigan na magkaroon ng parehong mga katangian at lifestyle ng pananalangin na mayroon sina Daniel at ang kanyang mga kaibigan.

Manalangin na maging isang mabuting reference point para sa mga henerasyong darating.

Scripture

About this Plan

Pandaigdigang Araw ng Panalangin para sa mga Mag-aaral sa Kolehiyo: 40-Araw na Gabay sa Panalangin

Halina't samahan ang mga mananampalataya sa buong mundo para sa sama-samang pananalangin para sa revival at spiritual awakening ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Ang mga leader mula sa buong mundo ay nag-ambag sa gabay na ito, na magbibigay sa iyo ng isang kasangkapan para sa inspirasyon, pag-unawa, at paghihikayat upang mapasigla ang iyong mga panalangin. Makiisa sa pagdarasal kasama ang mga mananampalataya mula sa lahat ng mga bansa para sa loob ng 40 araw bago ang Collegiate Day of Prayer!

More