Ang Pagod na Mundo ay Nagdiriwang: Isang 2020 Debosyonal para sa AdbiyentoHalimbawa

Araw 5: Mga Anghel
Ang mga anghel ay nakakatakot. Hindi mahirap isipin ito dahil ang una nilang sinasabi lagi sa mga tao ay: "Huwag kang matakot" (Lk. 1:13, 30; 2:10, atbp.).
Kakaunti lang ang nalalaman natin tungkol sa mga anghel maliban lang sa katotohanan na sila ay mga espiritwal na mga nilalang. Tila sila ay may iba-ibang mga papel, mula sa mga mandirigma hanggang sa mga tagapag-alaga hanggang sa mga tagapagbalita na ginagamit ng Diyos para maghatid ng Kanyang mga mensahe.
Sila ay mga tagapagbalita sa kuwento ng Pasko.
Isang anghel ang nagpakita kay Zacarias. Pagkatapos, isang anghel na nagngangalang Gabriel ang nagpakita rin kay Maria para sabihin na ipapanganak niya ang Anak ng Diyos. Isa ring anghel ang nagpakita kay Jose sa isang panaginip upang ipaalam ang balitang ito.
Ang susunod na pagkakataong nagpakita ang anghel sa kuwentong ito ay nang nagpakita siya sa mga pastol. Pinag-usapan natin ang mga pastol at kung anu-ano ang ating matututunan sa kanilang mga halimbawa, ngunit paano naman sa mga anghel? Ano kaya ang kanilang maituturo sa atin tungkol sa kagalakan sa gitna ng pag-aalinlangan?
Maligaya ang mga anghel dahil mayroon silang kalamangan: alam nila na ang hari at ang pag-asa na dala Niya sa sangkatauhan ay darating nang gabing iyon. Alam nila ang di pa nalalaman ng napapagod na mundo—parating ang pag-asa. Isa itong mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng tao at itong grupo ng mga anghel ay nagsama-sama upang ihatid ang pinakamagandang balita na maririnig ng mga pastol.
Ang “malaking hukbo” ay isang malaking grupong binubuo ng mga espiritwal na tagapaglingkod ng Diyos. Maari mo ngang tawagin itong pamayanan sa langit na maitutulad sa pamayanan ng mga mananampalataya na balang araw ay sama-samang magpupuri sa Diyos sa harapan ng Kanyang trono (Pahayag 7:9).
Ang malaking hukbo ng mga anghel ay sama-samang nagdiwa sa magandang balita. Tinanggap ng mga pastol ang ligayang ito at ibinahagi sa iba. Ang ilaw na ito ay kumalat at nagbigay liwanag sa dilim. Sa gitna ng iyong madilim na mga sandali, maaring hindi mo mahanap sa iyong sarili ang mga papuri ng ligaya at pag-asa sa Diyos. Sa mga panahong iyon, maaari kang makipag-ugnayan sa iba sa komunidad ng Diyos upang patatagin ang iyong loob sa pamamagitan ng pagdedeklara ng Kanyang mga pangako sa iyo.
Noong panahong iyon, hindi alam nina Maria, Jose at ng mga pastol ang mga papel na gagampanan nila sa kuwento na pundasyon ng ating pananampalataya bilang mga Cristiano. Ngunit nang parang walang katuturan ang mga pangyayari sa paligid, nang nawalan lahat ng pag-asa at napagod ang mundo, sila ay kumapit sa mga pangako ng Diyos at nanalig sa Kanyang kabutihan. Pagkatapos ay kanilang ibinahagi ang kabutihang ito sa iba. Unti-unti, ang pag-asa ay kumalat.
Sana ang pag-asang ito ay magbigay sa'yo ng lakas ng loob ngayong Adbiyento.
Mga Tanong para sa Pagninilay:
- Ano ang itinuro sa iyo tungkol sa mga anghel sa iyong paglaki?
- Sino ang mga taong hiningan mo ng tulong sa mga madidilim na sandali ng iyong buhay? Ano ang kanilang naging tugon?
- Sinong “mapagdedeklarahan mo ng pangako ng Diyos” ngayong linggo?
Inaasahan namin na ang gabay na ito ay nakapagpalakas ng loob mo! Lahat ng tao ay dapat magkaroon ng pagkakataong mabasa at maintindihan ang kuwento ng kapanganakan ni Jesus sa kanilang sariling wika. Pero paano kapag hindi ito posible? Alamin ang tungkol sa pagsasalin ng Biblia at kung papaano ito nagbibigay pag-asa sa mga pamayanang iba't-iba ang wika sa buong mundo.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Ang panahon ng Adbiyento ay karaniwang nagdadala ng kagalakan at ng mga awit ng Pasko, pero siguro ang taong ito ay naging mahirap para sa iyo. Sa 5-araw na gabay na ito, matutuklasan mo kung paano tumugon sa Diyos ang mga taong nasa belen sa kabila ng kanilang mga sitwasyon at kung papaano magbibigay pag-asa ang kanilang mga kuwento sa'yo.
More
Mga Kaugnay na Gabay

Pagsasalitang Nagbibigay-buhay

Maglaan ng Lugar para sa kung Ano ang Mahalaga: 5 Espirituwal na mga Gawi para sa Kuwaresma

Pagwawagi sa Digmaan sa Iyong Isipan

7 Araw ng Kuwento ng Pasko: Isang Pampamilyang Debosyonal para sa Adbiyento

Buhay Si Jesus!

Series Name Ang Bible: Love Letter Ni Lord
