Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang Pagod na Mundo ay Nagdiriwang: Isang 2020 Debosyonal para sa AdbiyentoHalimbawa

The Weary World Rejoices: A 2020 Advent Devotional

ARAW 4 NG 5

Araw 4: Mga Pastol

Isipin mo na ikaw ay nasa malayong baybayin sa gitna ng gabi. 

Naglalakad sa malambot at malamig na buhangin ng baybayin, kakailanganin ng mga mata mo ng oras upang makibagay sa kadiliman sa palibot mo. Walang mga ilaw sa kalye, walang mga lampara, at walang flashlight sa paligid. Ngunit pagkatapos ay napatingin ka sa langit at humanga, natulala sa ganda at kalinawan ng mga bituin. Dahil walang artipisyal na mga ilaw na makikipagkompitensya sa kanila, ang mga bituing ito ay tila mas maliwanag at mas malinaw sa iyong paningin.

Minsan kailangan ng lubusang kadiliman para makita ang ilaw na matagal nang nasa ating paligid. Ang dating malayo ngayon ay naging malinaw.

Ngayon, isipin mo ang mga pastol na nasa kadiliman ng gabi nang dumating ang anghel. Marahil sila ay humihikab, nagbabantay sa kadiliman para sa mga maninila na maaring umatake sa kanilang mga tupa. Ang kanilang mga mata ay nakibagay na rin sa kadiliman kung saan ang kalangitan ng gabi ang pinagmumulan nila ng ilaw.

Sinasabi ng Banal na Kasulatan na noong nagpakita ang anghel, "nagliwanag sa kapaligiran nila [ng mga pastol] ang nakakasilaw na kaluwalhatian ng Panginoon” (Lk. 2:9b). Kaagad natakot ang mga pastol. Sa pagitan ng mga anghel mismo at ng liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos, ang takot na ito'y madaling maintindihan. 

Itong mga karaniwang "maruruming" palaboy ay di kasali sa lipunan, ngunit ngayon bigla silang nabigyang-pansin. Sila ay nakita. Marahil hindi nila inaasahan na ang balita ng pagkapanganak ng Mesiyas ay maihahatid sa kanila. O na gagamitin ng Panginoon ang mga pastol upang ipahayag ang pagdating ng Kordero ng Diyos.

Nakipag-usap ang Diyos sa mga di-inaasahang mga tao. Sa isang hamak na birheng dalaga. Sa kanyang karpinterong pakakasalan. Sa mga maruruming pastol. Ang mga di-inaasahang mga taong ito ay naging mga mensahero Niya sa mga di-inaasahang paraan.

Ilang taon ang nakalipas, mas maraming mga di-inaasahang mga tao ng panahong iyon—mga babae—ang pinili upang maghatid ng balita na si Jesus ay muling nabuhay. Maaring nararamdaman mo na ikaw ay hindi pipiliin, pero kaya kang gamitin ng Diyos upang magpahayag tungkol sa Tagapagligtas ngayong Pasko! Kaya ka Niyang gamitin upang maghatid ng ilaw na tatagos sa madilim at pagod na mundo.

Mga Tanong para sa Pagninilay:

  • Kailan ka ba huling nakatanggap ng magandang balita? Sino ang naghatid sa'yo nito?
  • Kung isa kang mamamayan na nakatanggap ng balita sa kapanganakan ni Jesus galing sa isang pastol, paano ka kaya tutugon?
  • Ginagamit ng Diyos ang mga di-inaasahang mga tao upang dalhin ang Kanyang kaharian dito sa mundo. Paano ka mahihikayat ng katotohanang ito ngayong linggo?

Banal na Kasulatan

Tungkol sa Gabay na ito

The Weary World Rejoices: A 2020 Advent Devotional

Ang panahon ng Adbiyento ay karaniwang nagdadala ng kagalakan at ng mga awit ng Pasko, pero siguro ang taong ito ay naging mahirap para sa iyo. Sa 5-araw na gabay na ito, matutuklasan mo kung paano tumugon sa Diyos ang mga taong nasa belen sa kabila ng kanilang mga sitwasyon at kung papaano magbibigay pag-asa ang kanilang mga kuwento sa'yo.

More

Nais naming pasalamatan ang Wycliffe Bible Translators para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, bumisita sa: https://www.wycliffe.org/