Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang Pagod na Mundo ay Nagdiriwang: Isang 2020 Debosyonal para sa AdbiyentoHalimbawa

The Weary World Rejoices: A 2020 Advent Devotional

ARAW 3 NG 5

Araw 3: Jose

Sa lahat ng mga tauhan na makikita sa belen, mayroong isa na di natin masyado kilala: si Jose. Ang nalalaman lang natin tungkol sa kanya ay nanggagaling sa salaysay ni Mateo tungkol sa pagkapanganak ni Jesus; matututunan natin doon na si Jose ay binati ng isang anghel ng Diyos sa isang panaginip at sinabihan na hindi siya dapat matakot na kunin si Maria bilang asawa. Nagising si Jose at naniwala sa anghel.

May mga importanteng bagay tayo na matututunan tungkol kay Jose sa maikling babasahing ito:

  • Si Jose ay isang “matuwid na tao.” Kakaunting mga tauhan lang sa Banal na Kasulatan ang kinikilala sa kanilang pagiging matuwid. Isa si Jose sa mga tauhang iyon. Maaari sanang ilantad sa publiko ang pinaghihinalaan niyang pagtataksil ni Maria ngunit nagpakita si Jose ng kabaitan sa pagpili niyang maging pribado ito. Plano niyang igalang ang katauhan ni Maria sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanya nang palihim. Sa halip na pahiyain si Maria, pinili niyang tahakin ang landas ng dignidad.
  • Natakot din si Jose. Kadalasan, kinatatakutan ng mga tao ang mga anghel kaya sinasabihan sila ng mga anghel na huwag matakot sa kanila; subalit ang anghel ng Diyos ay nagsasabi kay Jose na huwag matakot sa ibang bagay: na kunin si Maria bilang asawa. Malamang nag-aalala si Jose na siya ay pahiyain sa publiko, at ang posibilidad na mahiwalay siya sa kanyang pamilya. Alam iyon ng Diyos kaya sinalubong Niya si Jose sa gitna ng kanyang mga kinatatakutan.
  • Pinili ni Jose na maniwala sa di kapani-paniwala. Isang di kapani-paniwala sitwasyon iyon, pero pinili ni Jose ang pananampalataya sa utos ng Diyos higit pa kaysa sa mga boses ng kanyang pamilya at pamayanan. Ano sa tingin mo ang isinakripisyo niya?

Handa si Jose magsakripisyo para sundin ang utos ng Diyos—isinakripisyo niya ang kanyang reputasyon at kanyang relasyon sa pamilya at mga kaibigan.

Kung tingnan natin ang ating mundo, nakakatukso pag-isipan ang mga bagay na maaaring mawala kung susunod tayo sa sinasabi sa atin ng Diyos. Malamang si Jose ay may mga alinlangan at mga tanong; tao rin naman siya. Pero dinala siya ng kanyang mga tanong at mga alinlangan pabalik sa katotohanan na ang Diyos ang may kontrol. Siya ang pangunahing pinanggagalingan ng katotohanan at kasiguruhan ni Jose.

Ang mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng anghel ay ang tanging rason kung bakit handa si Jose na itaya lahat. Ang mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan ang dahilan kung bakit ikaw ay maaaring lumabas nang buong tapang at sundin Siya.

Mga Tanong para sa Pagninilay:

  • Ano ang nalalaman mo noon tungkol kay Jose bago mo pa nabasa ito ngayon? Nabago ba ang paningin mo tungkol sa kanya? Bakit o bakit hindi?
  • Ano ang maituturo sa'yo ng tugon ni Jose sa kanyang panaginip tungkol sa pananalig sa Diyos?
  • Ano ang isang bagay na inuudyok sa 'yo ng Diyos na gawin na maaaring may nakataya?


Banal na Kasulatan

Tungkol sa Gabay na ito

The Weary World Rejoices: A 2020 Advent Devotional

Ang panahon ng Adbiyento ay karaniwang nagdadala ng kagalakan at ng mga awit ng Pasko, pero siguro ang taong ito ay naging mahirap para sa iyo. Sa 5-araw na gabay na ito, matutuklasan mo kung paano tumugon sa Diyos ang mga taong nasa belen sa kabila ng kanilang mga sitwasyon at kung papaano magbibigay pag-asa ang kanilang mga kuwento sa'yo.

More

Nais naming pasalamatan ang Wycliffe Bible Translators para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang impormasyon, bumisita sa: https://www.wycliffe.org/