ANG MGA HULING SALITA NI JESUS: Pitong Pagbubulay Para sa Mahal na ArawHalimbawa

IKAANIM NA ARAW: ANG MATAGAL NANG UTANG
Basahin: Juan 19:28-37
Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi Niya, “Tapos na!” Iniyuko Niya ang Kanyang ulo at nalagot ang Kanyang hininga. [JUAN 19:30]
Noong 2014, inihayag ng Britanya na sisimulan na nilang bayaran ang utang na £2.6 bilyon na nag-ugat maraming taon na ang lumipas. Matapos kasi ang pagbagsak ng ekonomiya ng Britanya noong 1720, na kilala bilang South Sea Bubble, kinailangang sagipin ng pamahalaan ang ekonomiya. Pero, nagresulta ito sa pagkakaroon nila ng milyun-milyong pagkakautang. Dahil sa mababang interes ngayon, napagpasyahan ng kasalukuyang gobyerno na simulan ang pagbabayad ng mga utang.
Nang sumigaw si Jesus ng "Naganap na!" (Juan 19:30), ipinahayag Niya na lubusan na Niyang binayaran ang kabayaran sa kaparusahan sa kasalanan. Ang salitang Griyego na tetelestai ang pang-anim sa pitong huling salita ni Jesus sa krus. Ginagamit ang salitang ito noon upang ipakita na ang isang buwis o utang ay ganap nang bayad. Ginagamit din ang salitang ito para ipahayag na lubos nang natapos ang isang proyekto. May mga iba pang kahulugan ang salitang ito. Pero higit sa lahat, ipinapakita nito na natapos na ni Jesus, ang perpektong Kordero ng Diyos, ang Kanyang misyon (t.28).
Nang mamatay si Cristo sa krus, lubusan Niyang sinunod ang hinihingi ng kautusan at pinasan ang kasalanan ng buong mundo (1 Pedro 2:24). Hindi lamang Niya tinakpan ang kasalanan. Sa halip, tuluyan Niya itong inalis (Juan 1:29).
Dahil binayaran na ni Jesus ang ating utang, makatatanggap tayo ng buhay na walang hanggan. Paano? Sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jesus na nag-alay ng buhay sa krus at muling nabuhay. At higit pa roon, maaari nating tamasahin ang buhay na ganap at kasiya-siya ngayon (Juan 10:10). Magalak tayo, bayad na ang ating utang! —MARVIN WILLIAMS
Ano ang kahulugan para sa iyo ng katotohanang lubos nang nabayaran ni Jesus ang iyong kaparusahan sa kasalanan? Paano mo Siya pasasalamatan ngayon para sa Kanyang sakripisyong ginawa para sa iyo?
Panginoong Jesus, maraming salamat po sa pag-aalay N’yo ng Iyong buhay sa krus upang lubusang bayaran ang aking kasalanan.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Habang nakapako sa krus, sinambit ni Jesus ang pitong mga kataga. Ngunit hindi lamang ito mga simpleng salita. Kapahayagan ang bawat isa sa mga ito ng pag-asa, kapatawaran, at kaligtasang maaari nating makamit kung magtitiwala tayo kay Jesus. Ating tuklasin ang lalim ng pag-ibig ng Diyos para sa atin.
More
Nais naming pasalamatan ang Our Daily Bread Ministries - Asia Pacific sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: odb.org