ANG MGA HULING SALITA NI JESUS: Pitong Pagbubulay Para sa Mahal na ArawHalimbawa

IKATLONG ARAW: SALITANG MAY PAG-AARUGA
Basahin: Juan 19:25-27
Sinabi niya, “Babae, ituring mo siyang anak.” At sinabi naman niya sa tagasunod niya, “Ituring mo siyang ina.” [JUAN 19:26-27]
Nang pumanaw ang tatay ko, labis na nagluksa ang nanay ko. Bukod sa kalungkutan, nag-alala rin siya tungkol sa mga gastusin at bayarin. Ngunit hindi nagtagal, natuklasan ni Nanay na hindi niya kailangang mag-alala. Bago kasi pumanaw si Tatay, tiniyak niyang matutugunan ang bawat pangangailangang pinansyal ni Nanay. Nangako rin kaming magkapatid na tutulungan siya sa iba pang bagay.
Masasalamin ang ganitong uri ng pag-aaruga sa pamilya sa isa sa mga huling salita ni Jesus. Sa kabila ng matinding paghihirap sa krus, itinuon ni Jesus ang Kanyang pansin kina Maria, ang Kanyang ina, at Juan, ang Kanyang alagad. Sinabi Niya sa kanila: “Babae, ituring mo siyang anak,” at kay Juan, “Ituring mo siyang ina” (Juan 19:26-27).
Napakalalim ng pagmamahal sa mga salitang ito. Sa kultura kasi ng mga Judio, kapag malapit nang mamatay ang isang anak na lalaki, karaniwang ipinagkakatiwala niya ang pag-aalaga sa kanyang ina sa isa pang kapatid na lalaki. Malamang kasi, pumanaw na si Jose, ang asawa ni Maria. At bagama’t may mga kapatid na lalaki si Jesus (TINGNAN: Mateo 13:55), hindi pa nila tinatanggap si Jesus bilang ipinangakong Tagapagligtas. Dahil nais tiyakin ni Jesus ang kalagayan ng Kanyang ina, ipinagkatiwala Niya si Maria kay Juan.
“Mula noon, tumira na ang ina ni Jesus sa tahanan ng tagasunod na ito” (Juan 19:27). Sa ginawang ito ni Cristo, ipinapakitang bahagi na ng iisang pamilya ang lahat ng nagtitiwala sa Kanya. Kaya naman, pagmalasakitan natin ang isa’t isa. Dahil sa krus, pinagbuklod tayo ni Jesus bilang isang pamilya. —PATRICIA RAYBON
Paano mo maipapakita ang malasakit sa iba?
Paano mo maituturing bilang pamilya ang mga kapwa mo nagtitiwala kay Jesus?
Panginoong Jesus, ihanda Mo po ang puso ko upang tumulong sa kapwa kong nagtitiwala sa Iyo.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Habang nakapako sa krus, sinambit ni Jesus ang pitong mga kataga. Ngunit hindi lamang ito mga simpleng salita. Kapahayagan ang bawat isa sa mga ito ng pag-asa, kapatawaran, at kaligtasang maaari nating makamit kung magtitiwala tayo kay Jesus. Ating tuklasin ang lalim ng pag-ibig ng Diyos para sa atin.
More
Nais naming pasalamatan ang Our Daily Bread Ministries - Asia Pacific sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: odb.org