ANG MGA HULING SALITA NI JESUS: Pitong Pagbubulay Para sa Mahal na ArawHalimbawa

IKALIMANG ARAW: NAUUHAW AKO
Basahin: Juan 4:5-14
Sinabi ni [Jesus], “Nauuhaw Ako.” [JUAN 19:28]
Isang pamilya ang sabik na binuksan ang kanilang tahanan para sa isang grupo ng mga boluntaryo na naglakbay patungo sa kanilang nayon sa isang liblib na bahagi ng Mexico. Magkakabit sila ng isang simpleng sistema ng pansala para sa malinis na tubig. Ipinapakita rin ng grupo kung paano magbibigay ng ligtas na inumin ang pansala upang pawiin ang kanilang uhaw. Pero bukod doon, ibinahagi pa nila ang tungkol sa “tubig na nagbibigay-buhay” na siyang tunay na kinakailangan nila, at ito ang kapayapaan na nagmumula sa Diyos.
Tinularan ng grupong iyon ang halimbawa ni Cristo sa pagpapaliwanag ng isang espirituwal na katotohanan sa pamamagitan ng paglalarawan ng pagkauhaw. Nang mapagod ang Panginoong Jesus sa paglalakbay, naupo Siya sa tabi ng isang balon. Humingi Siya ng tubig mula sa isang babaeng naroon. Pagkatapos noon, tinukoy ni Jesus ang pinakakailangan ng babae. Sinabi ni Jesus, “Ang lahat ng umiinom ng tubig na itoʼy muling mauuhaw, pero ang sinumang iinom ng tubig na ibibigay Ko ay hindi na muling mauuhaw” (Juan 4:13-14). Inalok ni Jesus ang babae ng kasiguruhan at kapahingahan ng kanyang kaluluwa sa pamamagitan ng isang maayos na relasyon sa Diyos.
Dinanas naman ng Panginoong Jesus ang matinding pagkauhaw nang sa gayon, maibigay sa lahat ng sasampalataya sa Kanya ang tubig na nagbibigay ng buhay. Habang nakapako si Jesus sa krus, sumigaw Siya, “Nauuhaw Ako” (Juan 19:28). Palatandaan ito na unti-unti na Siyang nalalagutan ng hininga. Gayon pa man, pinili Niyang magdusa at tiniis ang hirap ng pisikal na pagkauhaw, dahil alam Niyang bubuhayin Siyang muli ng Diyos. Tulad ng babaeng kinatagpo ni Jesus sa balon, maaari rin tayong tumanggap ng tubig na nagbibigay-buhay para sa ating nauuhaw na kaluluwa sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus.
Nagdiwang naman ang grupo ng mga boluntaryo nang makita nilang naiinom ng pamilya ang malinis na tubig. Pero mas higit pa silang nagalak nang tanggapin din ng pamilya ang tubig na nagbibigay-buhay na iniaalok ni Cristo. Isang regalo na maaaring matanggap ng sinumang may nauuhaw na kaluluwa. —LISA SAMRA
Paano naiuugnay ang pagkauhaw sa tubig sa iyong pananampalataya?
Paano ka tumugon sa iniaalok ng Dios na tubig na nagbibigay-buhay?
Panginoong Jesus, nalulugod po ang aking kaluluwa sa Iyo.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Habang nakapako sa krus, sinambit ni Jesus ang pitong mga kataga. Ngunit hindi lamang ito mga simpleng salita. Kapahayagan ang bawat isa sa mga ito ng pag-asa, kapatawaran, at kaligtasang maaari nating makamit kung magtitiwala tayo kay Jesus. Ating tuklasin ang lalim ng pag-ibig ng Diyos para sa atin.
More
Nais naming pasalamatan ang Our Daily Bread Ministries - Asia Pacific sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: odb.org