Gabay sa Kaligtasan sa Corona para sa mga Mag-asawaHalimbawa

Ang Sampung Utos ng komunikasyon
“Pastor, pagkatapos ng anim na taon ng buhay mag-asawa, kailangan ko ng paalala ng Sampung Utos ng Komunikasyon. Maaaring ito ang magpipigil sa amin mula sa pag-atake sa isa't isa.”
“Pastor, baka naman kahit minsan ay matalakay mo sa akin at sa aking asawa ang mga patakaran ng komunikasyon. Sa tingin ko ay makakabuti ito sa amin.”
Ang dalawang mga mensaheng ito ay natanggap ko sa aking cellphone na isang araw lang ang agwat. Hindi ako nasorpresa.
Habang patuloy ang coronavirus sa pag-apekto sa ating mga pamumuhay, ang ating kasanayan sa komunikasyon ay lalong nagiging kritikal. Ang lubos na kahirapan at dagdag na stress ay nagbibigay ng pagsubok sa kalidad ng ating mga salita bilang Cristiano.
Sa tingin ko ay ito ang dahilan kung bakit ang mga matatalinong mga Cristianong ito ay humihingi ng tulong. Gusto nilang muling balikan ang pangunahin kaalaman, upang pindutin ang “reset” sa kanilang paraan ng pakikipag-usap upang ang kanilang pananalita ay puno ng salitang magbibigay-buhay at hindi kamatayan.
“Ang buhay at kamatayan ay sa dila nakasalalay, makikinabang ng bunga nito ang dito ay nagmamahal.” (Mga Kawikaan 18:21).
Magagamit mo rin ba ito sa pagtulong ng iba? Umaasa ka man na mapagmahal na makipag-usap sa iyong asawa, mga anak, o sa mga tao sa kabilang dulo ng iyong screen, ang Sampung Utos ng Komunikasyon ay isang magandang ideya kung saan maaaring magsimula. Hinihimok kita na basahin ang mga ito ng paulit-ulit, ipanalangin ang bawat isa, at unahin ang isa o dalawa nito upang gawin ngayong linggo.
Nawa'y mapalapit kayo sa Diyos sa pamamagitan ng paggawa ninyo nito!
- Hindi mo susubukan na “manalo.”—Ang ating natural/makasalanang reaksyon sa kahit anong pagtatalo ay ang magwagi kahit anumang kapalit. Dahil dito, lagi mong ipaalala sa iyong isipan na ang inyong pag-uusap ay tungkol sa pagmamahal, hindi sa pagwawagi. “Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't nagmumula iyan sa masasamang nasa na naglalaban-laban sa inyong kalooban? Mayroon kayong minimithi ngunit hindi ninyo makamtan, kaya't papatay kayo kung kailangan, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong minimithi dahil hindi kayo humihingi sa Diyos. ” (Santiago 4:1,2).
- Hindi ka magsasabi ng "hindi kailanman."—Sa ating kagustuhan na magwagi, kadalasan tayo ay nagsisinungaling. Paano? Gumagamit tayo ng mga salita tulad nglagi at hindi kailanman. “Lagi mong sinasabi iyan!” “Hindi ka kailanman nag-iisip sa aking ginagawa.” “Lagi mo na lang ibinabalik ang nakaraan!” Sa kasamaang palad, ang mga ito ay lantarang pagmamalabis na inilalagay ang ating asawa sa depensibo (Exodo 20:16).
- Hindi ka dapat sumingit.—Sa tuwing gusto nating magwagi sa pagtatalo, nararamdaman natin ang pangangailangan na sumingit habang nagsasalita ang kausap. Gusto nating salungatin ang punto ng ating kausap sa pamamagitan ng pagsingit sa bersyon natin ng katotohanan. Ngunit ang pag-ibig ay matiyaga at handang maghintay (1 Mga Taga-Corinto 13:4).
- Pipiliin mo ang iyong mga laban.—Ang pagbabahagi ng bawat bagay na kinaiinisan mo ang pinakamabilis na paraan upang maging isang walang tigil na kritiko at reklamador. Ibigay mo lahat ng iyong mga problema sa Diyos ngunit piliin mo alin sa mga ito ang ibabahagi mo sa iyong asawa. “Ang taong masalita ay malapit sa pagkakasala” (Mga Kawikaan 10:19).
- Lalabanan mo ang OCD (Obsessive Comparison Disorder).—Sa tuwing tayo ay binibigyan ng kritisismo, ang ating mga puso ay nahuhumaling na ikumpara ang ating pag-uugali sa ugali ng ating asawa. Naglilingkod ba siya sa akin? Siya ba ay mapagpasalamat sa aking ginagawa? Bakit hindi niya naaalala ang mga bagay na ginawa kong tama? Nalimutan na ba niya ang panahong ako ay. . . ? Nakakalungkot ngunit ang OCD ay isang garantisadong paraan upang ipagpatuloy ang paulit-ulit na siklo, hindi maintindihan ang punto ng iyong asawa, at gawing mas malala ang buhay ninyong mag-asawa. Sa halip nito, makinig ka, makiramay, at itanong, “Anong magagawa ko para makatulong?” (Mga taga-Filipos 2:3,4).
- Dapat kang manatili sa paksa.—Ayaw ng ating mga puso na inilalantad ang kamalian. Dahil dito, desperadong silang naghahanap ng ibang paksa upang mabago ang direksyon ng usapan (“Hindi ka rin naman perpekto!” “Sinasabi mo ngayon ito pagkatapos ng araw na naranasan ko?”). Maaaring may tamang oras upang pag-usapan ang ibang mga problema, ngunit hindi ito ang panahon para dito. Ituon ang iyong pansin sa paksa na pinoproblema ng iyong asawa, at pareho kayong magiging mas maligaya nang mas madali.
- Hindi ka magtetext (o manonood ng laro o maglalaro ng video games o titingin sa iyong telepono. . .) at makikipag-usap.—Ang pag-ibig ay nagbibigay ng buong atensyon sa iba. Dahil walang sinuman ang gustong pinapakinggan nang hindi buung-buo, gusto ng Diyos na ibigay natin ang ating buong atensyon sa ating asawa. Pag-isipang sabihin na, “Tatapusin ko muna saglit itong text, pagkatapos ay ibibigay ko sa iyo ang aking buong atensyon.”
- Uulitin mong sabihin ang punto ng iyong asawa.—Sa tuwing gusto nating magwagi sa pagtatalo, tayo ay naghihintay sa isang sandaling paghinto upang tayo ay makapasok at magtapon ng mga suntok ng salita . Huwag! Sa halip, siguraduin mong ulitin, sa pamamagitan ng iyong sariling mga salita, na narinig mo ang kanyang punto. Huwag mo idagdag ang iyong punto. Huwag kang sumang-ayon o sumalungat. Patunayan mo lang na nakikinig ka at naiintindihan mo ang pakiramdam ng iyong asawa.
- Aaminin mo ang iyong mga kasalanan.—Upang “magwagi,” binibigyang katwiran natin ang ating mga mali. “Nag-exaggerate ako dahil ikaw ay. . . Sumingit ako kasi hindi totoo ang sinasabi mo. . .” atbp. Ngunit ang mga ito ay nagbibigay lamang ng panggatong sa isang baliw na siklo ng pananakit sa isa't isa. Sa halip, umamin ka, nang walang kapalit, sa iyong mga kasalanan. Magugulat ka kung gaanong kadalas na ang iyong pag-amin ay mag-uudyok din ng pag-amin mula sa kanila. At kung hindi man mangyari ito, ito ang makatuwirang gawin.
- Kayo ay magtatalo sa paanan ng krus..—Ang pagdadala ng pagmamahal ni Jesus sa kahit anong pag-uusap ay nagbabago sa lahat ng bagay. Tumingala ka at tingnan ang Tagapagligtas na matiyaga at mabait na nagsasalita sa iyo sa iyong pinakamasamang mga sandali. Pagkatapos ay tingnan mo ang iyong asawa. Ito ang magbibigay sa iyo ng pagpapakumbaba upang magsalita bilang isang kapwa makasalanan, sa halip na isang mas-banal-sa-iyo na santo(Mga Hebreo 12:1,2).
Tungkol sa Gabay na ito

Mahirap na nga ang pagpapanatili ng magandang relasyon. Dumating pa ang coronavirus. Ang limang-araw na babasahing gabay na ito ay isang mabilisang kursong pang-espirituwal para sa iyo at sa iyong asawa upang hindi lamang mabuhay sa kabila ng coronavirus kundi umunlad sa gitna nito.
More