Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Debosyon para sa Mahal na Araw mula sa Holy Bible: MosaicHalimbawa

Devotions for Lent from Holy Bible: Mosaic

ARAW 8 NG 46

Hungkag na Sakripisyo (Eileen Button) Tulad ng maraming mga batang Katoliko, tinalikdan ko ang pagkain ng matatamis nang higit sa apatnapung araw ng Kuwaresma. Naalala ko na sa aking pagbaba noon sa hagdanan sa umaga ng Pasko ng Pagkabuhay ay umaasa akong sasalubungin ng isang kahanga-hanga at gawa sa tsokolate na Palmer's bunny. Pagkatapos malagpasan ang napakahirap na panahon ng pagsasakripisyo, hindi na halos ako makahintay na kumagat sa masarap at mahabang tainga ng tsokolateng kuneho. Minsan, nakararamdam ako ng pagkabigo kapag isang hungkag na tsokolateng krus ang matatagpuan ko sa basket sa halip ng mas ninanais kong kuneho. Habang natutukuran sa isang lalagyan na may mga kulay luntiang damong gawa sa plastik at napapalibutan ng mga jelly beans na kulay pastel, naroon ang isang bagay na nagpahirap sa aking Tagapagligtas, at gawa sa tsokolateng gatas. Sa lugar kung saan naroon dapat ang nabaling katawan ni Cristo, may isang bulaklak na gawa sa asukal na kulay rosas at dilaw. Hindi ko makain ito. Pakiramdam ko'y ay isang kalapastangan ang gawin ito. Halos imposibleng malagpasan ko ang napakahabang mga araw ng Kuwaresma na hindi ako maaaring kumain ng matatamis, ngunit ako ay laging nagugulat sa kawalang-halaga ng aking "sakripisyo" sa tuwing kaharap ko ang tsokolateng krus na iyon sa umaga ng Pasko ng Pagkabuhay. Kahit ang isang bata ay nakikipagtunggali sa katotohanan ng sukdulang sakripisyo ni Cristo. Ang taunang kapanahunan ng Kuwaresma ay kataka-taka para sa maraming tao. Ang pagtanggi sa mga paboritong pagkain o sa mga nakaugalian nang gawin - kahit sa sandaling panahon lang - ay parang hindi na nababagay at lipas na sa kultura natin ngayon na nagsasabing "gusto ko iyan ngayon na". Ang Kwaresma ay mabagal na umuusad at namumugto hanggang makarating sa magulong ingay ng Banal na Byernes at ng marilag na arya ng Pasko ng Pagkabuhay. Ito'y kapanahunan na may tanda ng malalim na pag-iisip at pagtukoy ng tunay na intensyon. Subalit kadalasan ay nakakasagabal tayo sa ating mabuting intensyon. Kapag tayo'y nag-aayuno sa pagkain o sa mga teknolohiya (o anumang nakakabihag sa ating mga puso at nagtatangkang agawin ang lugar na tanging ang Diyos lamang ang Siyang makakapagpuno) maaari tayong matuksong makaramdam ng pagmamalaki at pagmamayabang patungkol sa ating mga sakripisyong ginagawa. Ang bagay na ating pinababayaan ay siyang naghuhumiyaw sa ating kaloob-looban bilang isang "pangangailangang" kailangang tugunan. Sa halip na ipako natin ang ating mga mata kay Hesukristo, ang ating paningin ay maaaring mahila patungo doon sa mismong bagay na ating isinuko nang kusang-loob. Magkaganito man, ang paggunita sa Kwaresma ay isang napakahalagang hakbang sa pagkakaroon ng disiplina. Mahirap maunawaan kung anong nagagawa sa ating mga katawan at kaluluwa ng patuloy na pag-iisip na sa ating mga sarili lamang umiikot ang mundo. Sumasamba ang ating kultura sa paanan ng kasiyahan, at malabis na pagyuko sa mga masasarap na handog. Habang ating "hinahakot ang lahat ng ito", maaari tayong mawalan ng pakiramdam sa pangangailangan natin - sa tunay na kagutuman - sa ating buhay. Ang paggunita sa Kwaresma ay makakatulong sa ating pakikipaglaban sa mga dahilan sa likod ng ating walang sawang pagsasayang. Kapag tayo'y nagpasiyang bitiwan ang mga bagay na hindi nakapagbibigay ng lubos na kasiyahan sa atin, kinakaharap natin ang ilan sa mga mahihirap na katanungan. Mapapaniwalaan ba natin si Jesus kapag sinabi Niyang, "Ang mga tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang, kundi sa bawat salitang namumutawi mula sa bibig ng Diyos"? Paano nating mabibigyan ng lugar ang ating Tagapagligtas sa ating mga buhay na bigat na bigat na? Kaya ba nating maunawaan ang kaganapan ng Biyernes Santo at mabuhay sa kabalintunaan nito? Hinahamon tayo ng Kwaresma na pagmuni-munihan ang tapat na kasagutan sa mga katanungang ito at sa iba pang mga katanungang humihingi ng malalim na pagsisiyasat ng damdamin. Inaanyayahan tayo nitong kusang tumalon mula sa paikot-ikot na gulong ng paggamit ng walang saysay at maranasan ang kurot ng pagpipigil mula sa tuluy-tuloy at walang kapararakang pagpapalayaw sa sarili. Maaaring mabigyan nito ng kinakailangang pahinga ang ating mga buhay na sanay sa mga materyal na bagay. Tulad ng maraming mga mananampalataya, nanghahawakan ako sa taunang pangingilin na naibibigay ng Kwaresma at patuloy pa rin ang psgsusuko ko sa ibang mga bagay na aking ginagawa o ginagamit. Pinahahalagahan ko ang panahon ng pag-aayuno, ang panahon ng paghahanap, at ng kapahayagan sa aking buhay. Taun-taon, may bago akong natututunan. Marahil ako noon - at kahit hanggang ngayon - ay nasasaktan sa hungkag na krus gawa sa tsokolate dahil ito'y nagpapahiwatig sa kadalasang katotohanan sa ating mga buhay espiritwal: Maaaring ang nakikita natin sa labas ay mukhang maganda, ngunit nakapanlulumong sa kaloob-looban natin tayo ay hungkag. Paminsan-minsan, ang katotohanan ng pagsasakripisyo ni Hesukristo at ang kapangyarihan ng Kanyang pag-ibig ay maaaring makadurog sa ating mga pusong matigas. Ang katotohanan, tulad ng tilamsik ng nagyeyelong tubig sa ating mga pagod na pisngi, na nagiging sanhi upang tayo'y magulat. Ang hungkag na bahagi ng ating mga kaluluwa ay maaaring punuan.

Tungkol sa Gabay na ito

Devotions for Lent from Holy Bible: Mosaic

Ang pang-46 araw na debosyonal na ito para sa panahon ng Kuwaresma, na mula sa Holy Bible: Mosaic, ay naglalaman ng mga kataga, babasahin, at Banal na Kasulatan na tutulong sa iyong ipako ang iyong isipan kay Cristo. Nakatitiyak ka man o hindi kung ano ang ibig sabihin ng panahon ng Kuwaresma, o nakagawian mo nang sundan ito at ang iba pang mga pagdiriwang sa kalendaryo ng simbahan, mapahahalagahan mo ang mga babasahin mula sa Banal na Kasulatan at mga pananaw na ibinahagi ng mga Cristiano mula sa iba't ibang dako ng mundo at sa buong kasaysayan. Samahan ninyo kami at ang iglesia sa buong mundo na ituon ang ating mga sarili kay Jesus sa mga darating na linggo hanggang sa pagdiriwang ng Linggo ng Pagkabuhay.

More

Nais naming pasalamatan ang Tyndale House Publishers sa kanilang pagbabahagi ng Mga Debosyon para sa Mahal na Araw mula sa Holy Bible: Mosaic. Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa Holy Bible: Mosaic, bisitahin ang: www.tyndale.com/p/holy-bible-mosaic-nlt/9781414322056