Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Pagkalag sa TanikalaHalimbawa

Breaking Free

ARAW 3 NG 5

"Ikatlong Benepisyo: Mahanap ang kakuntentuhan sa Diyos"



Ginagamit ng Biblia ang salitang kaluluwa sa iba't ibang pamamaraan. Ang isa ay para tukuyin ang bahagi natin na hindi pisikal. Kapag binanggit ko ang gutom ng kaluluwa, ang tinutukoy ko ay ang ating pangangailangan ng espirituwal na kakuntentuhan. Hindi marami ang komportable sa paksang ito, ngunit panahon nang kalagin ang mga kandado sa mga silid ng ating nakatagong kawalan ng kakuntentuhan.



Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng kuntento sa isang bagay? Ang iyo bang kaluluwa, iyong espiritu, iyong sariling kaibuturan, ang totoong ikaw, ay ganap na kuntento kay Cristo?



Sa Jeremias 31:25 ang Hebreong salita para sa bubusugin ay male, na ibig sabihin ay “punuin, tuparin, ang pagpuno ng isang lalagyan na walang laman… ang gawang lagyan muli ang nabawasan pati na rin ang maranasan ang lubos na kabusugan.” Ang salita para sa nanlulupaypay ay da’ab na ang ibig sabihin ay “manghina” (sinalin mula sa Strong’s). Madali tayong matatangay sa pagkakabihag sa paghahanap ng ibang mga kasagutan sa mga pangangailangan at hangaring ang Diyos lang ang may kakayanang tugunan. Isang napakahalagang aspeto ng kalayaan kay Cristo ay nangangahulugang hayaan Siyang punuin ang mga hungkag na bahagi natin.



Ang pagpuno na tanging maibibigay ni Cristo ay hindi awtomatikong kalakip ng ating kaligtasan. Mahigit tatlumpung-taong-gulang na ako nang maunawaan ko ang malaking pagkakaiba ng pagkakaligtas mula sa kasalanan at kakuntentuhan ng kaluluwa. Ang kaligtasan ay nagsisiguro ng buhay natin para sa walang-hanggan. Ang kakuntentuhan ng kaluluwa ay nagsisiguro ng buhay na masagana at ganap dito sa lupa. Madalas tayong tinuturuan ng Diyos ng mga espirituwal na katotohanan sa paghahalintulad ng mga ito sa mga pisikal na realidad.



Kapag ikaw ay nagugutom, hinahanap mo ang tutugon sa iyong pangangailangan. Kung matagal mong hindi papansinin ang iyong mga pisikal na pangangailangan, hindi ka lang magiging miserable kundi magkakasakit ka rin. Madali mong nakikilala ang mga senyales ng iyong katawan, ngunit dakilang karunungan ang nasa pagbatid ng mga senyales ng iyong espiritu.



Ang pinakamalinaw na sintomas ng isang kaluluwang nangangailangan ng kakuntentuhan sa Diyos ay ang pakiramdam ng panloob na kahungkagan. Ang kamalayan ng isang guwang na lugar sa iyong kaloob-looban. Ang palagiang kawalan ng kakayahang makuntento.



Tamang ipagpalagay natin na ang kaluluwa natin ay gutom at uhaw para sa Diyos kung hindi tayo nakibahagi sa anumang espirituwal na pagkain at inumin nang matagal na. Bumalik sa Tinapay na Nagbibigay-Buhay at sa Tubig na Nagbibigay-Buhay! “Tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh” (Mga Awit 34:8).



Kayang bigyan ng Diyos ng kakuntentuhan ang nananabik mong kaluluwa. Ang kakuntentuhan kay Jesus sa iyong sariling kaibuturan ay isang benepisyo ng relasyong mayroon ka sa maringal na kasunduang kasama ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.



Buksan ang pintuan, Minamahal! Naghihintay Siyang bigyan ng kakuntentuhan ang iyong nagugutom na kaluluwa.
Araw 2Araw 4

Tungkol sa Gabay na ito

Breaking Free

Ang Pagkalag sa Tanikala ay gagabay sa iyo sa pag-aaral ng Banal na Kasulatan upang tuklasin ang nakapagpapabagong kapangyarihan ng kalayaan kay Jesu-Cristo. Ang mga tema sa pag-aaral na ito ay mula sa Isaias, isang akla...

More

Nais naming pasalamatan si Beth Moore at ang Lifeway Christian Resources sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa dagdag na impormasyon, mangyaring bisitahin ang: http://www.lifeway.com/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya