Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Debosyon para sa Mahal na Araw mula sa Holy Bible: MosaicHalimbawa

Devotions for Lent from Holy Bible: Mosaic

ARAW 44 NG 46

Sabado (Steve Thomason) Ang Sabadong iyon ay marahil naging napakahaba at napakadilim. Hindi lamang sila nagsipagtago dahil sa takot para sa kanilang buhay, sila rin ay lubos na nagdalamhati. Wala na si Hesus. Nakita ng Kanyang mga alagad ang paghuli sa Kanya upang dalhin Siya sa Kanyang kamatayan. Ngayon ay Sabado na, at ang kanilang Panginoon ay patay na, kaya't matindi ang nararanasan nilang kapighatian, na ang pakiramdam nila'y wala na silang halaga. Hindi ito ang kanilang inaasahan. Si Hesus ang inaakala nilang Mesias. Siya ang inakala nilang mangunguna sa kanila sa katagumpayan laban sa mga nagpapahirap sa kanila. Siya ang pinaniwalaan nilang magtatatag na muli sa Israel bilang isang malakas na bansa upang maranasan nila ang kaligayahan ng matamis na katarungan. Hindi kasama sa inaasahan nila ang sakit, kalungkutan at pagdadalamhati. Marahil ay naramdaman din ninyo ang damdaming naranasan ng mga alagad ni Hesus noong madilim na Sabadong yaon. Alam kong ito ay naranasan ko. Sa loob ng labinlimang buwan ng aking buhay, naranasan ko ang kamatayan ng aking kaibigan, ng aking dalawang lola, ng aking biyenang lalaki, at maging ng iglesiang aming itinatag, at ganoon din ang muntik-muntikang kamatayan ng isang hipag ko at ng isa kong pamangking babae. Wham! At naroon ako. Ang pakiwari ko'y lahat ng nasa kapaligiran ko ay namamatay. Hindi ito ang inaasahan ko. Akala ko, ang daan sa pagsunod kay Hesus ay isang daan ng katagumpayan at kapayapaan. Ang tanging nararamdaman ko ay sakit at kawalan ng pag-asa. Sa totoo lang, parang nawalan na ako ng kakayahang makaramdam. Sana'y kaya kong sabihin na naharap ko ang mga ito ng may dangal at dignidad, tahimik na tumatango at ngumingiti, habang nagbabanggit ng mga karaniwang bukambibig tungkol sa kapangyarihan ng Diyos. Ngunit hindi. Nagpapapalit-palit ang damdamin ko sa manhid na pagkakaila at nakakayamot na pag-aalinlangan. Iniisip ko kung marahil hindi ako umabot sa sukatan. Marahil ay pinarurusahan ako ng Diyos dahil sa anumang bagay na aking ginawa. Marahil ako'y nagpaloko sa loob ng maraming taon at ang totoo ay isang malamig at hungkag na lugar talaga ang sansinukob. Iniisip ko na ganito rin ang nararamdaman ng mga alagad ni Hesus noong madilim na Sabadong iyon. Animo'y wala nang lahat ang pag-asa. Ganito ang nararamdaman natin dahil may nakakalimutan tayong isang mahalagang katotohanan. Ang daan ni Hesus ay isang daan ng sakit, kalungkutan at pagdadalamhati. Marami ang naranasang pagpapakasakit ni Hesus sa Kanyang buhay - maging bago pa Siya hinuli at ipinapatay. Noong bata pa Siya, nalaman na Niya kung paanong maitago mula sa Ehipto dahil sa pangamba para sa Kanyang buhay. Nalaman na rin niya kung paano ang mawalan ng isang amain,si Jose. Nanangis siya sa pagkamatay ng kanyang kaibigang si Lazaro. Nagdalamhati Siya sa pagkabulag ng mga mamamayan ng Israel. Naghirap Siya sa sakit na umabot sa pagdaloy ng dugo mula sa Kanya sa hardin ng Getsemani. Naghumiyaw Siya sa salita ng Kanyang ninunong si David habang nakabitin sa krus at sinabing, "Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?" Subalit sinabi ni Hesus na ang mga ito ay talagang mangyayari. Sa salaysay ni Juan tungkol sa mga huling pagtuturo ni Jesus, sinabi Niya na puputulan ng Diyos ang mga sangang nakakapit sa Puno. (Juan 15:1-17) Masakit ang pagpuputol. Ang putulin ang malaking bahagi ng iyong buhay mula sa iyo ay hindi isang kaaya-ayang karanasan. Walang tuwa sa pakiramdam ng isang malaking gunting na humihiwa sa iyong kalamnan. Ngunit, katulad ng nalalaman ng Dakilang Hardinero, kapag walang pagputol, wala ring buhay. Iyan ang pamamaraan ni Hesus - ang pamamaraan ng pag-ibig at biyaya ng Diyos. Ginagawa tayong busilak ng Diyos sa pamamagitan ng sakit. Natutunan ito ng mga alagad ni Hesus at ito ang kanilang isinulat sa mga iglesia. Sinabi ni Santiago na ituring natin itong wagas na kagalakan kapag tayo'y may mga pinagdadaanang mga pagsubok, sapagkat sa dulo, tayo ay magiging ganap at malakas. Sinabi ni Pedro sa atin na ang mga pagsubok ang nagpapadalisay sa ating mga puso gaya ng pagpapadalisay ng apoy sa ginto. At si Pablo, habang isinasalarawan niya ang mahirap na kapamaraanan ng pagdaan sa pag-uusig at paggiba sa mga pader ng hindi matuwid na pagkiling, ay naabot ang kasukdulan ng buong prosesong ito sa pamamagitan ng isang salita - pag-asa. Sa wakas ay tapos na ang Sabado. Nang dumating ang Linggo, hinarap ng mga alagad ang katotohanang mas matindi pa sa pagdadalamhati. Natagpuan nila ang pag-asa. Nagpakahirap si Hesus sa pagdaan Niya sa sakit at pagdadalamhati at Siya'y sumapit sa kabilang panig na muling nabuhay. Darating ang mga Sabado sa buhay natin. Makasisigurado ka diyan. Darating sila at ito'y magiging masakit. Maaaring tumagal siya ng isang araw; maaaring tumagal siya ng dalawampung buwan. Kapag sila'y dumating, tandaan mo - kung walang Sabado hindi tayo makakarating sa Linggo. Ang pag-ibig ni Hesus ang ating pag-asa ngayon at magpakailanman. Magdadalamhati tayo, ngunit maaari tayong magdalamhati ng may pag-asa.

Tungkol sa Gabay na ito

Devotions for Lent from Holy Bible: Mosaic

Ang pang-46 araw na debosyonal na ito para sa panahon ng Kuwaresma, na mula sa Holy Bible: Mosaic, ay naglalaman ng mga kataga, babasahin, at Banal na Kasulatan na tutulong sa iyong ipako ang iyong isipan kay Cristo. Nakatitiyak ka man o hindi kung ano ang ibig sabihin ng panahon ng Kuwaresma, o nakagawian mo nang sundan ito at ang iba pang mga pagdiriwang sa kalendaryo ng simbahan, mapahahalagahan mo ang mga babasahin mula sa Banal na Kasulatan at mga pananaw na ibinahagi ng mga Cristiano mula sa iba't ibang dako ng mundo at sa buong kasaysayan. Samahan ninyo kami at ang iglesia sa buong mundo na ituon ang ating mga sarili kay Jesus sa mga darating na linggo hanggang sa pagdiriwang ng Linggo ng Pagkabuhay.

More

Nais naming pasalamatan ang Tyndale House Publishers sa kanilang pagbabahagi ng Mga Debosyon para sa Mahal na Araw mula sa Holy Bible: Mosaic. Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa Holy Bible: Mosaic, bisitahin ang: www.tyndale.com/p/holy-bible-mosaic-nlt/9781414322056