Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JEREMIAS 10:1-10

JEREMIAS 10:1-10 ABTAG01

Pakinggan ninyo ang salita na sinasabi ng PANGINOON sa inyo, O sambahayan ng Israel. Ganito ang sabi ng PANGINOON: “Huwag ninyong pag-aralan ang lakad ng mga bansa, ni mabagabag sa mga tanda ng mga langit, sapagkat ang mga bansa ay nababagabag sa mga iyon, sapagkat ang mga kaugalian ng mga sambayanan ay walang kabuluhan. Isang punungkahoy mula sa gubat ang pinuputol, at nilililok sa pamamagitan ng palakol ng mga kamay ng manlililok. Ginagayakan ito ng mga tao ng pilak at ginto; pinatatatag nila ito ng martilyo at mga pako, upang huwag itong makilos. Sila ay gaya ng mga panakot-uwak sa gitna ng taniman ng pipino, at hindi sila makapagsalita. Kailangan silang pasanin, sapagkat hindi sila makalakad. Huwag ninyong katakutan ang mga iyon, sapagkat sila'y hindi makakagawa ng masama, ni wala ring magagawang mabuti.” Walang gaya mo, O PANGINOON; ikaw ay dakila, at ang iyong pangalan ay dakila sa kapangyarihan. Sinong hindi matatakot sa iyo, O Hari ng mga bansa? Sapagkat ito'y nararapat sa iyo; sapagkat sa lahat ng mga pantas ng mga bansa at sa lahat nilang mga kaharian ay walang gaya mo. Sila'y pawang mga mangmang at hangal, ang turo ng mga diyus-diyosan ay kahoy lamang! Pinitpit na pilak ang dinadala mula sa Tarsis, at ginto mula sa Uphaz. Ang mga ito'y gawa ng manlililok at ng mga kamay ng platero; ang kanilang damit ay bughaw at kulay ube; ang mga ito'y gawang lahat ng mga bihasang manggagawa. Ngunit ang PANGINOON ang tunay na Diyos; siya ang buháy na Diyos at walang hanggang Hari. Sa kanyang poot ang lupa'y nayayanig, at hindi matatagalan ng mga bansa ang kanyang galit.