Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Salmo 119:21-48

Salmo 119:21-48 ASD

Ang mga hambog ay sinasaway ninyo at isinusumpa ang mga lumalabag sa mga utos ninyo. Ilayo ninyo ako sa kanilang panghihiya at pangungutya, sapagkat sinusunod ko ang inyong mga turo. Kahit na magtipon ang mga namumuno at magsalita laban sa akin, akong lingkod ninyo ay patuloy na magbubulay-bulay sa inyong mga tuntunin. Ang inyong mga turo ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at nagsisilbing aking tagapayo. Akoʼy parang mamamatay na, kaya akoʼy panatilihin ninyong buháy ayon sa inyong pangako. Sinabi ko sa inyo ang tungkol sa aking pamumuhay at akoʼy pinakinggan ninyo. Ituro ninyo sa akin ang inyong mga tuntunin. Ipaunawa ninyo sa akin ang inyong mga tuntunin, upang pagbulay-bulayan ko ang inyong kahanga-hangang mga gawa. Akoʼy nanlulumo dahil sa kalungkutan, palakasin ninyo ako ayon sa inyong pangako. Ilayo ninyo ako mula sa paggawa ng masama, at tulungan ninyo akong sundin ang inyong kautusan. Pinili ko ang tamang daan, gusto kong sumunod sa inyong mga utos. PANGINOON, sinunod ko ang inyong mga turo, kaya huwag ninyong papayagang mapahiya ako. Pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga utos, dahil pinapalawak ninyo ang aking pang-unawa. PANGINOON, ituro ninyo sa akin ang inyong mga tuntunin, at habang nabubuhay, itoʼy aking susundin. Bigyan ninyo ako ng pang-unawa sa inyong kautusan, at itoʼy buong puso kong susundin at iingatan. Pangunahan ninyo ako sa aking pagsunod sa inyong mga utos, dahil ito ang aking kasiyahan. Bigyan ninyo ako ng pagnanais na sundin ang inyong mga turo at hindi ang pagnanais na yumaman. Ilayo ninyo ako sa mga bagay na walang kabuluhan. Ingatan ninyo ang aking buhay ayon sa inyong pangako. Tuparin ninyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod, na ipinangako ninyo sa mga may takot sa inyo. Alisin ninyo ang mga kahihiyan na aking kinatatakutan, dahil ang inyong mga tuntunin ay pawang kabutihan. Gusto kong sundin ang inyong mga tuntunin. Sa inyong katuwiraʼy, ingatan ninyo ang aking buhay. PANGINOON, ipakita ninyo ang inyong pag-ibig at pagliligtas sa akin, ayon sa inyong pangako. Pagkatapos sasagutin ko ang mga kumukutya sa akin, dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong mga salita. Tulungan ninyo akong masabi ang katotohanan sa lahat ng pagkakataon, dahil ang pag-asa ko ay nakasalalay sa inyong mga utos. Lagi kong susundin ang inyong kautusan habang akoʼy nabubuhay. Mamumuhay akong may kalayaan, dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin. Hindi ko ikakahiyang sabihin ang inyong mga turo sa harapan ng mga hari. Nagagalak akong sundin ang inyong mga utos dahil mahal ko ang mga ito. Iginagalang ko ang inyong mga utos na aking minamahal, at pinagbubulay-bulayan ko ang inyong mga tuntunin.