Salmo 30
30
Salmo 30
Awit na isinulat ni David para sa pagtatalaga ng Templo.
1 Panginoon, pupurihin ko kayo,
sapagkat akoʼy iniligtas nʼyo.
Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako
ng aking mga kaaway.
2 Panginoon kong Diyos,
humingi ako ng tulong sa inyo,
at pinagaling nʼyo ako.
3Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.
4Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
kayong mga tapat sa kanya.
Papurihan ninyo ang kanyang
banal na pangalan.
5Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
Maaaring sa gabi ay may pagluha,
pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.
6Sa panahon ng aking kaginhawahan
ay aking sinabi,
“Wala akong pangangambahan.”
7Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
Pinatatag nʼyo ako tulad
ng isang bundok.
Ngunit nang lumayo kayo sa akin,
ako ay nanlumo.
8Tumawag ako sa inyo, Panginoon,
at nanalangin ng ganito:
9“Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako
at kahabagan.
Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”
11Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo
ng sayaw ng kagalakan.
Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12upang hindi ako tumahimik,
sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
Panginoon kong Diyos,
kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.
اکنون انتخاب شده:
Salmo 30: ASD
هایلایت
به اشتراک گذاشتن
مقایسه
کپی
می خواهید نکات برجسته خود را در همه دستگاه های خود ذخیره کنید؟ برای ورودثبت نام کنید یا اگر ثبت نام کرده اید وارد شوید
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.