Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang Baliktad na Kaharian: Isang 8-Araw na Pag-aaral sa Mga Mapapalad (Beatitudes)Halimbawa

The Upside Down Kingdom: An 8 Day Study Through the Beatitudes

ARAW 4 NG 8

Lasapin at Tingnan

Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila’y bubusogin. Mateo 5:6

SIMULA NATIN

Lahat tayo ay alam kung ano ang pakiramdam ng gutom. Bilang mga sanggol na gutom, tayo’y umiiyak, at bilang mga matatanda na gutom, maaaring tayo’y mainis o ang tinatawag nilang “hangry.” Alam din natin ang klase ng gutom na nagtutulak sa atin upang magsakripisyo at magtagumpay; isang gutom na pumupuno sa ating mga isipan, humuhubog sa ating mga pangarap, at nagbubukas ng ating mga ambisyon. Sa paglipas ng panahon, ang gutom na ito ang humuhubog sa ating pagkatao. Gaya ng madalas na sinasabi ng mga doktor, “Kung ano tayo, ay kung ano ang kinakain natin,” isang kasabihang totoo rin sa espiritwal na aspeto.

Kapag pinanatili natin ang isang diyeta ng makasariling ambisyon, pagkukunwari, materyalismo, at walang katapatan, hindi maiiwasan na maging anyo tayo ng mga katangiang ito. Gaya ng isang gumon sa pagkain na kayang ubusin ang buong lata ng Pringles at pagkatapos ay kumain naman ng isang galon ng Breyers ice cream, maaari tayong magpabaya mula sa moral na kompromiso patungo sa mas malalim na mga uri ng pagsira sa sarili, kabilang na rito ang kasakiman, pagnanasa, pagkainggit, at ang iba pang tinatawag na mga nakamamatay na kasalanan. Binibigyang-diin ng pilosopong si James K.A. Smith ang pangangailangan ng “pagbabago ng ugali” sa ating mga gutom. Ibig sabihin, ang pagsusuko ng ating pinakamalalim na pagnanasa at pagkauhaw sa kataas-taasang kapangyarihan ni Cristo.

Tinawag tayo upang magutom at mauhaw sa katuwiran.

DEBOSYONAL NA PANANAW

Ang katuwiran na dapat nating hanapin ay ang nagdadala ng biyaya ng Diyos—isang biyaya na nagpapala sa sangkatauhan kung saan natin ito lubos na kailangan: sa relasyon sa Diyos, sa muling pagbabago ng ating kaluluwa, at sa mga estruktura ng lipunan.

MGA OBSERBASYON

Ipinapakita ng katuwiran ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian habang itinatampok ang Kanyang maawaing kamay ng kaligtasan. Binigyang-katauhan ni Jesus ang katuwirang ito, at ngayon ang sinumang humarap sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya ay tinatamasa ang Kanyang pagpapalang nagdadala ng kaligtasan. Nang magsisi si Mateo, ang kolektor ng buwis, naranasan niya ang katarungan at pagpapala ng Diyos. Gayun din ang mga babaeng bayaran at ang mga itinakwil bilang “mga makasalanan.” Kaya’t sinabi ni Jesus sa mga namumunong relihiyoso, “Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos” (Mateo 21:31). Nakakagulat ba na ang mga pinuno ng mga Judio ay naghangad na Siya’y dakpin? Isang alternatibong kaharian ang nagsimulang sumalakay sa kanilang relihiyosong ekonomiya—talaga nga, ang kaharian ng Diyos.

"Ang pagkakabasbas na ito," sabi ni Donald Hagner, "ay hindi iniaatang sa mga nagtatamo, kundi sa mga tumatanggap." Kailangan nating magtrabaho nang mabuti upang labanan ang likas na pagnanasa na maghanap ng isang bagay sa ating sarili na karapat-dapat sa pagpapala ng Diyos. Mula simula hanggang wakas, tayo ay iniligtas dahil sa banal na pagkukusa. Paano pa natin ipaliliwanag ang pagtanggap ng Diyos sa mga duwag tulad ni Abraham, at sa mga mangangalunya at mamamatay-tao tulad ni David? (Tingnan ang Mga Taga - Roma 4:1-8.) At siyempre, paano natin ipaliliwanag ang ating sariling pananampalataya?

APLIKASYON

Habang ipinaglalaban ang ebanghelyo ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, iginiit ng mga Reformer na ang ating pananampalataya ay hindi nananatiling nag-iisa. Naniniwala si Calvin na "hindi kami nangangarap ng isang pananampalataya na walang mabubuting gawa ni ng isang pagpapawalang-sala na tumtayong hindi kasama ang mga ito." Dahil na kay Cristo, tayo ay nakakaranas ng pagpapabago na gawa ng Espiritu, na nagbubunga ng katuwiran (Mga Taga - Galacia 5:22–23).

Sa ganitong paraan, binabago ni Jesus ang ating mga pagnanasa mula sa loob palabas. Sabi ni Martin Luther, “ang isang taong ito ay patuloy na nagtratrabaho at nagsusumikap ng buong lakas upang itaguyod ang kapakanan ng nakararami at ang tamang asal ng bawat isa at... tumutulong upang mapanatili at masuportahan ito sa pamamagitan ng salita at gawa, ng turo at halimbawa.”

Ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ay magpapakita na sila ay nabusog habang sila ay namumuhay ng lalong matuwid (ngunit hindi pa perpekto) na buhay. Ikaw ba ay nagugutom at nauuhaw sa katuwiran? Paano ipinapakita ang bagong pagnanasang ito sa iyong buhay?

Banal na Kasulatan

Araw 3Araw 5

Tungkol sa Gabay na ito

The Upside Down Kingdom: An 8 Day Study Through the Beatitudes

Sa mga talata tungkol sa Ang mga Mapapalad (Mateo 5:2–12), hinihikayat tayo ni Jesus na ihiwalay ang ating sarili sa mundo at mamuhay na hindi umaayon sa kultura at may bagong pagkakakilanlan na nakaugat sa Kanya. Sinusuri ng Upside Down Kingdom ang hindi kapani-paniwalang karunungang ito at tinutuklas ang kahalagahan nito sa kasalukuyan.

More

Nais naming pasalamatan ang Crossway sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, maaring bumisita sa: https://www.crossway.org/