Ang Baliktad na Kaharian: Isang 8-Araw na Pag-aaral sa Mga Mapapalad (Beatitudes)Halimbawa

Kapag ang Kawalan ay Naging Kapakinabangan
Mapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos. Mateo 5:4
SIMULAN NATIN
Ang pilosopo at teologo na si Nicholas Wolterstorff, na nagdadalamhati sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay, ay naglarawan sa pangkalahatang saklaw ng pagdurusa sa kanyang aklat na Lament for a Son : “Ang pagdurusa ay itinatago ang mukha nito sa bawat isa habang ipinakikilala ang sarili sa lahat... Tayo ay iisa sa pagdurusa. Ang iba ay mayaman, ang iba ay matalino; may malakas, may hinahangaan. Ngunit lahat tayo ay nagdurusa. Dahil tayong lahat ay nagpapahalaga at nagmamahal; at sa kasalukuyang pag-iral natin, ang pagpapahalaga at pagmamahal ay nagbubunga ng pagdurusa.”
Ang paglaganap ng pagdurusa ay nagbubukas ng pinto sa hindi maisip na kaaliwan ng Diyos para sa bawat isa sa atin.
DEBOSYONAL NA PANANAW
Kapag nahaharap tayo sa kawalan, maaari nating harapin ito nang may kapaitan, nang tila walang pakialam, o nang may pananampalataya. Kapag pinili nating tumugon nang may pananampalataya, sinisimulan natin ang proseso ng pagdadalamhati at binubuksan natin ang ating sarili sa kaaliwan ng Diyos.
MGA OBSERBASYON
Sa paglipas ng mga siglo, hinikayat ng mga Cristiano ang isa't isa na kilalanin at tanggapin ang pagdurusa bilang bahagi ng buhay. "Memento mori," sabi nila. Tandaan ang kamatayan. Ngunit ang gayong pagkilala ay lalong bihira. “Iilan sa atin,” ang sabi ni J.I. Packer, “ang nabubuhay araw-araw sa dulo ng kawalang-hanggan… at natatalo tayo dahil dito.” Ang pagkilala sa mortalidad ng isang tao ay naghahangad na bigyan ng kahulugan at pakiramdam ng pagmamadali ang karanasan ng tao.
Nakakalungkot na hinahangad nating tanggihan ang katotohanang ito, na inihihiwalay natin ang ating sarili sa iba upang hindi natin makita ang kanilang sakit at hindi nila makita ang sa atin. Ngunit lumalabas na ang paghihiwalay ay naghihiwalay din sa atin sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig—at maging sa kagalakan. Pigilan man natin ang ating mga damdamin at iwasang maramdaman ang sakit, ang ating mga puso ay nananatiling mahina sa kalungkutan hangga't tayo ay may hininga.
Hindi natin matatakasan ito. Hangga't binabagtas natin ang mga landas ng sirang mundong ito, tayo ay magdurusa at magluluksa. Ngunit sa halip na tumakas sa kawalan ng pag-asa, lapitan natin ang Isa na umiyak kasama natin, na nakiisa sa atin hanggang sa punto ng isang kahabag-habag na kamatayan, na namagitan para sa atin sa pinakamadilim na gabi ng ating mga kaluluwa. Maaaring hindi natin lubos na mauunawaan, ngunit ang Diyos ay nagdurusa kasama natin kahit ngayon. Nawa ang kaisipang iyan ay makapagbigay ng kaaliwan sa lahat ng nagdadalamhati—kabilang na tayo.
APLIKASYON
Kadalasan, ang nakakatakot na kaisipan ng paparating na kapahamakan ang umuubos sa atin: ang takot sa sakit, alalahanin tungkol sa ating mga anak, kalungkutan, kasawian sa pananalapi, pagkabalisa tungkol sa katandaan, o hindi kasiya-siyang alaala. Sa madaling salita, dumaranas tayo ng patuloy na agos ng takot na umaakit sa ating atensyon hanggang sa mawala sa ating paningin si Cristo at ang Kanyang walang hanggang mga layunin.
Ngunit hindi tayo nagdurusa nang mag-isa. Si Cristo ay nananatili sa atin. Ang ibang mga tulong ay nabigo at ang mga kaaliwan ay tumatakas, ngunit ang Panginoon ay nananatili. Ang Kanyang banal na presensya, na ngayon ay namamalagi sa ating mga puso, ang pupuspos sa sansinukob, isang kaningningang magtataboy sa bawat mala-demonyong anino magpakailanman. Sa araw na iyon, “sisikat ang araw ng katuwiran, na may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak.” (tingnan sa Malakias 4:2), at lahat ay gagawing bago. "At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay" (Pahayag 21:4). Oo, "mapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos" (Mateo 5:4).
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Sa mga talata tungkol sa Ang mga Mapapalad (Mateo 5:2–12), hinihikayat tayo ni Jesus na ihiwalay ang ating sarili sa mundo at mamuhay na hindi umaayon sa kultura at may bagong pagkakakilanlan na nakaugat sa Kanya. Sinusuri ng Upside Down Kingdom ang hindi kapani-paniwalang karunungang ito at tinutuklas ang kahalagahan nito sa kasalukuyan.
More