Ang Kapayapaan ay Isang TaoHalimbawa

Ang Kapayapaan ay Ang Pagiging Buo
Sa diksiyonaryo ang kahulugan ng kapayapaan ay pumapatungkol sa kalayaan o pagtigil ng anumang alitan o salungatan; isang pansamantalang tigil-putukan mula sa giyera; kapanatagan, katahimikan, katiwasayan.
Ang kahulugang ito ang hangad para sa bawat relasyon. Para sa ina, ang tigil-putukan mula sa giyera ay maaaring kapag nakaidlip ang bugnutin mong musmos o kapag umalis na para sa eskuwela ang iyong mga sumpunging tinedyer. Para sa isang mahirap na buhay may-asawa, ito'y maaaring kapag ang iyong mapaghanap na asawa ay umalis para sa trabaho o biyahe. Ngunit ang pagdating ng Kapayapaan sa mundo ng mga tao ay hindi nag-alis ng mga giyera, pagkakawatak-watak ng mga relasyon, o istress. Ang reyalidad ay na ang mga isyu natin sa relasyon ay mas masama pa kaysa kailanman noon dahil sa pagpupumilit ng kasamaan at kadiliman. Ang kapayapaan sa mga relasyon ay hindi masusumpungan sa mga pansamantalang solusyon.
Iba ang iniaalok ng Salita ng Diyos na kahulugan ng kapayapaan: ang Hebreong salitang, shalom.
Ang shalom ay ang pagiging buo o kumpleto; kagalingan ng pag-iisip, kaluluwa, at katawan. Ang shalom ay naghahatid ng Kapayapaan. Ang shalom ay angpaggawang kapayapaan.
Ang paggawa ng kapayapaan ang pakay ni Jesus sa pagparito sa daigdig. Ang buhay Niya ay nagpakita kung paano gumawa ng kapayapaan—sa pamamagitan ng palaging pagbibigay, pagmamahal, at pagsasakripisyo para sa iba. Ang paggawa ng kapayapaan ay hindi simple o madali; sa katunayan, ito'y napakamahal. Ang paggawa ng kapayapaan ay nangangailangan ng kamatayan. Sinakripisyo ni Jesus ang Kanyang buhay bilang perpektong Tupa nang sa ganoon ay mabuhay tayo nang magpakailanman at ang sarili nating kamatayan sa mga makasariling kaparaanan ang nagbibigay-daan sa iba pang mga kaparaanang hindi makasarili.
Ang paggawa ng kapayapaan ay madalas masakit at nangangailangang ibalik natin ang mga bagay sa pagiging tama—pagiging matuwid. Ibig sabihin nito ang patuloy na mamatay sa sarili at sadyaing mamuhay sa diwa ng ginawa ni Cristo para sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang shalom, maaari nating dalhin ang Kapayapaan sa bawat sitwasyon at relasyon, gaano man kahirap ito. Nakikita ng shalom ang kasiraan at ibinabalik ito sa pagiging buo sa pamamagitan ng pakikiramay sa pasanin ng iba nang may pagtitiyaga at pagmamahal.
Ang isang gumagawa ng paraan para sa kapayapaan ay handang makipag-usap—na sabihin ang kailangang sabihin nang may katapatan at pagmamahal, imbes na gumawa ng mga mapanuyang komento o tuluyang tumalikod sa paghihinanakit o pagtangging magpatawad. Ang maging isang gumagawa ng paraan para sa kapayapaan ay hindi kailanman nangangahulugang payagang tapak-tapakan ka, o maging labis na maselan sa takot ng maaaring sabihin ng iba. Ang isang gumagawa ng paraan para sa kapayapaan ay palaging nagpapahayag nang may kabaitan, ngunit nang may paninindigan, laban sa kawalan ng katarungan para sa iba at sa sarili.
Ang paggawa ng paraan para sa kapayapaan ay hindi panghihiya o pamimilit sa ibang kumampi sa atin sa isang isyu ni patungkol sa kontrol at pagpapatahimik sa iba. Sa mga alitan, ang isang gumagawa ng paraan para sa kapayapaan ay pumipili ng mga salitang mapagpakumbaba sa diwa ng kapayapaan at may lakas ng loob na lumapit sa iba upang mailagay sa tama ang mga bagay, imbes na ipagpilitang siya ay tama. Ang paggawa ng paraan para sa kapayapaan ay ang pagbibigay ng handog na kagandahang-loob at nagbibigay ng puwang para sa pag-ibig at katotohanan, imbes na kailanganing magpatunay ng isang opinyon.
Ang isang gumagawa ng paraan para sa kapayapaan ay handang pumagitna at madalas ang gitna ay hindi kanais-nais at magulo. Sa ating mga anak, ito'y ang paggugol ng kinakailangang panahon upang pag-usapan ang kanilang mga damdamin at puso. Sa iba, ito'y ang kahandaang dalhin ang mga isyu sa liwanag kaysa patuloy na tumalikod. Ang isang gumagawa ng paraan para sa kapayapaan ay nagtatatag ng mga tulay para sa mga relasyon, panlaban sa mga mapanirang puwersa ng kasalanan at kadiliman sa pamamagitan ng Kanyang shalom.
May alok sa ating hamon at pangako si Jesus sa Mateo 5:9: Ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, ay ituturing na mga anak ng Diyos. Sa mundong puno ng labanan, alitan, at pagkakapootan, tagubilin Niya sa atin ang gumawa ng kapayapaan mula sa Kanyang kapayapaan.
Ang iyong kakayahan at tagumpay sa paggawa ng kapayapaan sa iba ay nagmumula sa paggawa ng puwang para sa Kapayapaan sa iyong puso, dahil ang Kapayapaan ay isang Tao.
Tungkol sa Gabay na ito

Ikaw ba ay naghahanap ng isang mapayapang buhay na protektado sa kaguluhan ng iyong mundo? Hangad mo ba ang isang buhay na lahat ay mapayapa ang takbo, na walang paggambala at alitan? Lahat tayo ay nais iyon, ngunit ang ideyang ito ay malayo sa ating katotohanan. Sa 5-araw na gabay na ito, tuklasin na ang kapayapaan ay hindi ang kawalan ng mga problema o paghihirap. Ang kapayapaan ay ang presensya ni Jesus. Ang Kapayapaan ay isang Tao.
More