Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang Kapayapaan ay Isang TaoHalimbawa

Peace is a Person

ARAW 2 NG 5

Ang Tiwala ay Naghahatid ng Kapayapaan

Pagkatapos ng isang karaniwan at mahabang araw ng pagmiministeryo at pagbubuhos ng buhay Niya para sa iba, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad ang, “Tumawid tayo sa ibayo.” (Marcos 4, Mateo 8) Wala Siyang nabanggit sa kanila tungkol sa malakas at biglang paparating na bagyo. Alam ba Niya? Maaari, maaaring hindi. Pero mahalaga ba iyon? Nagplano si Jesus ng makabuluhang pahinga at alam Niya ang gagawin sa isang bagyo. Pagod na pagod, nakatulog Siya. 

Bigla na lang, “inabot sila ng malakas na bagyo kaya't ang bangkang sinasakyan nila'y hinampas ng malalaking alon at ito'y halos mapuno na ng tubig. Si Jesus ay natutulog noon sa may hulihan ng bangka, nakahilig sa isang unan.” (RTPV05) Nakakasiguro akong basang-basa ang mga alagad sa mga alon at malakas na ulan. Takot na takot, nagmamadaling pinuntahan ni Pedro si Jesus at sinabing, “Guro, bale-wala ba sa inyo kung mapahamak kami?” 

Pinatahimik ni Jesus ang bagyo ng Kanyang mga salita at presensya. “Tigil! Tumahimik ka!” Sinaway Niya ito sa sarili Niyang wika—Kapayapaan—at tumigil ang malakas na hangin at tumahimik ang malalakas na alon. 

Sa ating sariling mga nakaliligalig na sitwasyon, madalas nating naitatanong ang kaparehong mga makasariling tanong ng mga alagad: Bale-wala ba sa Iyo kung mapahamak kami? Hindi Mo ba ako nakikita at aking mga pangangailangan at pangamba? Nasaan Ka, Diyos ko? Malapit na akong mamatay rito! Bakit hindi Ka kumikilos sa sitwasyon ko? Natutulog Ka ba?

Ngunit tinatanong din ni Jesus ang mga kaparehong tanong na tinanong sa Kanyang mga alagad matapos patahimikin ang malakas na bagyo. “Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?” Ito ang pinakabatayang tanong:Bakit ako takot na takot? Saan nakalagay ang aking tiwala? Nalihis ba dahil sa aking maling pag-iisip?

Malamang sa hindi, oo. Karamihan sa ating mga pinakamatitinding bagyo ay ilalaban sa ating mga isipan.

Ang kapayapaan at mga tugon natin ay susunod sa direksyong papayagan nating mapunta ang ating mga isipan. Ginagamit ng ating kaaway ang bawat pagkakataon na nakawin ang ating tiwala at nangingiti ito nang may kabalakyutan kapag ang mga naiisip natin ay natutungo sa pinakamasaklap na posibileng mangyari. Sinasamantala niya ang ating mga bakit, mga kung-sana, mga mayroon-dapat ako. Ang hangad niya ay sang-ayunan natin ang kanyang maiingay, walang-katapusang mga kasinungalingan. Hindi ka nakikita ng Diyos. Bale-wala ka sa Kanya. Inabandona ka Niya sa iyong pinakamatinding pangangailangan. Iyan ang napala mo dahil sa pinili mo. Wala ka nang pag-asa! At kung sasang-ayon tayo, panalo siya.

Hindi kailanman sinasalubong ni Jesus ang ating mga bagyo ng mga akusasyon. Nang may pagmamahal at kahinahunan, tinatanong Niya ang isang simpleng tanong: “Hindi ka pa rin ba natututong magtiwala?”

Ang pagtitiwala ay hindi kailanman madali dahil kalakip nito ang panganib. Ang pagtitiwala ay ang kahandaan kong maging mahina sa iyong mga gawain at intensyon. Apatnapu't anim na taong nakakalipas, nakipagsapalaran ako sa isang lalaki at nangakong ipagkakatiwala sa kanya ang aking puso. Ang katapatan niya sa lahat ng mga taong ito, kahit pa sa pinakamahihirap na panahon, ang nagbibigay sa aking ng pakiramdam ng kaligtasan at seguridad at nagbibigay sa akin ng kapayapaan. Hindi ko pinag-aalinlanganan ang kanyang mga intensyon. Pinagtitiwalaan ko siya dahil kilala ko siya. 

Ito rin ay totoo patungkol sa Diyos. Ang ating pagtitiwala sa Diyos—ang dako ng malalim, panloob na kapayapaan—ay nakasalig sa kung ano ang pinaniniwalaan natin patungkol sa Kanya. Mas kilala natin Siya, ang Kanyang hindi nagbabagong pagkatao, mas pagtitiwalaan natin Siya. Ang ganap na kapayapaan ay matatamo kapag itinuon natin ang ating pag-iisip sa Kanya at pinaniwalaang ang Kanyang mga intensyon sa atin ay palaging mabuti, dahil Siya ay mabuti. 

Ang takot at pagkabalisa ay hindi kailanman kailangang anyayahan. Napakabilis dumating ng mga ito kapag may paghihirap. Ngunit ang kapayapaan ay dumarating kapag may lakas ng loob nating inaanyayahan si Jesus sa ating mga bagyo, mahihirap na relasyon, at nakaliligalig na sitwasyon. Ang kapayapaan ay hindi ang kawalan ng paghihirap, kundi, ito'y ang presensya ng isang mapagtitiwalaang Tao na nakakakita sa atin, nagmamalasakit, at hindi tayo kailanman iiwanan. Nangungusap Siya sa ating mga takot, ating mga bakit at mga ano-kaya, “Tigil! Tumahimik ka!” 

Kapag ang kapayapaan at seguridad ay mahina o wala roon, maaari kayang ito ay dahil ang tiwala mo ay nasa isang bagay at hindi sa Pagkatao ni Jesus-Cristo na Kapayapaan? Kinakausap Niya tayong lahat, “Hindi ka pa ba natututong magtiwala?”

Tungkol sa Gabay na ito

Peace is a Person

Ikaw ba ay naghahanap ng isang mapayapang buhay na protektado sa kaguluhan ng iyong mundo? Hangad mo ba ang isang buhay na lahat ay mapayapa ang takbo, na walang paggambala at alitan? Lahat tayo ay nais iyon, ngunit ang ideyang ito ay malayo sa ating katotohanan. Sa 5-araw na gabay na ito, tuklasin na ang kapayapaan ay hindi ang kawalan ng mga problema o paghihirap. Ang kapayapaan ay ang presensya ni Jesus. Ang Kapayapaan ay isang Tao.

More

Nais naming pasalamatan si Robin Meadows para sa pagbibigay ng gabay na ito. Para sa higit pang impormasyon, mangyaring bisitahin ang: https://www.amazon.com/Robin-Meadows/e/B081QMDFDR?ref_=pe_1724030_132998060