Paglalaan ng Oras Upang MagpahingaHalimbawa

Humiwalay Mula Sa Mga Kaguluhan ng Isip.
Kung hindi ka magpapahinga mula sa mundong iyong ginagalawan, ikaw ay mahahatak pababa ng mundong ito. — Erwin McManus
Ang isang kahulugan ng pahinga ay ang paglaya mula sa pagkabagabag o kaguluhan. Sa panahong ito ng ating mga buhay, madali tayong makakahanap ng mga bagay na makakagulo sa ating pagpapahinga at nakakapagdulot din ng pagkabagabag. Maaaring panandalian itong makalibang at parang ito ang nakakapagpanumbalik ng sigla sa atin, pero sa huli, tayo ay naubusan ng tunay na pahinga.
Pinag-uusapan ng napakaraming tao ang iba't-ibang paraan upang humiwalay sa isang mundong palaging naka-konekta. May mga libro, artikulo, pagpapahayag, at mga mensahe na nagbibigay sa atin ng tatlong hakbang upang tayo ay hindi malunod sa mga bagay na nagnanakaw ng ating atensyon. Pero hindi lahat ay nagugulo mula sa pare-parehong mga bagay. Ang nakagugulo sa isang tao ay hindi pinaglalabanan ng kanyang kasunod.
Upang makahiwalay sa mga nakagugulong bagay sa ating mga buhay, kailangan nating pag-isipan ang dalawang bagay. Una, kailangan nating malaman kung ano ang nakagugulo sa atin. Ano ang mga bagay na naghihiwalay sa atin mula sa mga mas importanteng bagay dahil ang mga ito ay tila mahalaga at nakasisiyang gawin. At pangalawa, kailangang ilapag ang ating mga sariling plano upang ang mga taong pinakamahalaga sa atin ay hindi magmistulang panggulo.
Anumang bagay na nagnanakaw ng kapayapaan at kapahingahan mula sa atin, kailangan nating bigyan ng limitasyon. Maaaring matapos mong mabasa ang pangungusap na ito, alam na natin kung ano iyon. Imbes na hayaang ihiwalay tayo ng mga nakakagambalang ito mula sa ating kapahingahan at sa mga taong pinakamahalaga sa atin, maaaring…
- ...huwag nating buksan ang ating kompyuter habang ang ating mga anak ay gising pa.
- ...piliing pagtutunan ng pansin ang mga mabubuting bagay kaysa hayaang guluhin tayo ng ating mga pag-aalala.
- ...maglagay ng sariling ringtone para sa ating mga kapamilya at hayaang mapunta sa voicemail ang iba.
- ...piliing huwag manood ng TV hanggang sa katapusan ng linggo.
- ...isantabi ang ating mga plano para sa hinaharap upang mabuhay sa kasalukuyan.
- ...maglagay ng limitasyon sa mga websites, apps, o laro.
Kung makikita natin ang ating sarili na nasa isang lugar na palaging may pag-aalala at kaguluhan, kailangan nating bawasan o tuluyang tanggalin ang mga bagay na nagiging dahilan kung bakit natin nararamdaman ang mga ito. Hindi ito magiging madali. Anumang mahalaga ay may kaakibat na trabaho at sakripisyo. Huwag na tayong magpaliban ng araw na hahayaan nating mahiwalay tayo ng mga panggulo ng mundong ito mula sa kapahingahang ibinibigay ng Diyos para sa atin.
Pagnilayan
- Ano ang pinakamalaking bagay na nakagugulo sa iyo mula sa tunay na pagpapahinga?
- Ano ang mga hakbang na kailangan mong gawin ngayon upang alisin o limitahan and distrakyon sa iyong buhay?
- Isulat ang anumang pagpapahayag ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng iyong pagbabasa ng Biblia o debosyonal.
Banal na Kasulatan
Tungkol sa Gabay na ito

Ang labis na pagtatrabaho at ang madalas na pagiging abala ay kadalasang hinahangaan ng mundo, at maaaring maging hamon ito sa pagpapahinga. Para magawa natin ang ating mga tungkulin at mga plano nang epektibo, kinakailangan nating matutunang magpahinga dahil kung hindi ay mawawalan tayo ng panahon sa ating mga minamahal sa buhay at pati na rin sa ating mga itinakdang layunin. Halina't gugulin natin ang mga susunod na limang araw upang matutunan ang tungkol sa kapahingahan at kung paano ito maipapamuhay.
More