Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 19:28-44

Lucas 19:28-44 RTPV05

Pagkasabi nito, nagpatuloy si Jesus papuntang Jerusalem. Nang malapit na siya sa Bethfage at Bethania, sa Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon at matatagpuan ninyo roon ang isang batang asno na nakatali; hindi pa iyon nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo at dalhin dito. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo iyon kinakalagan, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon.” Lumakad nga ang mga inutusan at natagpuan nila ang asno, ayon sa sinabi ni Jesus. Habang kinakalagan nila ang batang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?” “Kailangan po ito ng Panginoon,” tugon nila. Dinala nila kay Jesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya'y pinasakay nila. Habang siya'y nakasakay sa asno at naglalakbay papunta sa lunsod, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang mga balabal sa kanyang dinaraanan. Nang siya'y malapit na sa lunsod, palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kahanga-hangang pangyayaring kanilang nasaksihan. Sinabi nila, “Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!” Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, patigilin nga po ninyo ang inyong mga alagad.” Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang siyang sisigaw.” Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lunsod, ito'y kanyang tinangisan. Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng taong nasasakupan mo. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Lucas 19:28-44

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya