Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 2:22-47

Mga Gawa 2:22-47 RTPV05

“Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. Ngunit ang taong ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos at hinango sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi siya kayang ikulong nito, gaya ng sinabi ni David tungkol sa kanya, ‘Alam kong kasama ko ang Panginoon sa tuwina, hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya. Kaya't ako'y nagdiriwang, puso at diwa'y nagagalak, gayundin naman ako'y mabubuhay nang may pag-asa. Sapagkat hindi mo ako pababayaan sa daigdig ng mga patay; at hindi mo pahihintulutang mabulok ang iyong Banal na Lingkod. Itinuro mo sa akin ang mga landas upang ako'y mabuhay, dahil sa ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’ “Mga kapatid, sinasabi ko sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at inilibing, at naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. Siya'y propeta at alam niya ang pangako sa kanya ng Diyos, na magiging haring tulad niya ang isang magmumula sa kanyang angkan. Kaya't ang muling pagkabuhay ng Cristo ang nakita at ipinahayag ni David nang kanyang sabihin, ‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; at hindi itinulot na mabulok ang kanyang katawan.’ Si Jesus ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon. Pinaupo siya sa kanan ng Diyos at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Espiritu Santo. Ito ang kanyang ibinuhos sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig. Hindi si David ang umakyat sa langit, kundi sinabi lamang niya, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’ “Kaya't dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay siyang ginawa ng Diyos na Panginoon at Cristo!” Nabagbag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos.” Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang sasapitin ng masamang lahing ito.” Kaya't ang mga tumanggap sa sinabi niya ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon. Nanatili sila sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpipira-piraso ng tinapay, at sa pananalangin. Dahil sa maraming himala at kababalaghang nagagawa sa pamamagitan ng mga apostol, naghari sa lahat ang takot. Nagsasama-sama ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay para sa kanilang lahat. Ipinagbibili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan. Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo, masayang nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at may malinis na kalooban. Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan rin sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mga Gawa 2:22-47

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya