Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

APOCALIPSIS 4:6-11

APOCALIPSIS 4:6-11 ABTAG01

at sa harapan ng trono, ay may parang isang dagat na salamin na katulad ng kristal. At sa gitna ng trono, at sa palibot ng trono ay may apat na nilalang na buháy na punô ng mga mata sa harapan at sa likuran. Ang unang nilalang ay tulad ng isang leon, ang ikalawang nilalang ay tulad ng isang baka, ang ikatlong nilalang ay may mukha ng isang tao, at ang ikaapat na nilalang ay tulad ng isang agilang lumilipad. At ang apat na nilalang na buháy, na may anim na pakpak ang bawat isa sa kanila, ay punô ng mga mata sa palibot at sa loob; at sila'y walang humpay na nagsasabi araw at gabi, “Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos, ang Makapangyarihan sa lahat, ang noon at ang ngayon at ang darating!” At kapag ang mga nilalang na buháy ay nagbibigay ng kaluwalhatian, karangalan, at pasasalamat sa nakaupo sa trono, doon sa nabubuhay magpakailanpaman, ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpapatirapa sa harapan ng nakaupo sa trono, at sumasamba doon sa nabubuhay magpakailanpaman; at inihahagis nila ang kanilang mga korona sa harapan ng trono, na nagsasabi, “Karapat-dapat ka, O Panginoon at Diyos namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan, sapagkat nilikha mo ang lahat ng mga bagay at dahil sa iyong kalooban ay nabuhay sila at nalikha.