Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOB 9:1-20

JOB 9:1-20 ABTAG01

Pagkatapos ay sumagot si Job, at sinabi, “Sa katotohanan ay alam kong gayon nga: Ngunit paano magiging matuwid ang isang tao sa harapan ng Diyos? Kung naisin ng isang tao na sa kanya ay makipagtalo, siya'y hindi makakasagot sa kanya ni minsan sa isang libo. Siya ay pantas sa puso, at malakas sa kapangyarihan: Sinong nagmatigas laban sa kanya at nagtagumpay? Na siyang naglilipat ng mga bundok, at hindi nila nababatid, nang kanyang itaob sila sa kanyang pagkagalit; na siyang umuuga ng lupa mula sa kanyang kinaroroonan, at ang mga haligi nito ay nanginginig; na siyang nag-uutos sa araw at ito'y hindi sumisikat, na siyang nagtatakip sa mga bituin; na nag-iisang nagladlad ng kalangitan, at ang mga alon ng dagat ay tinapakan; na siyang gumawa sa Oso at Orion, at sa Pleyades, at sa mga silid ng timog; na gumagawa ng mga dakilang bagay na di maunawaan, at mga kamanghamanghang bagay na di mabilang. Siya'y dumaraan sa tabi ko, at hindi ko siya nakikita. Siya'y nagpapatuloy ngunit hindi ko siya namamalayan. Siya'y nang-aagaw, sinong makakahadlang sa kanya? Sinong magsasabi sa kanya, ‘Anong ginagawa mo?’ “Hindi iuurong ng Diyos ang kanyang galit; ang mga katulong ng Rahab ay nakayukod sa ilalim niya. Paano ko ngang masasagot siya, at mapipili ang aking mga salita laban sa kanya? Bagaman ako'y walang sala, hindi ako makakasagot sa kanya; kailangang ako'y magmakaawa sa aking hukom. Kung siya'y ipatawag ko at siya'y sumagot sa akin; gayunma'y hindi ako maniniwala na kanyang dininig ang aking tinig. Sapagkat ako'y dinudurog niya sa pamamagitan ng isang bagyo, at pinararami ang aking mga sugat nang walang kadahilanan. Hindi niya ako tutulutang makahinga, sa halip ay pinupuno niya ako ng kapaitan. Kung ito'y tagisan ng lakas, siya ang malakas! At kung tungkol sa katarungan, sino ang magpapatawag sa kanya? Bagaman ako'y walang sala, hahatulan ako ng sarili kong bibig; bagaman ako'y walang dungis, patutunayan niya akong masama.