Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOB 38:22-41

JOB 38:22-41 ABTAG01

“Nakapasok ka na ba sa mga tipunan ng niyebe, o nakita mo na ba ang mga imbakan ng yelo, na aking inilalaan sa panahon ng kaguluhan, para sa araw ng labanan at ng digmaan? Ano ang daan patungo sa dakong ipinamamahagi ang ilaw? O ang lugar na ikinakalat sa ibabaw ng lupa ang hanging silangan? “Sinong humukay ng daluyan para sa mga agos ng ulan, at para sa kislap ng kidlat ay gumawa ng daanan, upang magpaulan sa lupang hindi tinatahanan ng tao, sa disyerto na kung saan ay walang tao; upang busugin ang giba at sirang lupa, at upang sibulan ng damo ang lupa? “Mayroon bang ama ang ulan? O sa mga patak ng hamog ay sino ang nagsilang? Sa kaninong bahay-bata ang yelo ay nagmula? At sino ang sa namuong hamog sa langit ang nagsilang kaya? Ang tubig ay nagiging sintigas ng bato, at ang ibabaw ng kalaliman ay nabubuo. “Ang mga tanikala ng Pleyades ay iyo bang matatalian, o ang mga tali ng Orion ay iyo bang makakalagan? Maaakay mo ba ang pangkat ng mga bituin sa kanilang kapanahunan, o ang Oso na kasama ng kanyang mga anak ay iyo bang mapapatnubayan? Alam mo ba ang mga tuntunin ng langit? Maitatatag mo ba ang kanilang kapangyarihan sa daigdig? “Mailalakas mo ba hanggang sa mga ulap ang iyong tinig, upang matakpan ka ng saganang tubig? Makakapagsugo ka ba ng mga kidlat, upang sila'y humayo, at magsabi sa iyo, ‘Kami'y naririto’? Sinong naglagay sa mga ulap ng karunungan? O sinong nagbigay sa mga ambon ng kaalaman? Sinong makakabilang ng mga ulap sa pamamagitan ng karunungan? O sinong makapagtatagilid ng mga sisidlang-tubig ng kalangitan, kapag ang alabok ay nagkakabit-kabit, at ang tigkal na lupa ay mabilis na naninikit? “Maihuhuli mo ba ng biktima ang leon? O mabubusog mo ba ang panlasa ng mga batang leon, kapag sila'y yumuyuko sa kanilang mga lungga, at nagtatago sa guwang upang mag-abang ng masisila? Sinong nagbibigay sa uwak ng kanyang pagkain, kapag ang kanyang mga inakay sa Diyos ay dumaraing, at nagsisigala dahil sa walang pagkain?