Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ISAIAS 49:1-6

ISAIAS 49:1-6 ABTAG01

Kayo'y makinig sa akin, O mga pulo; at inyong pakinggan, kayong mga bayan sa malayo. Tinawagan ako ng PANGINOON mula sa sinapupunan, mula sa katawan ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan. Ang aking bibig ay ginawa niyang parang matalas na tabak, sa lilim ng kanyang kamay ay ikinubli niya ako; ginawa niya akong makinang na palaso, sa kanyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako. At sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking lingkod; Israel, na siyang aking ikaluluwalhati.” Ngunit aking sinabi, “Ako'y gumawang walang kabuluhan, ginugol ko ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan; gayunma'y ang aking katarungan ay nasa PANGINOON, at ang aking gantimpala ay nasa aking Diyos.” At ngayo'y sinabi ng PANGINOON, na nag-anyo sa akin mula sa sinapupunan upang maging kanyang lingkod, upang ibalik uli ang Jacob sa kanya, at ang Israel ay matipon sa kanya; sapagkat sa mga mata ng PANGINOON ako'y pinarangalan, at ang aking Diyos ay aking kalakasan— oo, kanyang sinasabi: “Napakagaan bang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ni Jacob, at panumbalikin ang iningatan ng Israel; ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga bansa upang ang aking kaligtasan ay makarating hanggang sa dulo ng lupa.”