At sinabi ng PANGINOON kay Noe, “Ikaw at ang iyong buong sambahayan ay sumakay sa daong sapagkat nakita kong ikaw lamang ang matuwid sa harap ko sa lahing ito.
Kumuha ka ng tigpipito sa bawat malinis na hayop, lalaki at babae; at dalawa sa mga hayop na hindi malinis, lalaki at babae.
Kumuha ka ng tigpipito sa mga ibon sa himpapawid, lalaki at babae; upang panatilihing buháy ang kanilang uri sa ibabaw ng lupa.
Sapagkat pagkaraan ng pitong araw, magpapaulan ako sa ibabaw ng lupa ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Aking pupuksain ang lahat ng may buhay na aking nilikha sa balat ng lupa.”
At ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng PANGINOON.
Si Noe ay animnaraang taon nang ang baha ng tubig ay dumating sa lupa.
At sumakay sa daong si Noe at ang kanyang mga anak, ang kanyang asawa, at ang mga asawa ng kanyang mga anak upang umiwas sa tubig ng baha.
Sa mga hayop na malinis, at sa mga hayop na hindi malinis, at sa mga ibon at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa,
ay dala-dalawa, lalaki at babae, pumasok sa daong kasama ni Noe, ayon sa iniutos ng Diyos kay Noe.
Pagkaraan ng pitong araw, ang tubig ng baha ay umapaw sa lupa.
Sa ikaanimnaraang taon ng buhay ni Noe, sa ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, nang araw na iyon, umapaw ang lahat ng bukal mula sa malaking kalaliman, at ang mga bintana ng langit ay nabuksan.
Umulan sa ibabaw ng lupa sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi.
Nang araw ding iyon, pumasok sa daong si Noe, sina Sem, Ham, at Jafet na mga anak ni Noe, ang asawa ni Noe, at ang tatlong asawa ng kanyang mga anak na kasama nila,
sila, at bawat mailap na hayop ayon sa kani-kanilang uri, bawat maamong hayop ayon sa kani-kanilang uri, bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanilang uri, at bawat ibon ayon sa kanilang uri, lahat ng sari-saring ibon.
Sila'y sumakay sa daong, kasama ni Noe, dala-dalawa ang lahat ng hayop na may hininga ng buhay.
Ang mga sumakay ay lalaki at babae ng lahat ng laman, pumasok sila gaya ng iniutos sa kanya ng Diyos. At siya'y ikinulong ng PANGINOON sa loob.